Followers

Thursday, May 21, 2015

Responsibilidad Daw

Matagal nang nagchachat sa akin ang estudyante ko dahil kinukuha niya ang card niya. Hindi niya kasi nakuha noong nagbigay ang school ng one week para sa issuance of cards.

Kanina...

''Sir anong date po pwedeng kunin?" tanong niya. "Baka po kasi enrollment na eh!" dagdag niya pa bago ako nagapag-reply.


"Bukas nasa school ako." Sigurado na ako kasi next week pa uli ang check-up ng mata ng Mama ko. Saka kailangan ko na rin talagang pumunta sa school dahil tiyak na ako na lang ang may maalikabok at magulong silid-aralan. Eleven days to go ay magre-resume na ang school year 2015-2016.

"Thank you po sir! Pupunta rin po kasi kami sa school ng kapatid ko, isusunod ko na lang yung akin." Ilang minuto pa ang lumipas bago niya ako nasagot.

Tamang-tama naman na ang kapatid ko ay hindi umuwi mula sa trabaho. Ibig sabihin, walang mag-aalaga sa aking ina kapag umalis ako bukas.

"Hindi pa pala ako makakapunta. Sorry." sagot ko. Nahiya ako sa bata.

Wala na siyang reply.

Kinabukasan..

Ginamit ang FB account niya ng kanyang guardian. "Sir good morning, guardian ako ni Ella, hindi pwedeng hindi namin makuha ngayon ang Form 138 niya kasi magpapasukan na at mag-eenroll pa ang mga bata. Nasa Paranaque na kami at  ngayon lang kami may free time para makuha ang card niya. So, we are expecting na magagawan n'yo ng paraan na makuha namin 'yan today."

Nagta-type pa ako nang masend uli siya ng text. "Sinabi n'yo din kagabi na pupunta kayo today kaya nag-settle kaming pumunta ngayon. Actually nasa biyahe na kami. So, please gawan natin ng paraan. Wag pabago-bago."

Kalmado pa ako nang nang-reply ako. Sabi ko: "Nasa Antipolo City ako. Inaalagaan ko ang Mama kong bulag. Hindi umuwi ang kapatid ko kaya di ako makakaalis."

Natuwa ako nang sabihing niya ito: "On Monday na lang siguro."

Hindi na ako nag-reply sa pag-aakalang okay na. Pero, nagtanong pa siya uli.

"Bukas po ba nasa school ka, Sir?"

"Ayaw ko ng mangako. Mahirap ang kalagayan ng isang bulag kaya kailangan ako.. Basta sa June 1, nandoon ako sa school. Sigurado 'yan." kako.

Hindi pa siya tumigil. "Pasukan na sa June 1. Oo, alam ko, Sir, mahirap 'yang sitwasyon mo. Pero, pasukan na 'yun. Magtatransfer si Ella. Siguro naman hindi din tamang kami pa ang mag-adjust just because of your situation. In fact, responsibility mo po 'yan as their teacher."

Nanginig na ako sa inis. Kaya, agad tumaas ang dugo sa ulo ko. Hindi ko naman sinabing mag-adjust sila. Ang akin lang ay maghintay sila at unawain ako.

Nagtype ako ng sagot ko. Mali-mali tuloy ang napapindot ko pero nasa logic pa rin ako. Hindi ako pwedeng magpatalo dahil mas makabuluhan ang rason ko.

Tapos, nag-send pa siya nito: " Pwede naman siguro namin makuha 'yun kahit wala kayo. Di ba po?"

"Ang layo ko nga e. Walang mga mata ang ina ko. Ni hindi makaluto dahil di makakita. Nagpapatak ng mga gamot. Kung malapit lang, bakit pahihirapan pa natin ang isa't isa. Ni hindi pa nga ako nakalinis ng classroom ko dahil dito. May date para sa kuhaan ng card, di kayo pumunta.. Nasa classroom ko ang card. Walang nakakaalam dahil nagtago ako ng mga gamit, gawa ng mga nanirahang performers from Davao. Hintayin niyo na lang po ako." Inisang type ko na lang ang lahat ng sagot ko.

Kulang pa nga iyan. Kung personal o tawag sana, mas nasabi ko pa ang mga kamalian nila.

"Konting unawa po sana.." Dinagdag ko pa ito.

Hindi na siya nag-reply.

Talo siya sapagkat siya mismo ang nagsabi na June 1 ang pasukan. Nang di sila sumipot sa kuhaan ng card, hindi naman ako nagalit sa kanila.

Oo, responsibilidad kong mag-issue ng card, pero mas mahalaga ang kalagayang kalusugan ng aking magulang. Tapos, na ang responsibilidad ko sa kanyang anak. Sadya lang talagang hindi siya makaunawa dahil akala niya sa mga guro ay guro buong taon.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...