Followers

Thursday, February 19, 2026

Sa Ilog ng Kasiyahan

 Sa Ilog ng Kasiyahan


 

 

Hindi ko malilimutan ang masayang karanasan

Pamilya namin, isang gabing namalagi sa Daraitan

Kung saan, ang ilog ay kampeon sa kalinisan

Ragasa ng tubig ay sadyang makapangyarihan--

Palaging nang-aanyaya, nag-aalok ng kasiyahan.

 

Kaya, pagkatapos maghanap ng matutuluyan

Agad nagpalit ng damit upang paliligo’y masimulan

Mula sa camp site, dinig namin ang katuwaan.

Tanaw rin namin ang mga taong naglalanguyan

Ang iba, sa salbabida lang umaasa at kinakapitan.

 

Splash!” Paanyaya ng tubig, aking pinagbigyan

Ang malayo-layong paglalakbay ay nasulit naman

Nawala ang pagod, napawi ang init sa katawan

Dahil sa preskong tubig, na nagmula sa kabundukan

Sierra Madre ay talagang mahalaga’t kapaki-pakinabang.

 

Nang nagutom, mga baong pagkain, aming pinagsaluhan

“Twit-twit,” mga ibon sa kawayanan, kami ay inawitan.

Nang kami ay nabusog, antok naman ang aming kalaban

Subalit hiwayan ng ibang mga naliligo, ito’y hinarangan

Hanggang magtakipsilim, kami’y nagbabad sa tubigan.

 

Dahil sa maghapong paliligo, plakda kami kinagabihan

Pangunguluntoy ng mga daliri, `di dapat pagsisihan

Napagod man, subalit punong-puno kami ng kaligayahan;

Dahil dulot nito’y tulog na kay himbing at may kasarapan

Kri-kri ng mga kulisap, hinele pa kami nang magdamagan.

No comments:

Post a Comment

Walang Makita si Niño

    Walang Makita si Niño     “Nasaan ang dinosaur ko rito, Ading! Pinakialaman mo na naman?” pasinghal na tanong ni Ni ño sa na...