Si Adlaw, si Habagat, at si Uran
Minsan, ayaw nang sumikat ni Adlaw
Marami raw sa kaniya ang umaayaw
Kanilang balat, tila sorbetes na natutunaw
Ang iba’y nangingitim—na dating mapusyaw.
“Adlaw, na kasingningning ng gintong ilaw,
Lumabas ka na at magbigay ng tanglaw
Ang mga halaman ko ngayo’y nalulumbay.”
Iyan ang pakiusap ng magsasaka ng gulay.
Si Habagat nama’y huminto sa pag-ihip
Marami kasi sa kaniya ay nagagalit
Parang kakambal niya raw ay pasakit
Matitinding ulan at bagyo ang kadikit.
“O, Habagat, kami ay nagpapasalamat
Para kang inang nagbibigay-buhay sa lahat
Nililinis mo ang hanging aming nilalanghap
Nagbibigay ng lamig, na animo’y yumayakap.”
At si Uran ay ayaw na ring pumatak
Nakasisira daw kasi ng mga plano at balak
Kawangis ng luha ang kaniyang pagpatak
Ngunit sigla ang hatid sa lupang bitak.
“Pakiusap, tumangis ka nang muli, Uran
Kailangan ka ng mga gulay ko sa taniman
Iyong ulan ay amin namang kaligayahan
Kagaya ng luha ng ligaya at kasiyahan.“
Si Adlaw, si Habagat, at si Uran
Ay hindi mga kaaway, kundi mga kaibigan
Minsan sila’y masungit, pero maaasahan
Sa mga tao at kalikasan ay kapaki-pakinabang.
No comments:
Post a Comment