Ang Munting Sirena sa Baybayin
Kasinglinaw ng salamin ang ilalim ng karagatan
Doon, ang munting sirena ay masayang nananahan
Kapiling ang pamilya at mga kapuwa-nilalang
Na sagana na likas na yaman at pagmamahalan.
Ngunit isang araw, kumpol ng basura ay natanaw
Parang itim na ulap, at tila mabangis na halimaw
“Saan nanggaling ito?” tanong niya sa haring araw
“Mga isda sa bahura ay may takot at mapanglaw.
“Kagagawan iyan ng mga mortal na tao!” sagot nito.
Katulad ng alon ng dagat ang kaniyang boses at tono.
“Kung wastong pagtapon ng basura, sila’y matuto,”
“Disin sana’y ang karagatan hindi mistulang impyerno.”
“Tama ka, Haring Araw,” sang-ayon ng sirena
Naglaho ang lungkot sa kaniyang mga mata
Nang masilayan ang mag-amang namamangka.
Naisaloob niya, “Nangingisda ba sila o namamasura?”
Munting sirena ay palihim na sinundan ang mag-ama
Animo’y buntot na sumunod, ngunit maingat siya
Baka makita siya at matakot sa kaniya ang bata
Subalit may naisip siyang matalinong ideya.
Nagpakita siya sa dalawa, at nakipag-usap pa
“Huwag kayong matakot kung ako ay sirena.”
“Katulad ninyo akong may malasakit sa basura.”
Parang pagsikat ng araw ang ngiti ng anak at ama.
Mula noon, madalas siyang umahon sa baybayin
Doon, tinuruan niya ang mga batang matulungin
Na ang dalampasigan at karagatan ay respetuhin
Na huwag magkalat, at ang mga basura ay sinupin.
No comments:
Post a Comment