Ang Radyo ni Lolo Tonyo
Pagkatapos ng libing ni Lolo Tonyo, napagdesisyunan ng
mag-asawang Paul at Carmela na iwanan muna si Suzette sa lumang bahay ng
kanilang mga ninuno, kasama si Lola Salud.
“O, Suzette, magpakabait ka rito, ha?” bilin ng kaniyang ina.
“Palagi mong susundin ang bilin ng lola mo.”
“Mama, Papa, ayaw ko rito. Isama niyo na ako.” Umiiyak na si
Suzette habang hawak siya ng lola.
“Dumito ka. Walang kasama ang Lola Salud mo,” medyo galit na
sawata ng ama.
Agad na tumigil si Suzette, saka tumingin sa lola. Nginitian
siya nito, kaya nakita niya ang dalawang gintong ngipin nito.
“Tama sila, Suzette. Napakalungkot naman ng buhay ko kung
ako lang mag-isa,” mahinahong sabi ni Lola Salud. “Alam kong hindi mo na
maaalala, pero dito ka ipinanganak at dito ka rin natutong maglakad.
Magbakasyon ka muna rito.”
“Babalikan ka namin dito kapag nakahanap na kami ng
makakasama ng lola mo,” dagdag pa ng kaniyang ina.
Walang nagawa si Suzette nang tumalikod na ang mga magulang
niya.
“Ingat kayo sa biyahe, Paul, Carmela,” pahabol na bilin ni
Lola Salud.
Mabilis namang natanggap ni Suzette ang lahat dahil mabait
naman si Lola Salud. Kinukuwentuhan siya nito ng mga bagay na gustong-gustong
gawin ni Lolo Tonyo nang ito ay nabubuhay pa.
“Talaga po? May telebisyon naman po rito, `di ba? Bakit ayaw
niyang manood?” usisa ni Suzette.
“Mas gusto niyang makinig sa radyo. Bukod sa pakikinig ng
balita, paborito niyang pakinggan ang dula, gaya ng “Akin na ang Mana Ko,” sabi
ng lola.
“Maganda po ba ang kuwento niyon, Lola Salud?”
“Para sa kaniya, maganda. Siya lang naman ang nakikinig. Ako
naman ay mahilig sa teleserye sa telebisyon.”
Natawa si Suzette sa kaniyang nalaman, lalo na’t pareho pala
sila ng sinusubaybayan. “Naku, Lola Salud, magkakasundo po pala tayo.”
Biglang nalungkot si Lola Salud.
“Bakit po?”
“Ang mga pinsan ng Papa mo, naghahabol sa lupa at bahay na
ito. Apo rin daw sila.”
“Po? Hindi ko maintindihan.” Napakamot sa ulo si Suzette.
Ipinaunawa naman ni Lola Salud sa kaniya ang tungkol sa
agawan ng mana.
“Nag-ampon noon ng batang lalaki ang ama ni Lolo Tonyo upang
may makalaro siya. At dahil na rin sa awa sa ulilang lubos, kinupkop, pinalaki,
at pinaaral ng pamilya si Domeng. Nang nakapagtapos na si Domeng ng pag-aaral,
lumuwas ito sa Maynila upang magtrabaho, pero hindi nagtagal ay nag-asawa. Si
Lolo Tonyo mo, bilang tunay na anak, ang nagmalasakit sa bahay at lupang ito.”
“Naunawaan ko na po, Lola Salud. Atin ang lupa’t bahay na
ito.”
“Oo, Suzette. Atin ito. Pakiusap ko lang sa `yon na huwag
mong bubuksan ang kuwarto ni Tonyo, dahil sagrado iyon.”
“Ay, hindi po.”
Lumipas ang mga araw, tuluyan na ngang nagustuhan ni Suzette
ang pananatili sa bahay ng kaniyang Lola Salud at Lolo Tonyo. Ngunit isang
gabi, nakarinig siya ng tunog ng lumang radyo mula sa loob ng kuwarto. Nais
niyang gisingin si Lola Salud upang tanungin kung naririnig din nito ang tunog
na iyon, subalit humihilik na ito.
Kinabukasan, habang nag-aalmusal silang maglola, tinanong
niya si Lola Salud kung narinig nito ang tunog ng radyo kagabi.
“Naku, tumunog ba? Paanong mangyayari iyon, e, nakasarado
iyon. Baka panaginip mo lang iyon, Suzette. Hala, sige na, kain na. Mamaya,
manunungkit tayo ng kapok. Igagawa kita ng unan.”
Tumango at ngumiti na lamang si Suzette dahil nasa isip pa
rin niya ang tunog ng radyo ni Lolo Tonyo.
Sa sumunod na gabi, narinig uli niya ang pagtugtog ng radyo.
Maingat siyang bumangon at lumabas sa kuwarto. Nais niyang matiyak na tumutugtog
nga ang lumang radyo.
Magkahalong takot at kuryusidad ang nararamdaman niya nang
buksan niya ang pintuan ng sagradong kuwarto ni Lolo Tonyo. Tumambad sa kaniya
ang malaking kuwadro ng kaniyang lolo. Tila nginitian siya nito at bahagya pang
gumalaw ang mga mata nito.
“Ang radyo!” bulalas niya nang makita ang lumang radyo, na
tumutunog. Hindi malinaw ang tunog, kaya nilapitan niya upang pihitin iyon.
Naghanap siya ng programa, pero wala siyang narinig, kahit musiko, kaya pinatay
na lamang niya iyon. “Lolo Tonyo, pasensiya na po kung pumasok ako sa kuwarto
mo.”
Biglang tumunog ang radyo, kaya napatakbo siya palabas.
Simula noon, gabi-gabing naririnig ni Suzette ang pagtunog
ng radyo. Minsan, may naririnig siyang kaluskos sa loob ng kuwarto nito. At habang tumatagal, lumilinaw nang lumilinaw
ang tunog sa radyo. May naririnig siyang nagsasalita.
Kaya, isang hatinggabi, nang tulog na tulog na si Lola
Salud, pumasok uli si Suzette sa sagradong kuwarto.
“Kumusta ka, Suzette?”
Tumayo agad ang mga balahibo ni Suzette nang marinig ang
boses-matanda mula sa radyo. Gusto niyang umurong dahil sa takot.
“Halika! Huwag kang matakot. Gusto mo bang mapakinggan ang
paborito kong dula—ang ‘Akin na ang Mana Ko’?”
Nangangatal ang mga tuhod na lumapit si Suzette sa radyo.
“S-sino ka?”
“Ako si Lolo Tonyo.”
Binusalan ni Suzette ang bibig niya habang nanlalaki ang mga
mata. “L-lolo… T-tonyo?”
“Oo, apo, ako ito. Hindi ako matatahimik hanggang hindi ko
matiyak na hindi mapapasakamay ni Domeng ang lupa at bahay na ito.”
Gusto pa sanang magtanong ni Suzette, pero ipinagpatuloy ni
Lolo Tonyo ang pagsasalita, kaya ipinagpatuloy niya ang pakikinig sa radyo.
“Buksan mo ang likod ng radyong ito. Nakarolyo ang
testamentong magpapatunay na atin ang lupa at bahay na ito.” Pagkasabi niyon,
nawala ang boses sa radyo.
“Lolo Tonyo? Lolo Tonyo?” Sinikap pa niyang mapaandar ulit
ang radyo, ngunit nabigo siya, kaya binuksan na lamang niya ang likod niyon. At
isang nakarolyong dokumento nga ang naroon. Binasa niya iyon. Kahit paano ay
naintindihan niya ang nakasulat, kaya napahalakhak siya. “Ako ang tagapagmana!”
Nanlisik ang mga mata ni Suzette, saka lumaki ang boses niya, na animo’y boses
ni Lolo Tonyo. “Hindi mapapasainyo ito, Domeng!”
Nang oras na iyon, isinara ni Suzette ang pinto mula sa
loob, at nagpatuloy siya sa paghalakhak.
No comments:
Post a Comment