Ang Sitio Bukana Noon
Isang umaga, nasa baybayin sina Benjo at
Lolo Sergio. Pinagmamasdan nila ang mga parating na mangingisda, na galing sa
pamamalakaya.
“Kumusta ang huli ninyo?” tanong ni Lolo
Sergio.
“Bokya na naman kami, Lolo Sergio,”
malungkot na tugon ni Mang Tasyo.
“Pang-ulam lang ng pamilya,” dagdag ni Mang
Bino.
“Bigyan natin sila,” alok ng binatang si
Tiro.
“Naku, huwag na. Sa susunod na lang,”
tanggi ni Lolo Sergio.
Pag-alis ng tatlo, nag-usap ang maglolo.
“Si Tatay kaya, may mahuhuling isda?”
tanong ni Benjo.
“Kung walang huli ang tatlo kanina,
posibleng wala ring huli ang tatay mo.”
“Napakalawak naman ng dagat, Lolo Sergio.”
“Ano?” Hindi na naman narinig ng kaniyang
lolo.
Inulit niya ang sinabi niya kasi
nakalimutan niyang bingi na pala ito.
“Oo nga, pero napakalawak din ng pinsalang
gawa ng mga tao.”
Napakamot sa ulo si Benjo.
“Hindi ganito ang Sitio Bukana noon,”
patuloy ng kaniyang lolo.
“Ano ang hitsura nito noon, Lolo?”
Inakbayan ni Lolo Sergio si Benjo patungo
sa estuwaryo. Ikinuwento nito sa kaniya kung gaano kalinis at kaganda ang
kanilang mga baybayin at estuwaryo.
“Ang ganda pala dati ng Sitio Bukana?!”
Bumilog ang mga mata at mga labi ni Benjo.
“Oo! Sagana sa yamang-dagat ang mga tao
rito. At maraming turista ang dumarayo.”
“Talaga, Lolo? Ibalik natin ang Sitio
Bukana noon,” sabi ni Benjo.
“Paano?” Napakamot sa baba si Lolo Sergio.
“Tingnan mong maigi itong estuwaryo. May turista pa kayang darayo rito?”
Hindi na nakasagot si Benjo dahil narinig
nila ang anunsiyo.
“Mga kababaryo, may bisita tayo,” sabi ni
Tserman Hipolito. Gamit nito ang megapono. Nakasunod naman ang masusugid na
barangay tanod nito.
“Lolo, may turista na tayo,” sabi ni Benjo.
“Ssssh! Makinig tayo,” sawata sa kaniya ng
lolo.
Tumigil ang mga bata sa paglalaro. Lumabas
ang mga nanay sa kanilang kubo. Naglapitan ang mga tatay at iba pang
taga-sitio.
“Siya si Mister Ho. May gagawin siyang
proyekto rito sa Sitio Bukana,” patuloy ni Tserman Hipolito. “Siya ang
magdadala ng pagbabago!”
“Pagbabago!” sabay-sabay na sigaw ng
barangay tanod ng kanilang sitio.
“Kung gusto ninyo ng pagbabago, tanggapin
natin ang plano ni Mister Ho. Mahusay siya sa larangan ng negosyo.”
“Mawalang-galang na Tserman,” singit ni
Aling Unyang. “Anong pagbabago? Magbabago rin ba ang buhay ng pamilya ko?”
Sumang-ayon ang iba pa sa tanong ni Aling
Unyang.
“Sandali! Sandali!” galit na sabi ng
tserman. “Ayaw ba ninyo ng kabuhayan? Maglalagay ng pantalan si Mister Ho sa
ating estuwaryo.”
Nakalapit na ang maglolo kina Tserman
Hipolito at bisita nito.
“Tama ba ang narinig ko, Tserman Hipolito?”
usisa ni Lolo Sergio.
“Sabi ni Tserman, magtatayo si Mister Ho ng
pantalan sa ating estuwaryo,” bulong ni Benjo sa lolo.
“Ano? Mali ang desisyon mo, Tserman
Hipolito!” Umuusok ang ilong ni Lolo Sergio. “Hindi solusyon ang pagpapatayo ng
pantalan.”
“Anong solusyon ang naiisip mo, Lolo
Sergio?” natatawang tanong ni Tserman Hipolito.
Nagtawanan naman ang mga barangay tanod
nito.
“Ano raw?” tanong ng kaniyang lolo.
Binulungan ni Benjo ang lolo, kaya lalong
uminit ang ulo.
“Tserman Hipolito, kahit bata ka pa noon,
pero alam kong naaalala mo kung gaano kalinis at kaganda ang lugar na ito.
Palagi kayong naliligo diyan sa estuwaryo. Ngayon, ito ang gagawin mo.”
Sandaling natahimik ang lahat dahil sa mga
binitiwang salita ni Lolo Sergio.
Pumagitna na si Benjo. “Tserman Hipolito,
Mister Ho, huwag na ninyong ituloy ang plano.”
“At ano ang kayang gawin ng isang batang
tulad mo?” pasinghal na tanong sa kaniya ni Tserman Hipolito.
“Marami akong magagawa. Marami tayong
magagawa kung ang lahat ay makikiisa.”
“Benjo?” gulat na gulat ang kaniyang lolo.
Hinila siya nito.
“Ayan! May pinagmanahan naman pala ang apo
sa kaniyang lolo,” tudyo ng tserman. “Hindi na kayo nahiya sa bisita nating
mayaman. Siya ang aahon sa atin sa kahirapan.”
Kumawala si Benjo at muling pumunta sa
harapan. “Hindi! Siya ang sisira lalo sa kalikasan!”
“Umuwi na kayong maglolo!” sigaw ni Tserman
Hipolito. “Buo na ang plano ni Mister Ho.”
Nagtaas ng dalawang kamay si Mister Ho.
Tumigil ang lahat at pinakinggan ito.
“Umuurong na ako sa plano. Ayaw kong
magnegosyo sa magulong lugar na ito,” sabi ni Mister Ho.
“Pero, Mister Ho, kaya kong ayusin ito,”
pakiusap ni Tserman Hipolito.
“Hindi na! Tama na ang nakita ko.” Umalis
na si Mister Ho.
Naghiyawan ang mga taga-sitio.
“Kasalanan niyo `to! Mag-uusap pa tayo,”
sabi ng tserman sa maglolo, sabay duro. Mabilis itong tumalikod, kasunod ang
mga tanod.
“Boo!” hiyawan ng mga tao.
“Tama na!” sabi ni Lolo Sergio. “Panahon na
para matulong-tulong tayo. Napag-usapan na namin ito kanina ni Benjo bago pa
dumating ang bisita ni Tserman Hipolito.”
“Ilatag mo, Benjo ang mga plano mo,” sabi
ni Aling Unyang.
“Susuporta kami sa inyo kapag nakabubuti
naman para sa ating sitio,” sabi naman ni Mang Tasyo.
“Oo! Tutulong kami.” Sumang-ayon ang lahat,
kahit ang mga kalaro niyang sina Goryo at Mimi.
“Pangarap kong maibalik ang Sitio Bukana
noon. Mga ka-sitio, ito na ang panahon,” sabi ni Benjo nang mahinahon. “Maibabalik
natin ang dating kasaganaan at kagandahan ng estuwaryo.”
“Paano, Benjo? Ningas-kugon lang naman ang
mga taga-sitio,” tanong ni Mang Bino.
“Oo nga,” sang-ayon ni Tiro. “Ang mga
binoto nating pinuno, puro lang pangako.”
“Kaya tayo na ang magsimula ng pagbabago.
Makinig kayo sa aking apo,” sabi ng kaniyang lolo.
“Sige, makikinig kami,” sabi ni Aling
Unyang.
Tinapik-tapik ni Lolo Sergio ang balikat ni
Benjo. “Kaya mo `yan.”
Tumango-tango muna si Benjo at huminga nang
malalim.
Pinakinggan ng lahat ang mga sinabi ni
Benjo. Nakinig pati ang kaniyang mga kalaro.
“Una, maglinis. Pangalawa, magtanim. Punuin
natin ng mga bakawan ang estuwaryo. Magkaroon tayo ng disiplina sa pagtatapon
ng basura. Protektahan natin ang kalikasan.”
Nagpalakpakan ang madla nang mailatag ni
Benjo ang kaniyang plano.
“Manang-mana ka talaga sa akin, Apo,”
papuri ni Lolo Sergio. Ginulo-gulo pa nito ang buhok ni Benjo.
“Salamat na inyo!” sabi ni Benjo.
“Magsimula na tayo ngayon. Ibalik na natin ang Sitio Bukana noon.”
“Kilos na! Ngayon na!” sigaw ni Aling
Unyang.
Sumunod na rin ang iba. Sabay-sabay silang
kumilos habang nag-aawitan.
“Proud ako sa `yo, Benjo,”
maluha-luhang sabi ni Lolo Sergio.
“Wala pa akong nagagawa, Lolo,” biro ni
Benjo. “Ako ang proud sa inyo. Noong ikaw ang kapitan del baryo, sabi
nina Tatay at Nanay, napakalinis daw ng ating estuwaryo.”
Nakangiting tumango-tango si Lolo Sergio.
“At kaya mong ibalik ang dating Sitio Bukana, Benjo. Naniniwala ako sa
kakayahan mo.”
“Opo, Lolo. Sa tulong ninyo at ating mga
kababaryo, makakaya ko ito.” Itinaas pa niya ang kaniyang kamao.
Nang araw na iyon, malaki na agad ang
pagbabago sa kanilang sitio. At sa patuloy pagkakaisa at pagmamalalasakit ng
bawat isa, unti-unting natutupad ang pangarap ni Benjo.
Isang umaga, nasa baybayin sina Benjo at
Lolo Sergio. Pinagmamasdan nila ang mga parating na mangingisda, na galing sa
pamamalakaya. Sigurado silang marami na namang huli ang bawat mangingisda.
No comments:
Post a Comment