Followers

Thursday, February 19, 2026

Kung Ako’y Magiging Pinuno

 


 

Kung ako’y magiging pinuno

Sa kapwa’y magiging matapat ako

Sobrang sukli’y ibabalik ko, kahit sentimo

Hindi mandaraya, magsasabi ng totoo.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Sa pagpapasya’y makatarungan ako

Pakikingan, mga kaibigang nagtatalo

Walang kakampihan, kahit sino.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Sa malasakit, ako’y numero uno

Hindi kapakanan ng sarili ang uunahin ko

Pagtulong ay hindi taksing de-metro.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Sa pakikinig ay magiging magaling ako

Tatanggapin ang lahat ng payo

Lalo na ang nakabubuti at positibo.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Magpapakumbaba kahit nasa trono

Hihingi ng tawad kapag nagkasala ako

`Di lilipad nang mataas gaya ng eroplano.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Magiging masipag ako at edukado

Magiging bahagi ng solusyon sa mundo

Hindi magiging pabigat na tao.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Magiging magalang sa kapwa-tao

Bata’t matanda’y igagalang ko

Karapatan nila’y aking irerespeto.

 

Kung ako’y magiging pinuno

Maaari ako pagtiwalaan ninyo

Hindi ikakalat ang mga sikreto

Pangangalagaan ang aking pangako.

 

 

Kung ako’y magiging pinuno

Pananagutan sa kapwa ay sigurado

Aking mga kamalian ay itatama ko

Tamang gawain ay itataga sa bato.

 

Nais kong maglingkod bilang pinuno

Maging inspirasyon sa iba, maging modelo

Sa klase, maaari naman akong mamuno

Sa ngayon, mag-aaral nang mabuti muna ako.

 

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...