“Pasensiya na, Kaibigan”
Matalik na magkaibigan sina Joseph at Alvin. Madalas
silang magkasama sa pagpasok sa eskuwela, gayundin sa pag-uwi. Halos
magkapareho sila ng mga hilig.
Isang araw, sabay silang nag-try out sa athletics.
Pareho nilang gustong makalaro sa district
level hanggang sa makarating sa division,
regional, at national. Subalit si
Joseph lamang ang napili.
“Sayang, hindi ka napili kahit mabilis ka namang
tumakbo,” sabi ni Joseph. Tinapik-tapik pa niya ang balikat ng kaibigan.
“Okey lang `yon… Susuportahan na lang kita.” Nginitian
siya ni Alvin.
“Salamat! Gagalingan ko para sa `yo.”
“Dapat lang kasi kapag nanalo ka, ililibre mo ako ng burger.”
“Siyempre naman. Ikaw pa ba?!”
Nagtawanan pa ang dalawa.
Sa mga sumunod na araw, bihira nang magkita sina Joseph
at Alvin. Pumapasok naman silang palagi sa eskuwela, kaya lang maagang
lumalabas ng silid-aralan si Joseph dahil sa kaniyang training.
“Mauna ka na. Bukas na lang tayo maglaro,” minsang sabi
ni Joseph kay Alvin.
“Paano ang assignment
natin?”
“Ikaw na lang muna ang gumawa. Pakopyahin mo na lang ako.
Pasensiya na, nagagalit kasi si Coach Arlan kapag hindi ako nagti-training.”
“A, sige… Nauunawaan kita. Mauna na ako.” Walang
lingon-likod na umalis si Alvin.
Halos wala na silang oras sa pagkukuwentuhan, na madalas
nilang gawin dati. Palaging pagod si Joseph pag-uwi sa bahay, kaya hindi na
siya nakakapunta sa bahay ni Alvin upang maglaro ng online games, pagkatapos gumawa ng takdang-aralin.
Isang hapon, habang may training si Joseph, dumating si
Alvin.
“Joseph, kumusta?” Kinawayan ni Joseph si Alvin, pero
nagpatuloy siya sa pagtakbo.
May sinabi si Alvin, pero hindi narinig ni Joseph.
Nang matapos ang pagtakbo, nilapitan ni Joseph si Alvin.
“Kumusta? Bakit parang ang lungkot mo?”
“Ano’ng oras matatapos ang training niyo?” tanong ni
Alvin. Nakatingin ito sa kinatatayuan ng coach.
“Hindi ko alam kay Coach Arlan. Bakit? Manood ka na lang.
Sabay na tayong uuwi.”
Tumingin na si Alvin kay Joseph. “Kasi… kasi gusto sana
kitang makausap.”
“Ano, Joseph? Magti-training
ka o makikipagbarkada na lang?” pasigaw na tanong ni Coach Arlan.
“Opo, Coach! Nandiyan na po,” tugon ni Joseph. “Pasensiya
ka na, Alvin. Mamaya na tayo mag-usap.” Tumakbo na siya palayo sa kaibigan.
Habang tumatakbo, kasunod ang iba pang atleta, hindi
maiwasan ni Joseph na mag-isip tungkol sa kalungkutan ni Alvin. Noon lamang
niya nakitang malungkot ang kaibigan. Ramdam niyang may mabigat itong problema.
Hindi na nahintay ni Alvin si Joseph. Sumenyas na lamang
ito sa kanya, na aalis na. Wala siyang nagawa. Naipangako niyang pupuntahan
niya ang kaibigan, pagkatapos ng training
nila.
Ganoon nga ang ginawa ni Joseph. Pagkatapos na pagkatapos
ng training, dumiretso na siya sa
inuupahang bahay ng pamilya ni Alvin.
“Tao po!” tawag niya pagkatapos kumatok nang tatlong
beses.
Ilang sandali ang lumipas, bumukas ang pintuan. Malungkot
na sumungaw ang ama ni Alvin.
“Magandang hapon po! Nandiyan po ba si Alvin?”
Umiling muna ang ama ni Alvin. “Iniwan na nila akong
mag-ina.”
Napalunok si Joseph. “Po? Bakit po?”
“Kasalanan ko… Ako ang nagtulak sa kanila para gawin ang
desisyon na iyon. Matagal na nila akong pinatitigil sa pagsusugal, pero hindi
ko ginagawa. Nangako na ako noon sa kanila na ititigil ko na ang e-sugal, pero
lulong na ako. Apektado na ang pamumuhay namin.”
“Nasaan na po sila ngayon?”
“Umuwi na sila ng probinsiya.”
“Susundan niyo po sila?”
Napakamot sa noo ang ama ni Alvin. “Wala pa akong mukhang
ihaharap sa mga lolo at lola ni Alvin.”
“Siguro, kailangan niyo na pong ayusin ang buhay niyo.”
“Tama ka, Joseph! Sana makayanan ko.”
Bago nagpaalam si Joseph, hiningi niya ang address ng bahay ng mga lolo at lola ni
Alvin dahil magpapadala siya ng liham.
Pagdating sa bahay, agad siyang nagsulat.
Maginhawa St., Brgy. 14,
Pasay City. Metro Manila
Disyembre 12, 2025
Mahal Kong Alvin,
Magandang araw sa iyo.
Sumusulat ako upang humingi ng paumanhin sa pagkukulang ko ng oras para sa iyo.
Alam kong nagtatampo ka dahil hindi man lang tayo nagkausap bago ka umalis.
Nang pumunta ka sa training
ko, mainit na talaga ang ulo ni Coach Arlan dahil marami ang absent. Kaya hindi
na kita nakausap. Pero pumunta naman ako kaagad sa bahay niyo. Nakausap ko ang
Papa mo. Sinabi nga niya sa akin ang dahilan ng biglaang pag-uwi ninyo.
Kung alam ko lang na may
paalis na pala kayo, sana nagpaalam na lang ako kay Coach Arlan. Kahit
mapagalitan pa ako, ayos lang. Pasensiya na talaga. Hindi ko kasi alam na may
problema ka na pala. Ilang araw din tayong hindi nagkakuwentuhan kasi na naging
abala ako sa training. Kahit may oras pa naman para pumunta sa bahay niyo,
hindi na rin kaya ng katawan ko. Ang payo ng coach ko, magpahinga na lang daw,
lalo na’t may pasok pa kinabukasan.
May kasalanan pa nga ako
kasi minsang pumunta ka sa bahay, pero pinasabi ko kay Mama na tulog ako. Ang
totoo, pasakit lang ang katawan ko, kaya ayaw muna kitang makalaro. Sa
kagustuhan kong manalo sa laban at sa takot na mapagalitan ng coach, napabayaan
ko ang ating pagkakaibigan.
Nagsisisi ako sa mga ginawa
ko. Nagkulang ang oras ko para sa `yo. Kung kailan kailangan mo ng tulong, saka
ako wala.
Hangad kong maging maayos
na uli ang pamilya ninyo. Palagi ka sanang mag-iingat diyan sa probinsiya.
Ipangako mo sa akin na mag-aaral ka pa rin nang mabuti. At pangako rin,
ipapanalo ko ang laban. Ililibre pa kita ng burger kapag nagkita uli tayo. At
sana magkaibigan pa rin tayo kahit ano ang mangyari.
Maraming salamat sa iyong
pag-unawa. Sana ay mapatawad mo ako.
Ang
Iyong Kaibigan,
Joseph
Kahit paano ay nabawasan ang bigat ng kalooban ni Joseph.
Umaasa siyang mauunawaan at mapapatawad siya ni Alvin kapag natanggap at nabasa
na nito ang liham.
No comments:
Post a Comment