Si Maria Makiling
Noong unang
panahon, may isang dalagang naninirahan sa paanan ng bundok. Kasama niya ang
kaniyang ama at ina.
“Maria, halika
na,” aya sa kaniya ng ina.
“Saan tayo
tutungo, Ina?” sagot niya habang sinusuklay ang itim na itim at mahabang buhok.
“Tutulungan natin
ang iyong ama sa pagtatanim.”
“Nariyan na, Ina.”
Isinuksok muna ni Maria ang sampaguita sa kaniyang buhok, saka binitbit ang
basket.
Paglabas ni Maria,
sinalubong agad siya ng mga batang babae at lalaki.
“Napakabango mo
talaga, Maria,” sabi ng mga bata.
“Salamat, mga
bata! O, maglaro na kayo ulit. Tutungo lang kami ni Ina sa gubat.”
“Magtatanim ulit
kayo, Maria?” tanong ng isa.
Ngumiti at tumango
si Maria.
“Napakaganda mo,
Maria, para sa gawaing iyan,” komento ng isa pang bata.
“Wala sa hitsura
ang pagtatanim, mga bata. Nakapagpapaganda ng kapaligiran ang mga puno at
halaman, kaya dapat magtanim tayo.”
“Tama si Maria,”
sang-ayon ng kaniyang ina. “Kaya tumulong kayo sa mga magulang ninyo habang
bata kayo.”
“Sige na, paalam
na. Aalis na kami, mga bata.”
“Paalam, Maria.
Ingat kayo,” sabi ng mga bata.
Nasa kapunuan na
sina Maria at kaniyang ina, nang makarinig sila ang sigaw. Humihingi iyon ng
saklolo.
“Ina, hanapin
natin siya,” nangangambang sabi ni Maria.
“Huwag na.
Hinihintay na tayo ng iyong ama,” tutol ng kaniyang ina.
“Sakloloooo!”
muling sigaw ng lalaki.
Walang
lingon-likod na tinunton ni Maria ang pinagmumulan ng sigaw.
Sinundan naman
siya ng kaniyang ina.
“Binibini,
tulungan mo ako. Natuklaw ako ng malaking ahas,” sabi ng lalaki. Duguan ang
binti nito.
Mabilis na kumilos
si Maria. “Ina, tulungan mo akong humanap ng dahon ng ikmo o kaya dahon ng
makabuhay,” sabi niya.
“Maria, iwanan na
natin siya. Tingnan mo, may baril siya.” Hinila siya ng kaniyang ina.
“Hindi ako
masamang tao,” sabi ng lalaki. “Nangangaso lang ako rito.”
“Mangangaso siya,
Maria. Binabaril niya ang mga hayop dito,” dagdag pa ng ina.
“Sinoman o anoman
siya, Ina, kailangan pa rin niya ng tulong natin. Sugatan siya. Mapanganib ang
tuklaw ng ahas, lalo na kung makamandag,” sabi ni Maria, bago tumayo at umalis.
“Ako na ang maghahanap ng dahon.”
Walang nagawa ang
ina ni Maria habang dinidikdik niya ang mga dahon ng ikmo.
“Maraming salamat,
Binibini,” sabi ng lalaki. “Ako nga pala si Luis. Maaari ko bang malaman ang
pangalan mo.”
“Siya si Maria,”
sagot ng ina. “Pagkatapos ka niyang gamutin, umuwi ka na. At huwag na huwag ka
nang babalik dito. Igalang mo ang mga hayop para igalang ka rin nila.”
“Humihingi ako ng
kapatawaran sa aking nagawa, pero hayaan niyo sana akong dalawin si Maria.”
“Bakit mo siya
dadalawin? Wala naman siyang sakit.”
“Nais kong
magpasalamat sa kaniya.” Napangiti si Luis.
Tahimik lang na
ipinipiga ni Maria ang katas ng ikmo sa sugat ng lalaki. Pagkatapos, pumunit
siya ng kapirasong tela mula sa laylayan ng puting saya niya. Ipinantali niya
iyon sa hita ni Luis.
“Ligtas ka na,
Ginoo. Aalis na kami,” paalam ni Maria. “Ilaga mo ito at inumin.” Iniabot niya
ang baging ng makabuhay.
“Maraming salamat,
Maria. Napakabuti ng puso mo. Babalik ako.”
“Halika na,
Maria.” Niyakag na siya ng ina.
Dahil sa pagtulong
ni Maria kay Luis, lalo siyang nakilala sa mga karatig na nayon. Hindi lang
iyon ang unang beses na may tinulungan si Maria. Bata man o matanda, kapag
nangangailangan ng tulong ay tinutulungan niya. Hindi lang sa kagandahan at
kabutihan ng puso siya nakilala, kundi sa panggagamot, gamit ang mga halaman.
Isang araw,
bumisita si Luis sa kanilang bahay. Hinanap agad nito si Maria.
“Wala siya rito.
Umalis ka na,” sabi ng kaniyang ina. Takot na takot ito.
“Saan ko siya
maaaring makita?” Biglang tumalim ang tingin ni Luis. Tumigas din ang
pananalita nito.
Samantala, nasa
ilog si Maria. Pakanta-kanta pa siya habang nilalagyan ng gugo ang buhok niya.
Parang musika sa pandinig niya ang huni ng mga ibon at lagaslas ng tubig.
“Maria, tumakbo ka
na!” sigaw ng kaniyang ina.
“Ina?!” Nakita
niyang patakbong palapit sa kaniya si Luis.
“Takbo, Maria,
takbo!” muling sigaw ng kaniyang ina.
Agad siyang bumalikwas
at mabilis na tumakbo patungo sa kapunuan.
“Maria, gusto
kitang maging asawa!” sigaw ni Luis habang hinahabol siya.
Dahil kabisado ni
Maria ang bundok na iyon, nailigaw niya si Luis.
“Maria! Maria!” Naririnig
niya ang patuloy ang pagsigaw ni Luis. “Kapag hindi ka nagpakasal sa akin,
kakainginin ko ang bundok na ito.”
Biglang kinabahan
si Maria mula sa kaniyang pinagtataguang uwang ng malaking puno. “Huwag! Huwag mong gawin `yan, Luis.”
Napangisi si Luis
sa narinig. “Kung gayon, lumabas ka riyan! Isasama na kita sa bayan.”
“Hindi pa ako
handa ngayon. Bumalik ka na lang bukas.” Gusto nang maiyak ni Maria.
“Nililinlang mo
lang ako. Lumabas ka na riyan!” Galit na galit na si Luis. “Nasaan ka?”
Hindi kumibo si
Maria dahil bumuhos na ang kaniyang luha. Nag-aalala siya sa kaniyang ina at
ama habang nababalot ng takot ang kaniyang buong katawan.
“Maria, nasaan
ka?”
Habang papalapit
si Luis, nag-iisip siya ng paraan upang makatakas.
“Maria, lumabas ka
na.”
“Diwata ng
kabundukan, tulungan mo ako,” usal ni Maria. Alam niyang alam ni Luis ang
kinaroroonan niya.
“Huwaaaag!
Aaaaaah!”
Nagulat si Maria
nang marinig ang sigaw ni Luis. Pero agad siyang lumabas sa kinatataguan.
“Nasaan po ang lalaki?” nagtataka niyang tanong sa matanda. “Ikaw ang
tinulungan ko noong isang araw.”
“Wala na siya,
Maria,” tugon nito. “Ako nga iyon.”
Isinalaysay ni
Maria ang nangyari.
“Alam ko, Maria.
Palagi akong nakasubaybay sa `yo. At walang dudang ikaw nga ang susunod na tagapangalaga
ng bundok na ito.”
“Ho? Bakit ako?”
“Dahil nakita ko
ang pagmamahal mo sa kalikasan. Simula ngayon, ikaw na si Maria Makiling.
Tanggapin mo ito.”
Inabot ni Maria
ang kumikinang na patpat mula sa matanda. “Ano po ito?” Pagtingin niya, wala na
ito sa harapan niya. “Lola? Lola, nasaan ka?” Nagpaikot-ikot siya hanggang sa
lumiwanag ang paligid. Nang tumigil siya, ibang-iba na ang kaniyang kasuotan.
May koronang bulaklak na nakaputong sa maitim at mahabang niyang buhok.
Kumikinang ang kaniyang kasuotan.
Naglabasan ang mga
hayop at nagsilapitan sa kaniya, saka animo’y yumukod sa kaniyang harapan.
No comments:
Post a Comment