Araw at Buwan
Noong unang panahon, ang mga
kumikislap na bituin sa kalangitan lamang ang nagbibigay ng liwanag sa mga tao.
Wala pang umaga at gabi dahil wala pang araw at buwan.
Nais ni
Bathala—ang makapangyarihang diyos sa kalangitan— na bigyan ng liwanag ang mga
tao, kaya umisip siya ng mga hakbang.
“Alam
ko na! Magpapadala ako ng mga nilalang upang hindi na sila maligaw at matakot
sa dilim,” bulalas ni Bathala nang makaisip ng ideya.
Gayon
nga ang ginawa ni Bathala. Hinulma niya mula sa luwad ang dalawang wangis.
“Ikaw
si Araw. Ikaw ang magbibigay ng init at lakas sa mga tao. Magliliwanag ka
tuwing umaga hanggang hapon. Sikapin mong maging katamtaman ang init upang
hindi masunog ang tao at ang kanilang tirahan at kapaligiran,” sabi niya.
“Masusunod,
mahal na Bathala,” sabi ng binatang parang kumikinang na ginto.
“Ikaw
si Buwan. Ikaw ang magbibigay ng ilaw upang makatulog nang payapa at mahimbing
ang mga tao. Magliliwanag ka tuwing gabi hanggang madaling araw. Sikapin mong
katamtaman lang ang iyong liwanag upang hindi masilaw ang mga tao kahit
natutulog,” sabi niya.
“Masusunod,
mahal na Bathala,” sabi ng dalagang parang kumikinang na pilak.
Naging
masunurin sina Araw at Buwan kay Bathala. Naging malalim din ang pagkakaibigan
ng dalawa. Napadalas ang kanilang pagsasama, kaya nagkaroon ng iba-ibang
pagbabago sa mundo. Una, muntikan nang masunog ang mga nilalang dahil matagal
silang magkasama at nagbigay-liwanag. At pangalawa, nagkaroon ng eklipse dahil
niyakap ni Araw si Buwan nang patalikod dahil sa pagkasabik sa kanilang
pagkikita.
Galit
na pinagsabihan ni Bathala sina Araw at Buwan. “Tingnan ninyo ang nangyari! At
sabihin ninyo sa akin kung tama bang magkasama kayo palagi.”
“Patawad,
mahal na Bathala. Mali nga ang aming mga ginawa,” tugon ni Buwan.
“Walang
mali sa pagmamahalan natin, Araw,” sabi naman ni Araw.
Lalong
nagalit si Bathala sa dalawa. “Walang mali sa inyong pagmamahalan, pero sa
inyong kapangahasan ay mayroon. Inilalagay ninyo sa kapahamakan ang aking mga
nilalang sa mundo. Kaya parurusahan ko kayo!”
Nagmakaawa
ang magkasintahan, pero hindi sila pinakinggan ni Bathala.
“Simula
ngayon, ikaw, Araw, ay mananatili lang sa kabilang panig ng mundo. At ikaw
naman Buwan ay mananatili lang diyan sa iyong kinaroroonan ngayon, pero patuloy
ang iyong pag-ikot. Patuloy ninyong gampanan ang inyong mga tungkulin hanggang
hindi ko ibinababa ang parusa.”
Simula
noon, hindi na nagsasama sina Araw at Buwan. Paminsan-minsan, saglit na
nagkikita ang dalawa kaya may pagkakataong nagaganap ang eklipse. Subalit,
kadalasang sumisikat si Araw sa umaga upang magdulot ng init at sigla sa mga
nilalang, at sumisilip si Buwan upang magbigay ng kariktan at kapayapaan sa
gabi.
No comments:
Post a Comment