Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 21

 


Abot-tainga ang ngiti ni Daniel nang mabasa ang mga text ng pangungumusta ni Pamela. Sabi pa nito, "Muzta ka na? Bkit d k n mkontak? Miz n kta." Dalawang araw pa lang ang nakalipas nang i-send na ito sa kanya.

Sayang, aniya. Hindi pala siya nakabili ng load. Hindi pa niya ito mare-reply-an. Gayunpaman, lumakas ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili dahil si Pamela ang isa sa mga kaibigan niyang madalas na nagpapalakas ng kanyang loob tuwing down siya.

"Ala, e, hindi madrowing 'yang mukha mo. Bakit ba? Tambak na naman ba ang assignment mo?" minsang pansing-biro ni Pamela kay Daniel nang nasa library sila.

"Hindi..."

"E, ano? Inborn?" Humagalpak ito nang tawa. Kaya, tiningnan siya nang masama ng librarian.

"Ayan. Yari ka na naman kay Mrs. Kilay." Natawa na rin si Daniel.

"Hayaan mo siya. Inborn din ang kilay niyang nilalapis."

Imbes na maiyak sa dami ng school works, napatawa ni Pamela si Daniel. Iyan ang nami-miss niya sa kaibigan. No dull moment, 'ika nga, kapag magkasama sila.

Minsan pa nga, green jokes na. Hindi naman nao-offend si Daniel. Hindi rin niya inaabuso.

"Palitan mo na kasi 'yan girl friend mo. Ang lakas lumamon. Panay naman palibre. Kung ako na lang ba ang..."

"Nililibre ko?"

"Hindi. Ang gini-girlfriend mo!" Humagalpak siya ng tawa at hinampas pa siya sa braso.

Speechless si Daniel.

"Promise... hindi ako magpapalibre. " Pagkatapos ay nagsabi siya ng "Joke!" nang 'di na umimik si Daniel.

Napangiti na lang si Daniel, habang itinatago niya ang kanyang cellphone sa kanyang bag. Malapit na siyang bumaba.

Isang malamig at sariwang hangin ang yumakap sa kanya, pagkababa na pagkababa pa lamang niya sa bus. Pakiramdam niya ay agad na mawawala ang pananakit ng kanyang dibdib sa bayang iyon.

Nagpa-load muna si Daniel bago sumakay ng traysikel na maghahatid sa kanya sa bahay ng kanyang tiyo. Tinext niya si Pamela. "Pam, msta n? D2 aq s Batngas." Isang masarap na ngiti ang ginawa niya pagkatapos ma-isend ang kanyang mensahe.

"Tito Daniel! Tito Daniel!" salubong na bati sa kanya ng kanyang mga pamangkin. Isa-isa niya itong binati at kiniss sa noo. Pagkatapos ay iniabot niya ang kanyang pasalubong sa mga ito.

Sa sala niya naabutan ang kanyang Tiyo Vicente at Tiya Leonora. Nanunuod sila ng balita. Nagmano siya. Kahit paano ay nagulat ang mga ito sa pagdating niya, ngunit masaya silang makita siya.

"Kailangan mo ngang magpagaling, Daniel," ani Tiya Leonora, pagkatapos siyang pagmasdan. "Tama nga ang Mommy mo..."

"Opo, Tiya... Iniwan ko nga po ang mag-ina ko para magpahinga at magpalakas dito sa inyo."

"Tama 'yang ginawa mo. Sabi ko naman kasi sa'yo, dumito ka na lang. Hayaan mo na 'yang asawa mo," sabi naman ng kanyang tiyo. Gaya ng dati, mainit pa rin ang dugo niyo sa kanyang asawa. Minsan kasi, nang dumalaw sila, nag-astang mayaman si Lorenzana.

Hindi na kumibo si Daniel. Kahit paano ay nasasaktan siya tuwing magagalit ang amain niya kay Lorenzana. Isa pa, ayaw na muna niyang isipin ang kanyang asawa. Hangga't maaari ayaw niya itong kontakin. Kasama ng pagbabakasyon niya ay ang pagkamit ng kasiyahan—kahit panandalian lamang. Gusto niyang tumawa at ngumiti. Gusto niyang maranasan iyon sa tulong ni Pamela, na hindi naman kayang ibigay ng kanyang asawa.

"Kumain ka na doon," utos ng kanyang tiya. "Tapos na kami. Bahala ka na. Feel at home."

"Sige po. Iaakyat ko lang po itong gamit ko."

"Kakaiba talaga dito sa Batangas," naisip ni Daniel. "Bukod sa sariwa ang hangin, ang sarap pang kumain." Andami niyang nakain. Siguro ay nakatatlong servings siya ng kanin. Sinabawang isda pa naman ang ulam. May ginataang gulay pa.

Habang naghuhugas siya ng kanyang pinagkainan, dumating ang pinsan niyang si Ate Remy.

"Hello, Dandan!" masayang bati nito.

"Hello, Ate Remy! Kumusta na? Pasensiya na 'di na ako nakakapag-text sa'yo."

"Bakit nga ba?"

"Nilublob ni Lorenzana sa kape." Natawa si Daniel. Ayaw niyang maging isyu ang ginawa ng asawa.

Natawa rin si Ate Remy. "Hayaan mo na."

"Kaya nga, e... Na-miss ko ang mga godly quotes mo."

Close sila ng kanyang Ate Remy. Siya kasi ang madalas niyang kausap kapag pakiramdam niya ay nawawala ang pananampalataya niya sa Panginoon. Hindi siya nito hinahayaang i-condemn ang Diyos.

Habang nakikinuod ng tv si Daniel, nagkape siya. Isang mainit na kape, na walang asukal ang kanyang itinimpla. Gusto niya lang malasahan ang pait nito, dahil bukas sigurado siyang tatamis na ang panlasa niya sa buhay.

"Kita tyo bkas, Bes! I miss u na tlga. Grabe!" text ni Pamela.

Nakangiti si Daniel, habang nagta-type.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...