Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 5

 


"Walang kape!" singhal ni Lorenzana kay Daniel, minsang nag-request siya para mainitan man lang ang sikmura niya bago pumasok sa trabaho.

Wala namang narinig na masama si Lorenzana mula kay Daniel. Hindi rin siya nagpakita na masama ang loob, subalit nagsalita pa rin ang asawa.

"Akala mo kasi sapat na sapat na ang inaabot mo sa akin. E. andami natin dito sa bahay. Ni hindi na nga ako makabili ng para sa sarili ko."

Gusto nang sumulwak ng dugo ni Daniel sa ulo. Nagtimpi lamang siya. Natutulog pa ang mga biyenan at iba nilang kasamahan sa bahay. Gaya ng dati, ayaw niyang nag-aaway sila nang maingay. Napigilan niya rin ang paglabas ng halimaw na matatagal na niyang inaalagaan sa kanyang puso. Nagpakapipi pa rin siya.

"O, ang tamlay mo, kabayan!" pansing-bati ng sikyu kay Daniel nang makarating na siya sa pabrika.

Ngumiti man si Daniel, halata pa ring may pinapasan siyang problema. "Traffic, e..." Didiretso na sana siya para itago ang kanyang mapupulang mata.

"Hindi ka na naman, ipinaghanda ng misis mo ng almusal, 'no?" May kinuha siyang baunan sa drawer. "Eto, o... tinira ko talaga para sa'yo."

"Naku, 'wag na. Nakakahiya na sa'yo."

"Ala, e... nabubulag ang tumatanggi sa grasya. Sige ka."

Ayaw naman niyang mangyari iyon sa kanya, kaya tinanggap niya pa rin.

"Kape?" alok pa ng lady guard.

Natauhan si Daniel nang maamoy na niya ang kapeng inihanda ng kanyang ina.

"Brewed coffee!" masiglang sambit ni Mommy Nimfa. Pagkuwa'y iniabot niya ang tasa ng kape sa anak.

Excited na humigop si Daniel.

"Masarap?"

Hindi nakapagsalita si Daniel dahil napapaitan siya.

"Ganyan ang buhay may-asawa, 'nak. Mapait. Pero, huwag kang mag-alala. Puwede mong patamisin ang pagsasama niyo..." Tumayo siya at kinuha ang mga canister ng creamer at sugar. "Dagdagan mo ng asukal para tumamis. Huwag mong hayaang maging mapait. Hindi mo kakayanin 'yan."

Naglagay nga si Daniel ng asukal, saka ito hinalo-halo.

"How's the taste?"

"Um-okay-okay na po." Alam niya kung saan patungo ang usapan nila ng mommy niya. Hindi niya iyon ikinaiinis. Iyon nga ang ipinunta niya roon—ang matikman ang kape ng ina na may aral sa buhay. Nais niyang lumiwanag sa kanyang isip ang mga pinagdadaanan niya.

"Hindi sapat na okay lang. Dapat sakto sa panlasa mo. Huwag mong dayain. Hindi mo maikukubli ang pait... Nariyan ang mainit na tubig. Dagdagan mo. Dagdagan mo ang effort mo para hindi ka mapaitan..."

"Tama na po 'to, Mom."

Humigop muna ng kape si Mommy Nimfa. Pagkatapos, tumayo siya at nilagyan ng creamer ang tasa ng kape ng anak. "Kahit lagyan mo pa ng sangkatirbang creamer o gatas ang kape mo, kung mapait, mapait talaga," anito habang hinalo-halo ang kape ng anak. "Ngayon ay tikman mo. Anong lasa?"

"Creamy and sweet na."

"Ganyan din ba ang pagsasama niyo ni Lorenzana?" sarkastikong tanong ng ina.

Nakita na naman ni Daniel kung paanong kumurba ang mga kilay nito. At, agad na humigop siya ng kape. Ayaw niyang sagutin ang tanong ng ina. Nagkunwari siyang napaso. Pero, hindi siya pinansin ni Mommy Nimfa.

"Hindi ka lumaki sa mapait na kape... Alam mo 'yan, Daniel. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nagkaganyan ka." Mataas na ang boses ng ina, nang umupo ito uli. "Look... Your eyes. Halatang kulang sa tulog at pahinga. Your physique... o, my God, Daniel! Dalawang taon pa lang kayong nagsasama ni Lorenzana, ganyan ka na. How much more kung maging tatlo, apat, limang taon pa kayo!? Ican't imagine, Daniel!"

"Mommy... it's my work."

"Work? Anong klaseng work? Hindi ba't sinabi ko na sa'yo na... na establish first your life. Ayan! Kung ano-ano na lang trabaho ang pinasok mo."

"Sorry po..." Nangangatal na ang boses ni Daniel. Kinakain na siya ng kanyang awa sa sarili at hiya sa ina. Naging matigas din kasi ang ulo niya dati.

"Puwede mong iluwa ang kape kapag napaso ka, pero napaso ka na, Daniel. Sana nag-ingat ka..."

Naisip ni Daniel, na iyon na siguro ang tamang panahon para maipaliwanag niya sa ina ang dahilan kung bakit nakapag-asawa siya nang maaga. "Bigo lang po ako noon, kaya nang lumapit si Lorenzana sa akin para damayan ako..."

"Natukso ka?"

Tila batang tumango si Daniel.

"Iba ang tinukso sa nagpatukso, sa natukso. Alin doon?"

Umiling-iling si Daniel. Hindi niya alam. Ang alam niya lang ay init lang ng laman ang namagitan noon sa kanila ni Lorenzana.

"Hindi mo pa talaga kilala si Lorenzana..."

Napasulyap si Daniel sa ina. Nakitaan niya ito ng isang bomba sa

kanyang dibdib. Pumitlag ang puso niya.

"Hindi lahat ng kape ay maaroma. Tandaan mo 'yan, Daniel." Tinalikuran na niya ang kanyang anak.

?Q6


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...