Followers

Thursday, February 19, 2026

Walang Makita si Niño

 

 

Walang Makita si Niño


 

 

“Nasaan ang dinosaur ko rito, Ading! Pinakialaman mo na naman?” pasinghal na tanong ni Niño sa nakababatang kapatid.

 

Bahagyang nagulat si Ading nang dumapo ang palad niya sa batok nito. “Aray ko naman, Kuya! Hindi nga ako ang nangialam ng laruan mo.”

 

“Anong hindi!? Ikaw lang naman ang pakialamero ng mga gamit ko.” Dadambahan pa sana niya ng suntok si Ading, pero nakaiwas ito at nakatakbo.

 

“Mama, o, si Kuya, namimintang!” sigaw ni Ading palapit sa kanilang ina.

 

“Tumigil ka, Niño! Bakit hindi mo hanapin,” sawata ng ina. “Burara ka kasi kaya ganyan.”

 

“Baka naiwan mo sa labas kahapon,” sabi ni Ading habang nagtatago sa likod ng ina.

 

“Oo nga! Hindi ‘yong basta-basta ka na lang nananakit,” dagdag pa ng ina.

 

“Kapag hindi ko nahanap doon~”

 

“Ano? Anong gagawin mo sa kapatid mo?”

 

“Wala po.” Naiinis na lumabas na lang si Niño, saka hinanap sa bakuran ang paboritong dinosaur.

 

Paglipas ng matagal na paghahanap, saka lamang naalala ni Niño, na puntahan ang punso sa likod mismo ng kuwarto nilang magkapatid. Doon kasi siya huling naglaro kahapon. Gustong-gusto niyang binabakbak ang mud tubes, na gawa ng mga pesteng anay.

 

“Wala rito! Yari ka talaga sa akin, Ading!” Aalis na sana siya, nang bigla niyang nakita ang bagong gawang mud tubes ng mga anay. Sariwa pa ang mga iyon. “Kailangan niyong malipol! Sayang wala ang dinosaur ko, paaapakan ko sana kayong lahat!”

 

Gamit ang kaniyang lumang tsinelas, tinanggal niya ang putik na tubo ng mga anay. Tuwang-tuwa siyang makitang naglaglagan ang mga durog na katawan ng mga ito. “Peste talaga kayo!”

 

Pagkatapos niyon, galit pa rin siyang bumalik sa kaniyang kuwarto. Inaasahan niyang naroon si Ading, ngunit wala ito roon. “Lagot ka sa akin pagpasok mo rito. Nakakuyom na ang kaniyang kamao habang pabalik-pabalik sa may saradong pintuan.

 

Sa gulat niya, bigla siyang natigilan dahil nakita niya ang hinahanap na laruang dinosaur sa ibabaw ng kaniyang kama. “Paano ito napunta rito? Wala ito kanina.” Napaisip siya habang hawak ang laruan. “Ibig sabihin, isinauli ito ni Ading habang nasa labas ako.”

 

Tulad ng dati, malakas ang loob ni Niño na sugurin si Ading kahit nakikita at naririnig ng kanilang ina. “Magaling ka talaga, Ading! Naibalik mo kaagad ito. Pakialamero ka na, sinungaling ka pa.”

 

“Hindi ako ang kumuha at nagbalik niyan, Kuya,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Ading, habang hawak ang tinatalupang sayote. Natingin ito sa ina.

 

“Paanong si Ading ang nagbalik niyan? E, mula kaninang paglabas mo, kasama ko siya rito. Tinutulungan niya akong maghanda ng lulutuin,” sabi ng kanilang ina. “Hay, naku, Niño, mabuti pa, maglinis ka sa kuwarto ninyo. Hindi iyang lagi mo na lang sa amin hinahanap kapag may nawawala kang laruan at gamit.”

 

Dahil sa pagkapahiya, tahimik na umalis si Niño, at bumalik sa kuwarto. Bagaman, naniwala siyang hindi nga si Ading ang may gawa niyon, naniniwala pa rin siyang may ginagawang kalokohan sa kaniya ang bunsong kapatid. Maraming beses na niyang pinagalitan, inaway, at sinaktan si Ading dahil kinuha at itinago nito ang mga laruan at gamit niya.

 

Gaya noong isang linggo, nawala ang kapares ng sapatos niya pagkatapos niyang awayin si Ading. Naisip niyang gumanti ito sa kaniya. At natagpuan niya iyon sa may punso.

 

Noong nakaraang araw naman, nawala ang tsitserya niya sa bag. Binatukan niya si Ading nang makita niya ang walang laman na balot niyon sa trash bin.  Sumagot-sagot pa nga ito sa kaniya, kaya lalo siyang nagalit sa kapatid. Kahit mariin ang pagtanggi ni Ading, hindi siya naniwala. Bukod pa rito, nahuli niya mismo itong pinakikialaman ang mga koleksiyon niyang pogs.

 

Sa madaling salita, si Ading talaga ang may gawa ng madalas na pagkawala ng mga laruan, gamit, at pagkain niya. Ibinabalik naman nito ang iba, pero kadalasan ay hindi na nakababalik.

 

Sa sumunod na araw, galit na galit na naman si Niño sapagkat may nawawala na naman siya. “Ading! Nasaan ang tablet ko?” Lumabas siya upang hanapin ang kapatid.

 

“O, bakit?” Napansin siya ng ama, na noon ay nasa sala— nagbabasa ng diyaryo.

 

“Si Ading po, Papa?”

 

“Kanina pa sila umalis ng Mama mo— namalengke. Bakit?”

 

“Dala po ba niya ang tablet ko?”

 

“Wala siyang dala. Bakit, nawawala na naman ba?”

 

“Opo... Gamit ko siya kani-kanina lang. Nilapag ko lang po kasi nagbanyo ako. Pagbalik ko, wala na.”

 

Natatawa ang kaniyang ama. “Hindi ko alam kung burara ka lang ba o makakalimutin na. Hanapin mo kaya uli sa kuwarto niyo.”

 

Napakamot na lang sa ulo si Niño pagkatapos niyang tumalikod. Sa wakas, nagbago ang paniniwala niyang si Ading ang may gawa niyon. Sa pagkakataong iyon, imposible ang ibinibintang niya sa kapatid.

 

At lalo nga siyang naniwalang hindi iyon kagagawan ni Ading nang marinig niya mula sa kuwarto ang tumutunog na gadget. Pamilyar na tunog ang nauulinigan niya. Sandali siyang tumigil habang pinakikinggan at sinusuri ang kinaroroonan ng pamilyar na tunog.

 

Hinanap niya iyon sa ilalim ng double deck— wala. Bumalik siya sa banyo. Wala rin doon ang tablet. Naisip niyang buksan ang bintana. “Ang tablet!” bulalas niya nang makita niya iyon, na nasa ibabaw ng punso.

 

Mabilis ang paglabas niya upang puntahan ang tablet. Hindi na nga niya nasagot ang tanong ng kaniyang ama. Pagdating sa likod-bahay, naabutan niyang naka-play sa tablet ang paborito niyang animated movie-- ang ‘The Smurfs.’

 

“Paano ito napunta rito? At paano ito kusang nag-play?” palinga-linga niyang tanong sa sarili. Tumayo ang mga balahibo sa kamay niya nang maisip na baka totoo nga ang sabi-sabing may nuno sa punso.

 

“Psst, Niño!”

 

Nabusalan niya ang bibig nang marinig niya ang mahinang sitsit mula sa likuran ng malalagong halaman.

 

“Sino ka?” Napaurong pa siya pagkatapos lingunin ang sumitsit sa kaniya. Nakita niyang gumalaw ang mga dahon, na animo’y may nagtago at may maliliit na matang nakasilip. “Magpakita ka… Ikaw ba ang kumuha at nagdala ng tablet ko rito?”

 

Muling gumalaw ang mga dahon.

 

“Magsalita ka at magpakita ka. Malalagot ka sa akin kapag nahuli kita.”

 

Niyugyog ng nagtatagong nilalang ang mga halaman. Tawa pa ito nang tawa. Matinis at kasingliit ng boses ng bata ang boses niyon. Parang boses-bata, pero tunog-matanda. “Pahiram lang ako ng mga laruan at gamit mo.”

 

“Hindi! Pagnanakaw ang ginagawa mo. Malalagot ka sa akin.” Dumakot siya ng lupa mula sa punso, at ibinato niya sa kinaroroonan ng nilalang na hindi niya nakikita. Hindi pa siya nakuntento, dumakot pa siya nang marami, saka ibinato sa halamanan. Narinig niyang umaray ang nilalang.

 

“Masama talaga ang ugali mo!” sabi ng munting nilalang paglabas nito sa halamanan. “Ito ang nararapat sa ‘yo!” Sinabuyan siya nito ng buhaghag na lupa.

 

“Ang mata ko! Ang mata ko! Hindi ako makakita. Papa! Papa!” sigaw niya.

 

Ilang minuto pa ang lumipas bago natulungan si Niño ng ama. Panay ang tanong nito sa kaniya, subalit wala siyang maisagot. Hindi niya alam ang nangyari. Wala siyang naalala. Wala siyang nakita.

 

 

 

 

 

_______

 

 

 

1. Bakit palaging si Ading ang ibinibintang ni Niño sa pagkawala ng kaniyang mga laruan at gamit?

 

Sagot:

Dahil madalas niyang makita si Ading na nakikialam sa kaniyang mga gamit at dahil burara siya, kaya iniisip niyang ang kapatid ang may kasalanan sa tuwing may nawawala.

 

2. Ano ang papel ng punso sa kuwento at bakit ito mahalaga sa mga pangyayari?

 

Sagot:

Ang punso ang lugar kung saan naglalaro si Niño at kung saan natatagpuan ang mga nawawala niyang gamit; dito rin naninirahan ang nuno sa punso na siyang dahilan ng pagkawala ng mga gamit at naging sanhi ng kaparusahan ni Niño.

 

3. Paano ipinakita sa kuwento ang masamang ugali ni Niño sa kaniyang kapatid? Magbigay ng halimbawa.

 

Sagot:

Ipinakita ito sa madalas niyang pagbibintang, pananakit, at paninigaw kay Ading kahit walang malinaw na ebidensya, tulad ng pagbabantang suntukin at pananakit sa kaniya.

 

4. Ano ang naging dahilan upang magbago ang paniniwala ni Niño tungkol kay Ading?

 

Sagot:

Nagbago ang kaniyang paniniwala nang malaman niyang kasama ng kanilang ina si Ading habang nawawala ang tablet, kaya naging imposible na ang kapatid ang kumuha nito.

 

5. Anong aral ang ipinahihiwatig ng kuwento tungkol sa pagtrato sa kapwa at paniniwala sa pamahiin?

 

Sagot:

Ipinahihiwatig ng kuwento na hindi dapat agad magbintang at manakit ng kapwa, at na mahalagang igalang ang paniniwala at mga nilalang na ayon sa pamahiin upang maiwasan ang kapahamakan.

 

 

 

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...