Nakatira si Makak sa isang kagubatan sa Palawan sa Luzon. Si Makak ay matsing na may mahabang buntot.
Isang araw, namataan ni Makak ang puno ng kamatsile. Hitik
na hitik ito sa mga hinog na bunga.
“Ang suwerte ko! Wala akong kaagaw,” sabi ni Makak, saka
agad na inakyat ang puno.
Sa sobrang galak, nakalimutan ni Makak na may mga tinik ang
puno ng kamatsile. Kaya sa kalagitnaan pa lamang ay napasigaw si Makak. Natusok
ng tinik ang buntot niya.
Nagliparan ang mga ibon nang tanggalin niya ang buntot sa tinik.
Nabunot naman ang tinik mula sa puno, pero naiwang nakatusok sa kaniyang
buntot.
Halos mapangiwi naman si Makak sa sobrang sakit nang subukan
niyang bunutin ang tinik sa kaniyang buntot.
“Kailangang matanggal ang tinik sa buntot ko.” Nag-isip siya
ng paraan.
Bumaba siya sa bayan at nagtungo sa kaibigang barbero.
“Kaibigan, babayaran kita kapag nabunot mo ang tinik sa
buntot ko,” sabi ni Makak.
“Sige, susubukan ko basta bayaran mo ako, ha?”
“Oo naman.”
Sinubukan ng barbero na bunutin ang tinik, gamit ang labaha
nito. Subalit, sa halip na mabunot, naputol ang dulo ng buntot ni Makak.
Napaiyak sa galit at sakit si Makak. “Kapag hindi mo
naibalik ang buntot ko, kukunin ko ang labaha mo bilang kabayaran!”
Hindi na naibalik pa ng barbero ang dulo ng buntot ni Makak
kaya ibinigay nito sa kaniya ang labaha.
Sa kalsadang pabalik sa gubat, nakita niya ang matandang
babae. Nangangahoy ito gamit ang mabigat na itak.
“Lola, gamitin mo ang labahang ito para hindi kayo
mahirapan,” alok ni Makak.
“Maraming salamat, iho!” Natuwa ang matandang babae. Agad naman
nitong sinubukan ang labaha. Subalit, bago pa naputol ang kahoy, naputol na ang
labaha.”
“Naku, pinutol mo ang aking labaha!” galit na sabi ni Makak.
“Kung hindi mo mapapalitan ito, kukunin ko ang mga panggatong mo.”
Napilitang ipalit ng matanda ang labaha sa mga kahoy na
panggatong.
Binitbit ni Makak ang mga kahoy pabalik sa bayan upang
ibenta ang mga ito. Sa di-kalayuan, natanaw niya ang matandang babaeng
nagluluto at nagtitinda ng biko.
“Lola, malapit nang maubos ang kahoy na panggatong mo,” sabi
ni Makak. “Gamitin mo ang mga kahoy ko para makaluto ka ng marami at masasarap
na biko.”
Tinanggap ng matanda ang mga kahoy ni Makak. “Maraming
salamat, iho, sa kabutihan mo!” Agad naman nitong ginamit ang mga kahoy ni
Makak hanggang isa na lang ang natira.
“Naku, inubos mo ang kahoy ko!” naiinis na sabi ni Makak.
“Ibigay mo sa akin lahat ng naluto mong biko bilang kabayaran sa mga kahoy ko.”
“Wala naman akong
kakayahang mangahoy,” malungkot na sabi ng matanda. “Sige, kunin mo nang lahat
‘yan,”
Nagpatuloy sa paglalakad si Makak patungong bayan upang
ibenta ang mga biko.
Sa di-kalauyan, nakasalubong niya ang isang aso. Tinahulan
siya nito.
“Hindi! Ibebenta ko ‘to!” sabi ni Makak. At nang hindi pa
rin ito umalis sa harapan niya, kumuha siya ng bato at binato niya ang aso.
Nakaiwas ang aso, pero hindi pa nagtatagal ay hinabol nito
si Makak.
“Hayo! Hayo!” sigaw ni Makak, pero hindi siya pinakinggan ng
aso. Nasakmal siya nito hanggang sa tumilapon ang mga biko.
Kinain ng aso ang mga biko.
“Ang biko ko,” nanghihinayang na sabi ni Makak bago dumilim
ang paningin.
No comments:
Post a Comment