Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 6

 


Hindi talaga naarok ni Daniel ang ibig sabihin ng mga huling salita ni Mommy Nimfa. Nagsalubong ang mga kilay niya at biglang may pumintig sa puso niya.

"Mom, ano'ng ibig niyong sabihin?" Hindi natiis ni Daniel na hindi magtanong. Wala siyang panahon at lakas ngayon para sa sikolohikal na gawain.

"Tulad ng kape, dapat ay inaamoy-amoy muna ito, bago ka humigop... Ikukuha kita ng towel. Maligo ka."

Lalo yatang nagulumihanan ang isip ni Daniel. "Bakit masyado yatang idyomatiko ngayon si Mommy o baka naman nabobo na ako dahil sa aking pinagdadaanan?" tanong niya sa kanyang sarili.

Pinilit inubos ni Daniel ang kanin na inihain ng kanyang ina. Wala pa rin siyang ganang kumain, simula nang naratay siya higaan ng mahigit isang linggo. Gustuhin man niyang mapanumbalik ang dating katawan at gana, hindi naman ito sinasang-ayunan ng kanyang sikmura.

"Ako na ang magliligpit niyan. Maligo ka na." Inaabot na ni Mommy Nimfa ang tuwalya. "Ang undie mo at mga damit mo, isusunod ko na lang..."

Hindi naman agad naligo si Daniel, pagkatanggal niya ng kanyang saplot. Humarap siya sa salamin. Hindi niya agad nakilala ang kanyang sarili. Bahagya pa nga siyang napaurong.

Ilang milimetro na lamang ang laman niya sa kanyang mga pisngi. Para na siyang taong bungo. Mapagkakamalan na rin siyang durugista dahil ang dating mapupungay niyang mga mata, ngayon ay lubog na. Ang collarbone niya ay kawangis na ng hanger. At, sobra siyang naiyak nang mahipo niya ang kanyang dibdib. Wala na ang dating matipuno niyang katawan.

Hiniling niya na sana'y bahagi lamang ito ng kanyang panaginip.

Pinihit niya ang shower knob. Tumapat siya roon. Gumapang sa buo niyang katawan ang lamig, kahit maligamgam na iyon.

Pagkuwa'y muli niyang sinipat ang sarili sa salamin... "O, Lord..." sambit niya. Hindi niya alam kung tubig ba o luha na ang dumadaloy sa kanyang pisngi. Ang tangi niyang alam, hindi siya ang kaharap niya.

Hindi siya nagtagal sa pag-shower dahil pakiramdam niya ay nagyeyelo ang kanyang ipinapaligo. Nagsabon lang siya at nag-shampoo, saka hinintay ang iaabot na mga damit ng ina para sa kanya. Tanggap na rin niya ang pagbagsak ng kanyang katawan. Nangangamba lamang siya kung paano niya ngayon bubuhayin ang kanyang mag-ina. Tiyak siyang walang kompanya ang magtitiwala sa kanya.

"Tawagan ka na lang naming, Sir."

"Mukha kang may sakit. Hindi ka namin matatanggap."

"Pasok ang mga qualifications mo, pero we have health requirement here. I'm sorry."

"Trabaho ba ang hanap mo, Mister... Daniel?"

"Tatapatin na kita... Para kang may TB. Magpagaling ka muna, iho."

Tuluyang yumugyog ang mga balikat ni Daniel, habang nakasandal sa pinto at yakap-yakap niya ang kanyang mga binti.

Tatlong mahihinang katok ang nagpanumbalik sa ulirat ni Daniel. Kagyat siyang tumayo upang buksan ang pinto at abutin ang kanyang isusuot.

"Anak, sasaglit lang ako sa palengke..." paalam ng ina.

"Opo!" sagot niya, pagkatapos niyang maiubo ang nakabara sa kanyang lalamunan. Saka nagbihis na siya.

Muli niyang pinagmasdan ang kanyang sarili. "May nagbago ba?" aniya sa isip. Bigo siyang makita ang dating siya. Awa lamang ang naramdaman niya para sa sarili at sa kanyang anak. Pakiwari niya'y mahihirapan siyang makabangong muli ngayong lugmok na lugmok na siya.

"Oy, nandito pala ang magaling kong kuya! Nice to see you again, Bro!" sarkastikong bati ng bunsong kapatid ni Daniel. Nagkagulatan sila, paglabas niya sa banyo.

"Musta?" pakli ni Daniel. Gusto niyang itago ang kanyang mukha.

Padaskol na ibinigay ni Donald sa kuya ang basketball. Nasaktan ang dibdib ng kapatid. "Nga pala, bagay sa'yo ang paborito kong damit," anito bago pumasok at malakas na isinara ang pinto ng banyo.

Hindi mapakali si Daniel. Sana hindi muna umalis si Mommy, naisip niya.

Nagtungo siya sa garden para makahinga. Hindi niya gustong makipagtalo kay Donald. Tama na ang away nila dati. Wala na siyang ibabatbat ngayon.

"Kumusta ang pinakamagaling at pinakamatalinong anak nina Mommy at Daddy?"

Hindi man lingunin ni Daniel ang kapatid, damang-dama pa rin niya ang hinanakit nito sa kanya.

"W-wala na... wala na akong trabaho..." Nakaharap na siya sa kapatid.

Tinawanan siya ni Donald. Abot sa impiyerno. "Sino ngayon sa atin ang kawawa? Ako ba na sabi mo'y sakit sa ulo ng mga magulang natin o ikaw na sakit sa puso ng asawa mo?" Tumawa uli siya, pero mas mahina na.

Wala siyang karapatang pagsalitaan siya nang ganun. Subalit, hindi kumibo si Daniel, kahit gustong-gusto na niya ulit gamitin ang kanyang pagkakuya.

"Bakit ka napasyal? Hihingi ka na naman ng pera kay Mommy? Mahiya ka naman, Bro."

Nanginig bigla ang mga kalamnan ni Daniel at lumagitnit ang kanyang mga ngipin. Kapagdaka'y nabasag ang paso sa may harapan ni Donald, na mabilis niyang naibinato. Kung hindi lamang ito nabangga sa balustre ng balkonahe ay sapul sana ang kapatid niya.

"Demonyo ka! Pati ako gusto mong patayin! Gago!" pasigaw na tumakbo paloob si Donald. Nag-lock siya ng pinto. "Mamatay ka na sana, gaya kung paano binawian ng buhay si Daddy dahil sa kagaguhan mo! Puta ka!"

Nasapo ni Daniel ang kanyang sintido at muling yumugyog ang kanyang balikat. Sobrang sakit na ng kanyang damdamin.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...