Followers
Saturday, May 11, 2024
Alter Ego: Patalim
Tinatahak ni Rayson ang daan patungo sa bus terminal, nang akbayan siya ng lalaki. "Pare, huwag kang papalag kung ayaw mong gripuhan ko ang tagiliran mo," sabi nito.
Naramdaman ni Rayson ang tulis ng patalim. Gusto tumakas ng dugo niya, lalo na't nakita pa niya ang mga tattoo sa braso ng lalaki. "Hindi po... Ano po ang kailangan mo sa akin?" Nais niyang sumigaw para makaakit ng tao, pero para namang walang maglalakas-loob na tulungan siya.
"Akin na ang bag mo, saka ang lahat ng pera mo," deklara ng lalaki. Idiniin pa nito ang patalim.
"Malayo pa po ang tungo ko..."
"Wala akong pakialam kung saan ka patungo! Akin na."
Mahabang segundo muna ang lumipas nang mapagtanto ni Rayson na mas mahalaga ang buhay niya kaysa sa bag, sa laman nito, at sa pera niya. May pangarap pa siyang natitira at nais na makamit para sa sarili at pamilya.
Pagkatapos niyang maiabot nang maayos ang bag at lahat ng pera niya sa bulsa, tila nasa madilim na lugar siya at ang tanging nakikita niya lamang ang papalayong holdaper.
"Baguio, Baguio!" narinig niyang sigaw ng konduktor. Noon lamang siya natauhan. Noon lamang siya nanlumo.
Sa bakanteng upuan sa passengers' waiting area, natagpuan ni Rayson ang sarili. Gusto niyang ngumuyngoy, ngunit tanging ang madamot na luha lamang ang kanyang na natanggap mula sa pangyayaring iyon.
"Saan na ako ngayon pupunta?"naisaloob niya. Ni pamasahe pabalik sa probinsiya ay wala siya.
"Baguio, Baguio! Aalis na!" muling narinig ni Rayson ang konduktor. Lalong nadurog ang puso niya.
Ang isiping wala na siyang magagawa para makapasok sa PMA ay isang kabiguan. Hanggang dito na lamang talaga siya, aniya. Nasapo niya ang kanyang noo sa labis na kalungkutan. Matagal niyang pinag-isipan ang kanyang gagawin. Pag-angat niya ng kanyang mukha, tila natanaw niya si Paul sa bintana ng papalayong bus. Kumakaway pa ito. Nais niya ring kumaway o kaya ay habulin, ngunit naisip niyang imposible iyon. Sinundan niya na lamang iyon ng tingin hanggang mawala sa kanya trapiko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment