Gabundok na Labada
Dalawang bundok ang labahan namin ni Nanay
Sinamantala naming maglaba habang nakakatunaw ang araw
Tumulong ako sa pag-igib ng tubig sa balong nag-uumapaw
Tumulong din ako sa pagsabon at pagbabanlaw.
Isang kilometrong tubig ang umagos sa aming katawan
Kusot-kuskos-piga si Nanay, na paulit-ulit lang naman.
Ako naman ay
igib-banlaw-piga, sabay unat ng katawan
Sakit ng katawan ay ramdam ng buong kasu-kasuan.
Kaya pala si Nanay abot sa kabilang isla ang sigaw
Tuwing uuwing animo’y galing sa lubluban ng kalabaw
Napapaihi ako sa pinong-pinong kurot niyang ibibigay
“Tulungan mo akong maglaba niyan,” kaniyang palahaw.
Nakalutang sa alapaap tuwing malapit nang magsampay
Lalo na’t nabumubulong ang hangin; dilat na dilat ang araw
Tiyak na gabundok ng nilabhang damit, agad na matutunaw
Paboritong damit maisusuot agad sa pagpapasabsab ng kalabaw.
Mga puti at de-kolores na damit, nagsasayawan na sa sampayan
Nang walang kaabog-abog na bumuhos ang mga lalaking ulan
Kahit galit na galit ang araw, butil-butil na patak,
nag-uunahan
Halos mabaliw kaming samsamin anga ming mga nilabhan.
No comments:
Post a Comment