Mistulang Diwata
Sabi ng aking ina, may ikatlo siyang mata
Nakikita niya ang mga hindi nakikita ng iba,
Gaya ng kapre, duwende, white
lady, at diwata
Subalit, hindi agad ako naniwala sa kaniya.
Alam kong ang mga iyon ay panakot lang niya
Upang `di maglaro sa kakayuhan tuwing umaga
Upang sa hapon, ako’y matulog at magpahinga
Upang bago dumilim ako ay nasa bahay na.
Minsan, naitanong ko ang hitsura ng diwata
“Parang sinag ng buwan sa liwanag at ganda.”
“Tulad ng bahagharing makulay ang pakpak niya.”
“Ang balat niya ay kasingkinang ng mga tala.”
Nais kong makakita ng diwata, kaya nagtanong pa.
“Kaniyang ngiti’y kawangis ng bagong sibol na kamya.”
“Kilos niya’y hanging magaan at banayad ang kagaya.”
Bulalas ko, “Ang ganda pala niya! Saan siya makikita?”
Aking ina ay napatawa, na animo’y umaawit na maya
Aniya, sa mga kagubatan at kabundukan, makikita
Maaari ding sa mga tabing-ilog, talon, o lawa
Mayroon din daw sa mga punong matatanda.
Dagdag kong tanong, “Paano ko makikita ang diwata?”
Nagalak ako, tila bata noon, na binigyan ng mamera
Kahit pagpapakita sa mga tao ay sadyang bihira,
Ako naman ay nagkaroon ng malaking pag-asa.
Simula noon, sa kalikasan, labis-labis ang pag-aalaga
Mga insekto, hayop, halaman, at punong namumunga
Ay aking wagas na pinoprotektahan at kinakalinga
Aking pagmamahal sa kapaligiran ay mistulang diwata.
No comments:
Post a Comment