Followers

Thursday, February 19, 2026

Bakit Umiilaw ang mga Alitaptap?

 

Bakit Umiilaw ang mga Alitaptap?

 

                “Halina at makipaglaro ka sa amin,” aya ni Sap kay Ali.

                “Ayaw ko. Kayo na lang. Dito na lang ako, manonood sa inyo.”

                “Naku! Kailan ba mawawala ang pagkamahiyain mo?”

                “Halika na, Sap, hayaan mo na `yan si Ali Duwag,” singhal ni Paro. “Ang pangit na nga ng pakpak, malungkutin pa.”

                Noon pa man, palagi nang tinutukso ni Paro si Ali.

                “Gusto mo bang tayo na lang ang maglaro?” tanong ni Sap.

                “Hindi na. Uuwi na ako. Magdidilim na kasi.”

                “Nais mo bang samahan kita pauwi para hindi ka matakot?”

                “Hindi na. Kaya ko pa naman. Maraming salamat!” pagkatapos, mabilis siyang tumalikod, gusto nang tumulo ng luha niya.

                “Sige, pero tandaan mo, nandito lang ako kapag kailangan mo ng tulong ko. Sumigaw ka lang, darating ako.” Kumaway pa si Sap sa kaniya.

                Sa halip na umuwi, umiyak lang si Ali sa ilalim ng dahon—malayo kina Paro, Sap, at ibang mga insekto sapagkat labis siyang nasaktan.

                “Bakit kasi kakaiba ako. Ang pangit ng mga pakpak ko, samantala sila, ang gaganda at ang gagara ng mga pakpak nila? Napakaduwag ko pa sa dilim, kahit bilog naman ang buwan. Kung kailan magandang makipaglaro, saka naman ako nagkakaganito. Gustong-gusto ko nang makipaglaro sa kanila.” Tahimik na umiyak si Ali. 

Patuloy ang pag-iyak ni Ali. Samantala, kanina pa nakamasaid sa kaniya ang matandang marikita.

“Aray ko! Tulungan ninyo ako!” sigaw ng matandang marikita.

“Ano  `yon? Sino `yon?” Natatakot man, hinanap pa rin ni Ali ang pinagmumulan ng tinig, kung kaya’t natagpuan niya ito. “Lola, ano pong nangyari sa inyo?”

“Mabuti, dumating ka, munting alitaptap,” tugon ng matanda. “Nabagsakan ako ng bunga ng pili habang nagpapahinga ako rito. Nabali yata ang mga pakpak ko. Tulungan mo ako.”

“Sige po, Lola.” Buong-lakas na binuhat ni Ali ang matanda patungo sa ibabaw ng dahon.

“Maraming salamat, munting alitaptap.”

“Walang anoman po. Tatawagin ko lang ang kaibigan ko upang magamot ang sugat sa pakpak niyo.”

“Huwag na. Maayos na ako.” Biglang lumipad ang matanda habang unti-unting tumitingkad ang kulay ng mga pakpak.

Bahagyang napaurong si Ali.

“Huwag kang matakot. Mabuti kang bata, kaya may ibibigay ako sa ‘yo bilang gantimpala.” Inikutan siya ng matanda habang nagsasaboy ng ginintuang pulbos sa palibot niya.

Takot na takot si Ali sa nangyari sa kaniya.

“Simula ngayon, hindi ka na matatakot sa dilim. Gamitin mo sa kabutihan ang ilaw mo sa katawan. Hangad kong mawawala na ang pagiging duwag mo. At ang hiling ko ay sana maging katanggap-tanggap ka sa mga mata ng mga kalaro mo. Tandaan mo, hindi lamang pakpak ng insekto ang nagbibigay ng kagandahan.” Pagkasabi niyon, biglang naglaho ang matandang marikita.

Nang gabing iyon, nagbago na ang pagtingin ng mga kalaro ni Ali sa kaniya. Hindi na rin siya tinutuksong duwag. Siya rin ang dahilan kung bakit umiilaw ang mga alitaptap.

               

 

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...