Followers

Thursday, February 19, 2026

Kulay, Kasiyahan, at Simbolismo Sa Pagsalubong ng Chinese New Year Sa Binondo

 

Kulay, Kasiyahan, at Simbolismo Sa Pagsalubong ng Chinese New Year Sa Binondo


Patuloy ang tradisyon ng makulay na pagdiriwang ng Chinese New Year sa Binondo, Maynila. Taon-taon, napupuno ng mga pulang parol, lion dance, dragon parade, at tikoy ang mga kalye ng Ongpin, Escolta, at Carvajal. Ang mga ito ay sumisimbolo ng kasaganaan at suwerte ng mga Tsinong nakatira at may negosyo sa mga nasabing lugar.

Matatandaang noong 1584 pa naitatag sa Binondo ang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo. Ito ang naging unang tahanan ng mga Tsinong nakipagkalakalan at nakisama sa mga Pilipino noong panahon ng mga Espanyol. Sa paglipas ng panahon, naging sentro ito ng kanilang kultura, negosyo, at tradisyon sa Pilipinas.

Ang Chinese New Year ay isang matandang kulturang nag-ugat sa alamat ni Nian, isang halimaw na takot sa ingay, liwanag, at kulay pula. Dahil dito, naging kaugalian noon sa Tsina ang pagpapaputok, pagsusuot ng pula, at pagsasabit ng pulang dekorasyon upang itaboy si Nian - isang tradisyong mahigit 3,000 taon nang isinasagawa. May kaugnayan din ito sa Confucianism, Buddhism, at Taoism, kaya bahagi ng pagdiriwang ang pagsamba sa mga kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga pagkain at pagsisindi ng insenso.

Sa Pilipinas, lalo na sa Binondo, nananatiling buhay ang mga kaugalian at paniniwala ng mga Tsino tuwing Chinese New Year. Sa kabila ng pagbabago ng panahon, hindi pa rin nawawala ang mga tradisyong gaya ng paghahanda ng masaganang pagkain, pagbibigay ng pao, at pagsasagawa ng feng shui practices para sa suwerte.

Ang paghahanda ng masaganang kainan ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng selebrasyon. May sinisimbolo ang bawat pagkain ng mga Tsino. Ang tikoy ay simbolo ng matibay na ugnayan ng pamilya at patuloy na pag-angat sa buhay. Ang pansit at misua ay simbolo ng mahabang buhay at kasaganahan. Ang buong isda ay simbolo ng kasaganaan. Ang dumplings ay pinaniniwalaang naghahatid ng kayamanan at tagumpay. Ang mga bilog na prutas naman, lalo na ang ponkan, ay sumisimbolo sa pera at suwerte.

Sa gitna ng makulay na parada sa Binondo, nakaupo si Mister Chua, isang matandang Tsinong tatlumpung taon nang nagtitinda ng tikoy sa gilid ng Ongpin. Habang inaabot niya ang tikoy sa mag-asawasang customer na may akay na mga bata, nakangiti niyang sinabi, “Ganito rin ako noon. Dinadala ako rito ng magulang ko para mapanood ang lion dance.” Halata sa kaniyang mga mata ang halong tuwa at pananabik sa bawat paputok at tugtog ng tambol. Para kay Mister Chua, ang bawat Chinese New Year ay hindi lang pista, kundi panahon ng pagsasama ng pamilya at paggunita sa kanilang mga ninuno - isang tradisyong ayaw niyang mawala kahit sa paglipas ng panahon.

Isa rin sa inaabangan tuwing Chinese New Year ang pamimigay ng “ang pao” o pulang sobre. Sumisimbolo ito ng suwerte, kasaganaan, at proteksiyon laban sa masasamang espiritu. Karaniwang ibinibigay ito ng nakatatanda sa mga bata o hindi pa kasal bilang tanda ng pagpapala. Ngunit may paniniwalang hindi dapat odd numbers ang halagang inilalagay, at iniiwasan ang numerong apat (4) dahil ito ay katunog ng salitang “kamatayan” sa Mandarin.

Hindi mawawala sa pagdiriwang ang dragon at lion dance. Ang mahabang dragon na ginagalaw ng siyam hanggang labinlimang katao ay simbolo ng kapangyarihan, kasaganaan, at tagumpay. Samantalang ang lion dance ay karaniwang isinasagawa sa mga negosyo at bahay upang itaboy ang malas at magdala ng suwerte. Sa Binondo, madalas isagawa ang Southern Lion Dance, na kilala sa mas dramatikong galaw. Dinarayo ito ng mga turista at lokal na mamamayan upang masaksihan ang makulay na parada, kung saan naglalagay ang mga Tsino ng ang pao sa bibig ng mga leon bilang donasyon at pasasalamat.

Buhay na buhay rin ang tradisyon ng pagpapaputok at fireworks sa Binondo. Pinaniniwalaang ang malalakas na ingay ay nagtataboy ng masasamang espiritu at nagdadala ng suwerte. Ang pagsusuot ng pulang damit at dekorasyong pula ay isa rin sa pinakakilalang simbolo ng kasiyahan. Sa mga bahay at tindahan, makikita ang Chinese lanterns at couplets na may nakasulat na gintong karakter ng mga pahayag ng kaligayahan at kasaganaan. Madalas ding nakasabit nang pabaliktad ang fu character, dahil katunog ito ng salitang nangangahulugang “dumating na ang suwerte.”

Hindi rin mawawala ang mga ritwal ng pag-aalay at pagsisindi ng insenso bilang tanda ng respeto sa kanilang mga ninuno. Ang mga panalangin ng pamilya ay itinuturing na nakararating sa langit sa pamamagitan ng usok ng insenso. Maraming Tsino rin ang tumutungo sa templo upang magdasal at magpasalamat, na pinaniniwalaang magdadala nang maayos na kapalaran sa darating na taon.

Sa bawat pagdiriwang ng Chinese New Year sa bansa, lalo na sa Binondo, higit na napagtitibay ang pagkakakilanlan ng mga Tsino. Sa bawat paputok, pagkain, sayaw ng leon at dragon, at usok ng insenso patuloy na isinasabuhay ng mga Tsino ang mayamang kultura at paniniwala ng kanilang mga ninuno. Tunay na ang Binondo ay hindi lamang lugar ng kalakalan, kundi puso ng kulturang Tsino sa Pilipinas.

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...