Followers

Thursday, February 19, 2026

Ang Lihim sa Kusina

 

Ang Lihim sa Kusina


 

Palaging masarap ang bawat pagkaing inihahaing pagkain ni Mama sa amin.

“Mama, anong sikreto mo sa pagluluto?” Iisa lang ang tanong ko, pero ni minsan ay hindi niya nasagot. Tanging matamis na ngiti ang kaniyang itutugon. Madalas naman akong malungkot dahil hindi ko pa natutuklasan ang lihim niya sa kusina.

Isang hapon, palihim kong sinilip si Mama sa kusina habang naghahanda siya ng aming hapunan. Mula sa bintana, nakita kong inipon niya ang kakaunting sangkap—iisang pirasong sibuyas, dadalawang butil ng bawang, tatatlong piraso ng okra, aapat na bunga ng sitaw, lilimang hiwa ng karne, aanim na hiwa lang ang isang talong, pipitong hiniwa-hiwang piraso ng kalabasa, at wawalo lang yata ang hiniwa-hiwang ampalaya. Iisang maliit na piraso lang din ang kamatis.

“Magkakasya kaya sa amin iyon?” tanong ko sa aking sarili.

“Aheeeem!”

Nagulat ako nang marinig kong umubo kunwari si Mama, saka tumingin sa akin. “Hala, nakita niya ako.” Dali-dali akong tumakbo palayo.

Gabi na nang bumalik ako sa bahay upang tumulong sa paghahain sa mesa. At gaya ng dati, nagtataka ako kung paano nagkasya ang iisang malaking mangkok ng ulam sa aming anim na miyembro ng pamilya.

“Ang sarap naman ng pinakbet na luto mo, Mama!” sabi ko. “Anong sikreto mo?”

Nginitian lang ako ni Mama.

Pagkatapos naman naming kumain, napansin kong busog na busog ang aking mga kapatid at mga magulang. Ni ayaw na nilang kumilos at tumayo sa upuan, kaya ako na ang nagligpit ng mga pinagkainan.

“Mama, anong sikreto mo? Paanong ang kakaunting sangkap ay nabubusog mo kaming lahat? May mahiwaga ka bang sandok? O kaya magic sangkap?”

Natawa sa akin ang lahat.

“Wala. Hindi totoo ang magic, Sarah,” natatawang tugon ng aking ina.

Nalungkot na naman ako kasi hindi pa rin nasasagot ang aking tanong.

                Kinabukasan, maaga akong gumising upang maabutan ko si Mama sa kusina. Gustong-gusto ko na talagang malaman ang lihim ni Mama sa kusina. “Kung hindi sangkap at sandok ang mahiwaga, baka ang kawali,” naisip ko.

 

                Patungo pa lang ako sa kusina, nalanghap ko na mabangong amoy ng bagong pritong itlog, hudyat na handa na ang almusal. Lalong nagising ang diwa ko nang maamoy ko ang nakagugutom na amoy-tostadong bawang na sinangag.

 

                At nang mas malapit na ako sa kusina, narinig ko ang pumupusok na tunog ng pinipritong isda. “O, tuyong isda!” naisip ko, saka naamoy ko ang matapang, pero nakagigising na tuyo.”

 

                Sinilip ko si Mama, mula sa likod ng kurtina. Wala pa rin akong nakikitang mahiwaga. Maingat na maingat akong nagtago, baka ako’y kaniyang makita. Paminsan-minsan, lumalayo ako.

 

                Maya-maya pa, nalanghap ko na ang aroma ng pinakukuluang kapeng barako sa takure. Bigla akong nagutom. Nais ko nang magpakita kay Mama. Pero hindi ko ginawa dahil nais kung malaman ang lihim niya, kaya muli kong sinilip siya.

 

                Natakpan ko ang aking bibig, at napasandal ako sa dingding. Sa wakas, nalaman ko na ang lihim niya sa kusina.

 

Kaya nang nagsalo-salo kami, ako ang nanguna sa pagdarasal dahil ang lihim sa kusina pala ay ang pagdarasal at paglalagay ng pagmamahal sa bawat putahe.

 

“Mama, alam ko na ang lihim mo,” sabi ko sa kaniya.

 

Ngumiti muna siya. “Nakita mo ako kanina? Nakita rin kita.”

 

“Opo, Mama. Sorry po.” Ako naman ang natawa.

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...