Maagang gumising si Daniel para sa pagpasok sa construction site. Naabutan niya sa dirty kitchen si Tiya Leonora. Masigla niya itong binati.
"Good morning din, Dandan! Kape ka na. Kuha ka na lang ng tasa sa loob. Tikman mo itong kape," anito, habang nagdadagdag ng kahoy sa apoy.
"Hmm! Ang bango! Na-miss ko ang kape niyo! Wait lang po..."
Pagbalik ni Daniel, may tangan na siyang mug na may kaunting asukal. Inabot niya iyon sa kanyang tiya.
"Sandali na lang ito, Dan. Isang kulo pa. Nagmamadali ka ba?"
"Hindi naman po. Maaga lang po talaga akong bumangon. Isa pa po, ayaw ko na pong magmadali. Gaya po ng kape niyo, mas matagal pinakuluan, mas masarap."
Napangiti si Tiya Leonora. "Tama ka. At madalas, kapag ininom mo ang kapeng minadali ng paghahanda o pagtimpla, parang hindi ka rin nagkape..."
"Ganyan po ang nangyari sa akin... sa amin ni Lorenzana."
Tiningnan muna siya nang tiya bago ito sumalok ng kumukulong kapeng barako, gamit ang kutsaron, at ipinadaan sa katsang salaan. "Sa pag-aasawa, hindi dapat timpla nang timpla ng kape. Kailangan mong salain dahil maaari lang masamid kapag bumara sa lalamunan mo ang malilit na granules ng kape."
Inabot na ni Daniel ang kanyang kape at hinalo-halo ito. Amoy na amoy niya ang aroma nito. Mas mabango ito kumpara sa kapeng barako na inihanda ng kanyang ina, gamit ang coffee brewer.
"Hindi na nga po talaga ako nakapamili ng kakasamahin. Nasamid nga po ako," ani Daniel.
"Anyway, andiyan na 'yan. Nainom mo na. Panindigan mo na lang. Hindi mo maaaring iluwa. Nasamid ka na minsan, sana natuto ka na."
Humigop muna si Daniel ng kape. "Opo. Salamat po. Dito lang po ako nakapag-isip-isip. Kapag nakaipon ako, uuwi na po ako. Bigla ko po kasing na-miss ang mag-ina ko."
"Maganda 'yan. Anuman ang mangyari, ang kape ay nagpapagising ng diwa. Iyan ang nangyayari sa'yo ngayon." Tinapik pa ni Tiya Leonora ang balikat ni Daniel bago ito tumalikod.
"TlGa? u2wi kn? klAn?" reply ni Lorenzana kay Daniel nang magpasabi siya na malapit na siyang umuwi.
"SooN, Beh..."
"Cge. WaiT kta. I miz U!"
"I miss you 2. Mzta si Baby?"
Hindi na naitago ni Daniel ang pananabik niya sa kanyang mag-ina. Sa ilang araw niyang pananatili sa kanyang kamag-anak tila nagamot niyon ang kanyang hinanakit. Pakiramdam niya, matagal na matagal siyang nawalay sa dalawa. Nais na niyang mayakap sina Lorenzana at Baby.
"oK lng C Baby... MdlAs k nya hnPin Kya pix u n lng ipnpkita q," sagot ni Lorenzana.
Nabagbag ang puso ni Daniel. Naisip niyang kailangan na talaga nilang magsama-sama bilang isang pamilya.
Bago pa siya nakapag-reply, nakapag-send na uli si Lorenzana ng mensahe. Ipinagtapat niya sa asawa na may sinat si Baby.
"Sinat laki lng to. Wg kng mgAlala..." dagdag pa ni Lorenzana.
Lalong naawa ang ama sa anak, subalit tiwala siyang magiging maayos ito. Naniniwala siyang maalagang ina si Lorenzana. Hindi nito napapabayaan ang kanilang supling.
Naisuhestiyon ni Lorenzana kay Daniel ang pagpapabinyag kay Baby. Ayon sa kanya, naniniwala siya sa paniniwala ng kaniyang mga magulang na sakitin ang isang bata kapag wala pang binyag.
"Cge, Beh! Pg nkaipOn aq pbbnYgan ntn c Bby. Bye n. Ligo n me."
"Bye! We luv u!"
Tinungga ni Daniel ang lumamig na kape. Sa kanyang panlasa, masarap pa rin ang lasa niyon, parang ang lumamig niyang pag-ibig kay Lorenzana. Ngayon nga ay naunumbalik ang dati niyang amor para sa asawa.
Masiglang nagtrabaho si Daniel sa construction site dahil dalawa na uli ngayon ang kanyang inspirasyon.
No comments:
Post a Comment