Ang Palaka at ang
Bata sa Ulan
Isang dekada na yatang lumuluha ang ulap
Kung hindi kikidlat ay papalahaw ng iyak
Umuusok na ang bumbunan ng ulan
Nakabibingi na ang tagaktak sa bubungan.
Mas matindi ang inis kong nararamdaman
Mas marami pa akong luha kaysa sa ulan
Bugnot na bugnot sa aming tahanan
Nais makipaglaro sa aking mga kaibigan.
Walang katapusang paalala ng mga magulang—
May sumpa ang ulan, may hatid na karamdaman
Masunuring anak ay walang kapahamakan
Sa loob ng bahay, tiyak ang kaligtasan.
“Ulan, tumigil ka naman,” ang aking dasal
Na mahigit isang milyon ko na yatang inusal
Lubog na ako sa luha, lunod na rin ang lupa
Pati ang pag-asa ko’y inanod na ng baha.
Nais ko lamang naman na ang ulan ay matikman
Lumigaya, gaya ng mga palakang magkokokakan
Nais ko ring mapatunayan ang katotohanan
Na hindi kasawian ang ulan, kundi biyaya ng kalangitan.
Nang masilip ang langit, tumigil ako sa pagnguyngoy,
Hindi pa rin ito ngumingiti, galit ay itinuloy
Kahit mangulubot pa ako sa aking panaghoy
Hindi maririnig kahit lumampas pa sa punongkahoy.
Salamat sa palaka, nakaisip ako ng gintong ideya
Lumabas ako sa bahay pagkatanggal ng kamiseta
Abot-langit ang ngiti nang sa patak ng ulan ay mabasa
Dahil sa tuwa, lumukso ang puso at sumayaw pa.
Ulan ay biyaya nga ng kalangitan, hindi sumpa
Hatid nito’y limpak-limpak na kagalingan at ligaya
Sa aking katawan, patak nito’y talagang pambihira
Napakokak akong talaga, kagaya ng mga palaka.
1
No comments:
Post a Comment