Naabutan ko si Jeoffrey na may kausap sa cellphone. Nasa labas siya ng bar. Sinenyasan niya akong hintayin ko siya sa may guard. Antagal kong naghintay. Ang tantiya ko, mga limang minuto. Nahulaan ko rin kung sino ang kausap niya ---si DIndee.

“Red, kausap ko si Dindee. Kumusta ka daw.” Pinakita niya talaga sa akin ang bago niyang cellphone.

“Mabuti. Aba! Asensado ka na. New cellphone..” Gusto ko pa sanang sabihin na parang hindi siya namatayan ng tiyo.

“Ah, ito? Wala ‘to. Bigay lang. Halika na nga, pasok na tayo!”

Pinaghintay niya lang pala ako para ibida ang bago niyang gadget. Wala namang palang mahalagang sasabihin. Akala niya ay hindi ko alam na bigay iyon ni Boss Rey. Malamang gamit na gamit na rin siya.

Kinuwento ko kay Dindee ang ginagawa ni Jeoffrey. Ako pa yata ang mali. Huwag daw akong mangialam. Buhay niya daw iyon. Wala na akong sinabi.

Kanina, naisip kong iwasan na lang si Jeoffrey, lalo na’t naisip ko ang madalas na payo sa akin nina Daddy at Mommy. Mamili daw ako ng kaibigang may hatid na good influence. Binalanse ko ang sitwasyon. Oo nga’t may mga maling ginagawa si Jeoffrey, pero hindi naman niya ako hinihikayat na gawin ko ang gawain niya o gayahin ko siya. Nasa akin pa rin kung gagawin ko hindi. Saka lamang siya magiging bad influence kapag ginaya ko siya. Sa tingin ko, imposible iyon.

Nagtext si Sharon. Sabi niya, sa Tiaong, Quezon ang kasal ng kuya niya kaya kailangan kong pumunta doon one day before ng kasal. Makisabay na daw ako sa kanya. Sh*t! Ang layo. Bakit kasi pumayag pa ako?

Namumblema tuloy ako. Tapos, nawala sa isip ko ang okasyon ngayong araw. Mothers’ Day pala ngayon. Muntik ko na ngang di mabati si Mommy. Mabuti na lang at nakita kong binati at kiniss siya ni Daddy. Nag-kiss at bumati na rin ako.

Ito ang unang Mothers’ Day na magkakasama kaming tatlo after several years na wasak ang pamilya namin. I’m so thankful for this blessing.

Nag-celebrate kami sa labas. Namasyal sa mall. Kumain at nanuod ng sine. Sobrang saya ni Mommy. Kami rin ni Daddy, siyempre.