Followers

Thursday, February 19, 2026

Hindi Ako Nangopya

 

Hindi Ako Nangopya


 

 

“Ma’am, hindi po ako nangopya,” mariin kong tanggi pagkatapos sabihin ni Ma’am Redentor na nangopya ako kaya mataas ang nakuha kong iskor sa pagsusulit sa Science.

Hindi niya ako pinansin. Sa halip, ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng mga iskor ng mga kaklase ko.

Pinagtitinginan naman ako ng mga kaklase ko. Matatalim ang kanilang mga tingin. At para bang sinasabi nilang mandaraya ako. May nagtanong pa nga kay Prince kung nangopya ako sa kaniya. Siya kasi ang katabi ko noong araw ng pagsusulit.

“Prince Francisco… twenty-seven!” deklara ni Ma’am Redentor.

Nagbunyi ang damdamin ko kasi magkaiba kami ng iskor ni Prince. At di-hamak na mas mataas ang nakuha kong iskor kaysa sa kaniya.

Pagkatapos mabasa ng aming guro ang lahat ng iskor, hinarap na niya ako. “Perlas, magkita tayo sa Guidance Office mamaya pagkatapos ng klase,” sabi niya.

“Opo, Ma’am.” Napayuko na lamang ako. Hiyang-hiya ako sa kaniyang paratang. Hindi ko na nga halos marinig ang bulong-bulungan ng mga kaklase ko.

Paglabas ni Ma’am Redentor, tinanong ako ng katabi kong si Lancer. “Bakit ka kasi nangopya?” May pangungutya ang kaniyang tanong.

“Hindi ako nangopya!” singhal ko sa kaniya.

Muntikan nang makisali sa pang-aasar ang iba pa naming kaklase, kundi lamang dumating ang guro namin sa Mathematics na si Sir De Dios. Kaya bigla kaming nanahimik at umayos ng pagkakaupo. Wala nang nagbanggit tungkol sa pangongopya hanggang sa matapos ang klase.

Paglabas ng guro namin sa Mathematics, pumunta na ako sa Guidance Office.

“Magandang araw po, Ma’am Reyes! Pinapunta po ako rito ni Ma’am Redentor,” sabi ko.

“Iyon nga ang sabi ni Ma’am sa akin,” tugon ng guidance teacher. “Upo ka.” Itinuro niya ang mahabang upuan sa gilid ng mesa niya.

Thank you po!” sabi ko, saka agad akong yumuko. Kilala ko si Ma’am Reyes, pero hindi pa niya ako kilala. Bukod kasi sa hindi ko pa siya naging guro, hindi pa ako naipapa-Guidance. Iyon ang unang beses na pumasok ako sa Guidance Office dahil sa kasalanang hindi ko ginawa.

“Ano’ng pangalan mo? Bakit ka nangopya?” Nagulat ako sa tanong niya.

Parang nagbuhol ang dila ko. “H-hindi po.”

“May student handbook ka naman, `di ba?” Hindi na niya ako nakitang tumango kasi may hinanap siya sa drawer ng kaniyang mesa. “Kaya dapat alam mong bawal ang pangongopya sa klase.” At nang mahanap, binuklat-buklat niya iyon at may binasa siya. “Ang pangongopya ay anomang uri ng pandaraya sa akademikong gawain kung saan ang mag-aaral ay kumukuha, nagbibigay, o gumagamit ng sagot, ideya, o impormasyon nang walang pahintulot at hindi sariling gawa, tulad ng paggamit ng kodigo o notes sa pagsusulit; pagtingin o pagpapakopya ng sagot sa kaklase, paggamit ng cellphone o gadget sa oras ng pagsusulit nang walang pahintulot, pagpapasa ng proyekto o takdang-aralin, na gawa ng iba, o pagkopya o plagiarism ng teksto mula sa aklat o internet nang walang tamang pagkilala. Ito ay itinuturing na major offense dahil sinisira nito ang integridad, katapatan, at kredibilidad ng mag-aaral at ng paaralan. May kaukulang parusa ang mapatunayang nagkasala, depende sa bigat at dalas ng paglabag. Sa unang paglabag, magiging zero ang iskor mo sa pagsusulit, written reprimand, at guidance counseling. Sa ikalawang paglabag, ikaw ay maaaring masuspende at isasailalim ka sa mandatory counseling. At sa ikatlong paglabag, mas mabigat na parusa ang ipapataw sa iyo -- ayon sa patakaran ng paaralan, na maaaring umabot sa expulsion o pagkatanggal sa paaralang ito. Huwag kang mag-alala dahil isasagawa ang parusa alinsunod sa due process.” Tumingin siya sa akin pagkatapos magbasa. Nakasusugat ang tinging iyon.

            Napalunok ako. “Hindi po ako nangopya.” Hindi ko alam kung tumulo na ba ang luha ko o naitago ko pa rin sa talukap ng mata ko.

            “Hindi natin sure... Hintayin na lang natin si Ma’am Redentor,” sabi niya, saka may hinanap ulit sa ibabaw ng kaniyang mesa.

            Kahit alam ko ang katotohanan, malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko habang binabasa ni Ma’am Reyes ang Guidance Office Manual. Sa tingin ko, seryoso siyang maparusahan ako, kaya lalo akong nangamba.

            “Ayon sa Seksiyon III ng Mga Hakbang sa Proseso ng Parusa sa manwal na ito, ang unang hakbang ay pag-uulat ng insidente,” pagbubukas muli ni Ma’am Reyes ng usapan.

            Nanginig ang mga laman ko dahil sa aking narinig. “Mapaparusahan ba ako sa kasalanang hindi ko ginawa?” tanong ko sa sarili ko.

“Ang iyong gurong tagapayo ay magsa-submit sa akin ng incident report, na may kalakip na mga ebidensiya, gaya ng test paper at iba pa. Hintayin lamang natin siya.”

Tumango lang ako.

“Gusto mo bang papuntahin dito ang mga magulang mo?”

“Sige po, Ma’am.” Sa wakas, nakapagsalita na ako. Hindi ako natatakot na malaman nina Mama at Papa ang tungkol sa pangongopya.

“Pahiram ng ID mo, tatawagan ko sila.”

Napakamot ako sa ulo. “Naku, naiwan ko po sa bahay.”

“Sa Messenger?”

“Sige po.” Binigay ko ang mga social media accounts ng mga magulang ko, pero hindi mahanap ni Ma’am Reyes ang mga pangalang binanggit ko.

“May landline o telepono ba kayo sa bahay?”

“Meron po.”

“Alam mo ba ang telephone number ninyo?”

“Hindi ko po kabisado. Nasa ID ko rin po iyon, e. “Napakamot uli ako sa ulo.

“Naku! Ayaw mo lang yatang malaman ng mga magulang mo ang tungkol sa pangongopya mo, e.”

“Hindi po ako nangopya.”

“E, bakit natatakot ka?”

“Hindi po. Gusto ko nga pong malaman nila at makapunta si Mama rito ngayon.”

Kinuha ni Ma’am Reyes ang direktoryo sa ilalim ng telephone table, saka inabot sa akin. “O, hanapin mo rito sa directory ang landline number niyo sa bahay.”

Agad kong inabot iyon. Alam kong gamitin ang directory dahil mayroon din kami niyon sa bahay. Kaya, wala pang dalawang minuto, nahanap ko na agad ang mga numero. “Heto po, Ma’am.” Itinuro ko ang numero ng telepono sa bahay namin. “Heto naman po ang numero sa opisina ni Papa.” Itinuro ko rin iyon sa kaniya.

“Sige… Salamat! Ang Mama mo muna ang tatawagan ko.” Agad na nag-dial si Ma’am Reyes sa telepono.

Hindi pa nakokontak ni Ma’am Reyes ang aking ina. Dumating na si Ma’am Redentor. “Sorry, natagalan ako, Ma’am Reyes.” Nginitian niya kaming pareho. May hawak siyang mga test papers.

Sumenyas si Ma’am Reyes na may kakausapin siya sa telepono. “Magandang araw po, Misis. Ako po ang guidance teacher sa school ng anak niyong si~?” tanong niya sa akin.

“Perlas,” tugon ko.

“Si Perlas po. Nasa Guidance Office siya ngayon dahil sa isyung pangongopya. Maaari ba kayong pumunta rito ngayon?”

Hindi ko man narinig ang mga salita ni Mama, pero sigurado akong aligaga iyon para makapunta.

“Sige po, Misis. Maghihintay po kami. Maraming salamat! Bye. See you!” paalam ni Ma’am Reyes.

Pagkababa ng telepono ni Ma’am Reyes, saka nagsalita si Ma’am Redentor. “Pasensiya na, Ma’am Reyes… at Perlas.” Tila nahihiya siyang tumingin sa amin. “Hawak ko ngayon ang lahat ng test papers ni Perlas sa walong subjects.” Tiningnan niya ako, saka nginitian. “Sa Filipino, ikaw raw ang highest--- 47 ka. Sa English, two mistakes ka. Sa Math, pangalawa ka sa highest score —44. Sa AP, nakakuha ka rin ng pinakamataas na iskor —49. Sa EPP, nag-tie kayo ni Martina —46. Sa ESP, na-perfect mo ang test. At sa Science— 48 ka, at ikaw rin ang highest.”

“Sa lahat ng subjects, nangopya siya?” tanong ni Ma’am Reyes.

Ngumiti muna si Ma’am Redentor. “Nagtanong-tanong din ako sa mga subject teachers at sa mga kaklase niya, lalo na si Prince… Hindi po, Ma’am! Nagkamali ako.” Humarap si Ma’am Redentor sa akin. “Congratulations, Perlas! Consistent ang score mo sa lahat ng subjects! Sorry kung naparatangan kita.”

Nakahinga ako nang maluwag. Napasandal naman si Ma’am Reyes sa kaniyang swivel chair.

“Tamang-tama na pupunta ang Mama mo para personal akong makapagpaliwanag.”

Well, pasensiya na rin, Perlas, kung medyo naniwala akong nangopya ka nga. Nahihiya kami ni Ma’am Redentor sa nangyari,” sabi ni Ma’am Reyes.

“Okey lang po iyon. Ang mahalaga po, napatunayan nating hindi ako nangopya. Pinaghirapan ko po ang lahat ng iskor na nakuha ko. Mas gugustuhin ko pa pong makakuha ng mababang iskor kaysa mangopya.”

“Tama!” halos sabay na sabi ng dalawang guro.

“Marami tayong natutuhan ngayong araw,” sabi ni Ma’am Redentor.

 

 

           

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...