Gabay sa Ligtas na Pag-akyat sa
Mount Pico de Loro
Nais mo bang maranasan ang ganda ng
kalikasan sa tuktok ng Mount Pico de Loro? Bago simulan ang pag-akyat, alamin
muna ang mahahalagang paalala at gabay upang maging maayos at ligtas ang iyong paglalakbay.
Ang Mount Pico de Loro, na kilala
rin bilang Mount Palay‑Palay, ay matatagpuan sa hangganan ng lalawigan ng
Cavite at Batangas. Ito ay bahagi ng Mounts Palay‑Palay–Mataas‑na‑Gulod
Protected Landscape, isang protektadong kapaligiran para sa kalikasan.
Ang Mount Pico de Loro ay may
tinatayang taas na 664 metro sa ibabaw ng dagat. Sikat
na sikat ito dahil sa taglay nitong “monolith” o vertical rock face sa tuktok (summit). Ito ang nagbibigay makapigil-hiningang tanawin sa summit nito. Dito makikita ang malawak na
malawak na tanawin ng Cavite, dagat, at karatig-lalawigan. Sulit ang buwis-buhay na pag-akyat dahil ang ganda-ganda ng view
roon.
Ang lapit-lapit
lang ng Mount Pico de Loro sa Kamaynilaan, kaya patok
na patok ito sa mga day-hikers, na
may limitadong oras. Gayunpaman, mahalaga
pa rin ang maagang online booking
dahil limitado lang ang bilang ng makakapasok at makakaakyat bawat araw.
Matatandaang isinara ito Oktubre 1,
2016 upang isagawa ang rehabilitasyon dahil sa labis na pagkasira ng lupa,
basura, at hindi kontroladong pag‐akyat. Ang muling pagbubukas nito noong Enero
12, 2023 ay may kaakibat na mga bagong patakaran, gaya ng paniningil ng abot-kayang entrance
fee.
Para sa tiyak at ligtas na
pag-akyat sa tuktok ng Mount Pico de Loro, sundin lamang ang mga sumusunod na
paalala at gabay.
Magpa-online booking bago pumunta upang maiwasan ang di-inaasahang problema sa pagpasok. Alamin ang weather forecast bago umalis. Madulas
ang trail kapag umuulan.
Maagang magsimula sa pag-hike upang maiwasan ang init at upang
magkaroon ng sapat na oras sa pagbaba.
Huwag kalimutang magbaon ng sapat
na inuming tubig, pagkain, at angkop na hiking
gear dahil may mga lantad na lantad na bahagi ng trail.
Igalang ang kalikasan at sundin ang
mga patakaran ng protektadong lugar. Huwag magtapon o mag-iwan ng basura doon.
Iwasan ding makasira ng mga halaman o bato.
Ang pag-akyat sa bundok ay hindi
lamang isang adventure kundi isang
pagkakataon upang mas mapahalagahan ang kalikasan. Sa pagsunod sa mga patakaran
at paggalang sa kapaligiran, masisiguro mong ligtas, masaya, at makabuluhan ang
iyong paglalakbay sa tuktok ng Mount Pico de Loro.
No comments:
Post a Comment