Mga Tunog ng Paglalakbay
Tsug! Tsug! Hayan na ang ikaanim yatang tren
Ngunit abala pa rin si Tatay sa kaniyang gawain
Kaya kong maghintay, kahit ako’y mainipin.
Brum! Brum! Hayan na pinaandar na ang sasakyan!
Matutuloy na kami kina Lolo at Lola sa Bulacan
Tahimik doon at maganda ang kapaligiran.
Bip! Bip! Hayan na, maayos na ang busina!
Makararating na kami sa aming probinsiya.
Maririnig kong muli ang kokak ng mga palaka.
Ano `yon? May narinig akong sirit ng hangin
Naku! Butas ang gulong ng sasakyan namin
Paano makapagsisimula sa aming lakbayin?
Haay! Matagal pang tumitik-tak ang orasan
Hanggang nakatulog na ako sa aking higaan
Klak! Klak! Ang gate
na bakal ay binuksan!
“Wiiit!“ tatlong sunod-sunod na sipol ang narinig
“Aalis na tayo!” sigaw pa ni Tatay, pero ‘di lumapit
Agad akong bumangon, saka kinuha ang gamit.
Pintig ng puso ko’y tila nagdoble ng tunog
Kanina lang ako ay lungkot na lungkot
Akala ko’y ang aming biyahe ay mauudlot.
“Amen!” sabi naming pagkatapos manalangin
Kaligtasan ng pamilya ang dapat na unahin
Sa gabay ng Diyos na tunay na mahabagin.
Kaa-booom! Nagbabadya ang malakas na ulan
Dagundong ng kulog ay aking kinatatakutan
Ngunit ako’y payapa pagkat pamilya’y nariyan.
Sinalubong kami ng aw-aw ng mga aso
“Mabuti, ligtas kayong nakarating,” sabi ni Lolo.
Sinalubong din kami ni Lola, at kami’y nagmano.
Nang gabing iyon, napuno ang bahay ng ha-ha-ha!
Kahit ang lagapak sa yero ay hindi pa tumitila
Patuloy ang aming kuwentuhang masaya.
Bukas, tiyak akong magpapatuloy ang ligaya
Maiksing bakasyong gagawin naming mahaba
Bawat minuto’y susulitin nang magkakasama.
No comments:
Post a Comment