Followers

Thursday, February 19, 2026

Si Non at si Bio

 

Si Non at si Bio

 

 

“Sino ang walang utak na nagpapasok sa `yo rito?” palahaw ni Non.

 

“Ewan ko, dito ako dinala, e,” nakapamaywang na paliwanag ni Tina Tinik.

 

“Doon ka dapat kay Bio. Hala, sige, doon ka pumunta.”

 

Umirap pa si Tina Tinik. “Ang sungit mo naman. Pareho lang naman kayo ni Bio.”

 

“Magkaiba kami ni Bio. Dapat alam mo `yan.”

 

“Alam ko naman `yan. Maarte ka lang talaga. Akala mo naman kung sino kang napakalinis.”

 

“Ano’ng sabi mo? Pakiulit nga, Tina Tinik.”

 

“Wala... Wala akong sinabi... Kako, ang linis mo kasi kaya ayaw mo akong papasukin sa bahay mo.”

 

“Talaga. Bawal pumasok dito ang nabubulok ang ugali, na kagaya mo.”

 

Natatawa na lamang si Bio habang pinagmamasdan niya sina Non at Tina Tinik na nagtatalo.

 

Isang araw, nagdagsaan ang mga basurang nais pumasok kina Non at Bio.

“Hoy, mga basura, ano’ng ginagawa niyo?” Galit at nakapamaywang si Non. “Hindi ba ninyo alam kung saan kayo papasok? Hanggang ngayon, hindi niyo alam kung nabubulok kayo o hindi?”

 

“Ano ba’ng pagkakaiba ninyo ni Bio?” tanong ni Amir Salamin.

 

“Oo nga. Bukod sa magkaiba lang naman ang kulay ninyo, wala na akong nakikitang kaibahan,” sabi naman ni Bong Bubog.

 

“Saka mas gusto naming pumasok kay Bio, ang sungit mo kasi,” halos pabulong na komento ni Bella Bombilya.

 

“Tama ka riyan! Balita ko, pinalayas mo si Tina Tinik noong isang araw,” sabi naman ni Flora Fluorescent.

 

“Bukod pala sa walang laman ang utak ninyo, mga marites pa kayo,” singhal ni Non. “Bio, kausapin mo nga ang mga iyan nang matauhan. Sabihin mo sa kanila na kung ayaw nila sa akin, e, maghanap sila ng bahay nila.” Nagsara siya ng pinto at bintana.

 

Natatawang tumulong si Bio kay Non sa paggabay at pagpapaliwanag sa mga basurang sina Amir Salamin, Bong Bubog, Bella Bombilya, Flora Fluorescent. “Doon kayo kay Non, pero sana bago kayo pumasok sa bahay nila ay maayos kayo. Maaari kayong makasugat, kaya dapat may proteksiyon kayo.”

 

“Sige, babalik na lang kami. Salamat!” sabi ng apat.

 

Dahil sa kasungitan ni Non, naging usap-usapan siya sa buong Barangay Malinis.

 

“Non, paano kung wala nang gustong tumira sa `yo?” minsang tanong ni Bio.

 

“Mabuti na nga iyon. Ibig sabihin niyon ay natuto na silang pahalagahan ang sarili nila, magkaroon ng panibagong buhay, at alagaan ang kalikasan.”

 

Tumango-tango muna si Bio. “Tama! Sana sa akin din. Mas maganda pala ang walang makitira sa bahay ko kaysa sa meron, kasi bukod sa maingay at magulo na, mabaho pa.”

 

“Kaya nga dapat lang na maging maingat tayo sa pagpili ng mga papasukin sa ating bahay.”

 

Maya-maya lang, dumating ang mayayamang sina Sierra TV, Maricon Aircon, Charice Charger, at Lala Laptop.

 

“Bakit ayaw mo raw tumanggap ng manunuluyan sa inyo? Hindi ba’t inilagay ka riyan ng punong barangay para sa mga katulad namin?” galit na tanong ni Maricon Aircon.

 

“Oo nga! Masyado kang masungit at mapili,” sang-ayon ni Sierra TV.

 

“Sandali, sandali, mga kaibigan,” sawata ni Bio. “Karapatan ni Non, namin ni Non, na mamili kung sino ang tatanggapin namin.”

 

“Bakit, Bio, katulad ka na rin ni Non, na may inaayawan?” tanong ni Lala Laptop.

 

“Hindi niyo kasi kami naiintindihan~”

 

“Ipaintindi niyo kasi sa amin,” mataray na hamon ni Charice Charger.

 

Nagtinginan muna sina Non at Bio. Nagbigay ng senyales si Bio na si Non na ang unang magsalita.

 

“Ang mga katulad ninyo ay hindi nararapat na manirahan sa amin. Manatili muna kayo sa inyong dating tahanan. Maaari pa kayong maging maayos,” mahinahong wika ni Non.

 

“Tama si Non, mga kaibigan. Hindi lahat ng nasisira ay tuluyang nawawasak. Bigyan ninyo ng isa pang pagkakataong bumangon ang sarili ninyo,” dagdag pa ni Bio.

 

Tahimik na umalis ang apat.

 

At nakakalayo pa lang ang mga ito, dumating naman ang maaarteng sina Diana Diaper, Irene Napkin, Serena Syringe, Tisya Tissue, at Baby Wipes.

 

“Ooops! Bawal kayo kay Bio,” sawata ni Non sa lima.

“At bakit?” Hinarap siya ni Diana Diaper, na parang diring-diri. “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magdesisyon para sa iba?”

 

Excuse me, Non, kilala ka na namin. Wala kaming balak tumira sa bahay mo,” sabi ni Irene Napkin, na animo’y may itinatago.

 

“Korek ka diyan, Sister!” sang-ayon ni Tisya Tissue, na panay ang punas sa pisngi.

 

“Gusto mo yatang bakunahan kita para bumait ka sa amin,” nakaliyad na sabi ni Serena Syringe.

 

“Hay, naku, huwag na nating pansinin `yan. Nagpapabebe lang `yan,” sabi naman ni Baby Wipes.

 

“Ang aarte niyo naman! E, pare-pareho lang naman kayong patapon na,” sagot ni Non. “Bio, kausapin mo nga ang mga iyan.” Nagsara na siya ng pinto at bintana.

 

“Magandang umaga sa inyo!” masuyong bati ni Bio. Pasensiya na kayo kay Non. Napag-isapan na naming hindi kami basta-basta tatanggap ng bisita.”

 

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Irene Napkin.

 

“Ang mga katulad niyo ay hindi dapat basta-basta naninirahan sa katulad namin ni Non. Hindi kayo nararapat sa ganitong uri ng lugar. May mabuting lugar para sa inyo. Pasensiya na.”

 

Magsasara na sana si Bio ng pinto, nang nagsalita si Diana Diaper. “Alam naming may dala kaming sakit. At maaari kaming makahawa sa iba, pero sana bigyan mo kami ng ideya kung saan kami nararapat na pumunta.”

 

Sumang-ayon naman kay Diana Diaper ang lahat.

 

Pagkatapos bigyan ng payo ni Bio ang limang kababaihan, nagpasalamat ang mga ito sa kaniya, saka umalis nang may pag-asa.

 

Kinagabihan, katatapos lang umambon, kumatok sa pintuan ang tatlong malulungkot niyang bisita.

 

“Gusto naming manuluyan sa `yo, Non,” sabi ni Anton Karton.

 

“Gusto ko kayong tanggapin sa bahay ko, pero tingnan niyo muna ang sarili niyo,” sabi ni Non.

 

Tiningnan ni Mahel Papel ang sarili. “Wala na akong halaga, katulad nilang dalawa.” 

 

“May halaga at papel pa kayong gagampanan sa mundo. Pumunta kayo sa junk shop.”

 

“Ano’ng gagawin namin doon?” tanong ni Gregorio Diyaryo.

 

“Magtimbang kayo roon. Gaano man kabigat ang pasanin ninyo, hindi solusyon ang pagsuko.“

Tahimik na lumayo ang tatlo, pagkatapos magpasalamat kay Non.

 

Maya-maya, dumating naman sina Ricardo Goma at Nick Plastik.

 

“Magandang umaga, Non at Bio. Nakasalubong namin sina Anton Karton, Mahel Papel, at Gregorio Diyaryo,” bungad ni Ricardo Goma.

 

“Itatanong lang namin kung may pakinabang pa kami,” tanong naman ni Nick Plastik.

 

“Alam niyo, sinoman sa ating lahat ay may pakinabang sa mundo. Kung akala niyong patapon na kayo, nagkakamali kayo. Ikaw, Ricardo Goma, puwede ka pang magbigay-saya sa mga tao, sa pamamagitan ng pagiging paso, duyan, upuan, o basurahan, kagaya ko,” sabi ni Non.

 

Bumilog ang mga mata ni Ricardo Goma dahil sa tuwa.

 

“At ikaw naman, Nick Plastik, marami ka pang puwedeng gawin sa sarili mo. Bukod sa may kakayahang kang matunaw at mabuo uli, maaari ka ring maging bagong bagay o gamit,” sabi naman ni Bio.

 

Bumilog ang bibig ni Nick Plastik dahil sa pagkamangha.

 

Nagpatuloy si Non sa kaniyang kasungitan at kabutihan sa mga bisitang nais manuluyan. Masungit siya sa mga hindi nakauunawa. Mabait naman siya sa mga marunong makinig.

 

Samantala, nanatiling mahinahon si Bio sa lahat ng panahon. Mahusay rin siyang magpaliwanag at makipag-usap anoman ang emosyon ng kaniyang kaharap.

 

“Magandang araw po sa inyo, Non at Bio!” masiglang bati ng mga batang sina Reynante Bote, Brandon Bakal, Enzo Tanso, at Alora Aluminum, isang umaga.

 

“Narito ba kayo para mangulit sa akin?” pabirong tanong ni Non.

 

“Naku, hindi po!” tugon ni Enzo Tanso.

 

“Narito po kami para itanong kung saan kami nararapat na tumuloy,” sabi ni Alora Aluminum.

 

“Ang sagot ko ay hindi sa akin at hindi rin kay Bio,” sabi ni Non.

 

“E, saan nga po?” Napakamot sa ulo si Reynante Bote.

 

Kinindatan ni Non si Bio.

 

“Sa junk shop kayo dumiretso, mga bata,” sabi ni Bio. “Doon kasi ay dadalhin kayo sa tamang landas. Marami pa kayong pagdaraan sa buhay.”

 

“Parang bahay-ampunan ba roon?” tanong ni Brandon Bakal.

“Parang ganoon,” pakli ni Bio. “Sige na, pumunta na kayo roon. Mag-iingat kayong palagi, lalo ka na, Reynante Bote.”

 

“Salamat po!” sabi ng bote. Nagpasalamat din ang iba.

 

Lumipas ang mga araw, tila nalulungkot sina Non at Bio dahil wala nang dumarating na bisita.

 

“Hindi kaya nagtampo na sila sa atin,” tanong ni Bio.

 

“Hindi naman siguro. Baka tuluyan na silang nagbago. Naisip nilang hindi dapat sila nandito sa atin,” sabi naman ni Bio.

     

“Magandang araw sa inyo, Non at Bio!” masiglang bati Dustin Dustpan, ang punong barangay ng Barangay Malinis.

 

Bahagyang nagulat ang dalawa sa pagdating ng kanilang punong barangay, kasama ang mga barangay walis. Pero agad rin naman silang bumati.

 

“Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?” tanong ni Non.

 

“Wala naman… Naparito kami para pasalamatan kayo,” sabi nito.

 

“Po? Bakit po?’ nagtatakang tanong ni Bio. Napatingin pa siya kay Non.

 

“Nais namin kayong pasalamatan dahil sa malaking tulong ninyo sa problema sa ating komunidad. Dahil sa inyo, nagkaroon ng disiplina ang mga kabarangay natin sa pagtatapon ng basura.”

 

“Ay, kaya pala,” sabi nina Non.

 

“Kung gayon, puwede na ba kaming magretiro?” biro ni Bio.

 

“Hindi pa. Marami pa kayong dapat na pangaralan… at sungitan,” sabi ni Dustin Dustpan, saka sila nagtawanan.

 

 

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...