"Naka-ready na ang mga susuutin mo, pagkaligo, Beh," ani Lorenzana, pagdating na pagdating ni Daniel at ng kanilang anak. Naglakad-lakad kasi sila habang hindi pa masakit sa balat ang sikat ng araw.
"Magpapahinga lang ako nang kaunti. Nasaan nga pala sila?" Ang tinutukoy ni Daniel ay ang mga magulang ni Lorenzana. Silang tatlo na lang ang tao sa bahay.
"Pumunta kay Tita. Alam mo na. Wala na naman tayong sasaingin."
Hindi naman bitter at sarkastiko ang pagkakasabi niyon ni Lorenzana, pero nakaramdam na naman siya ng hiya. Alam niyang magiging usap-usapan na naman siya ng pamilya at kamag-anakan ng asawa.
"Si Baby, may gatas pa ba?" Nakita niya ang anak niya na sumalampak na sa gula-gulanit na sofa. Dinidede ang tira nitong gatas.
Tumalikod si Lorenzana upang kunin ang canister. "Dalawang timpla? O tatlo..."
Nalungkot pareho ang mag-asawa. Mahabang segundo rin silang natahimik, bago paiyak na humingi si Baby ng gatas.
Agad na kinuha ni Daniel ang bote ng anak. "Akin na, Baby... Igagawa ka na ni Papa ng milk, ha? Wait lang ang baby namin," pangangarenyo ng ama sa anak, na naging epektibo naman.
Nangingilid ang mga luha sa mga mata ni Daniel, habang tinatakal niya ang gatas. Ayaw niyang makatikim uli ang anak nila ng am na may kaunting gatas, gaya dati. Lalo't ayaw niya itong padedehin ng kape. Ngunit, paano? Paano na ngayong wala siyang trabaho?
Habang tinatapik-tapik ni Daniel ang binti ng anak upang makatulog sa pagdedede, pumasok sa isip niya ang mga kaibigan at mga dating kaklase. Sila ang maaaring makatulong sa kanya upang makahanap ng trabaho.
"Ney, may load ba ang cellphone mo?" masuyong tanong ni Daniel kay Lorenzana.
"Bakit?"
Ayaw ni Daniel na maging sanhi na naman ng away o tampuhan nila ang cellphone, kaya agad niyang sinabi ang kanyang interes.
"Sige, magloload ako. May kinse pa ako d'yan," ani Lorenzana at agad na kinuha ang pera. "Sana makatulong nga sa'yo ang mga babae mong kaibigan."
Hindi na lamang pinansin ni Daniel nang pinagdiinan pa niya ang salitang babae. Sa tingin niya, hindi ito ang tamang panahon para sa isyung wala namang kabuluhan. Ang anak nila ang maiipit sa kasalukuyan nilang sitwasyon.
"Saglit!" tawag ni Daniel sa asawa nang may maalala siya. "Sa number ko, mo, ipa-load. Isasalpak ko na lang ang sim card ko sa cp mo."
Napatda si Lorenzana. Gusto niya sanang umapela, pero hindi na niya itinuloy. Umiiwas na rin siya sa posilibidad ng isa na namang away.
Sa dinami-dami nang tinext ni Daniel, dalawa lang ang nag-reply—sina Rubina at Shirley.
Si Rubina ang dati niyang kaklase sa college. Imbes na bigyan siya ng idea kung paano makapasok sa call center, gaya niya, sinermunan pa siya nito nang tumawag. "I told you before to choose between career and family. You chose family. So, there you are! Unemployed..."
Hindi nagsalita si Daniel, nakikinig kasi si Lorenzana. Isa pa, wala naman siyang irarason. Tama naman si Rubina. Nagkamali siya. Nagmadali.
Ibinaba na lang ni Daniel para maputol na ang iba pang sasabihin ni Rubina. Sa halip, nagtext siya. "So, u mean...ur still single?" Napangiti pa siya nang mag-send iyon.
"Yes!" reply ng kaibigan niya.
"Sayang... kung wala pa sana akong asawa't anak."
Nag-send lang ng smiley si Rubina. Hindi na rin nag-reply pa si Daniel. Hindi naman talaga siya nanghihinayang sa naudlot nilang pagmamahalan. Nanghihinayang siya dahil hindi siya nito matutulungan.
Si Shirley naman ang kaklase niya noong elementary. Pagdya-janitor naman ang trabahong iniaalok sa kanya dahil ang asawa niya ay may mataas na posisyon sa janitorial services. Ang sabi niya'y pag-iisipan niya muna. Pero, ang totoo, ayaw niya dahil hindi pa kaya ng katawan niya.
Nang lumaon, nauwi sa pagrereto ang kanilang usapan sa text. Crush daw ng hipag niya si Daniel, kaya expect niya raw ang text niyon.
Tukso, layuan mo muna ako, nasambit ni Daniel sa kanyang isip.
Pinilit niyang sumimangot upang iparamdam at ipakita kay Lorenzana na wala siyang nahita sa mga ka-text niya. Gayunpaman, binigyan niya ng pag-asa ang asawa. "Sabi ni Larry, ihahanap niya raw ako. Text niya ako as soon as mayroon na." Nakita naman niyang nabuhayan ng loob ang asawa.
"Sige, ikaw na muna ang gumamit ng cellphone..."
Hindi natuwa siya Daniel sa sinabi ng asawa. Tuwang-tuwa siya. Hindi niya lamang nailabas. Naisip niyang muli na naman siyang pinagkatiwalaan ng kanyang asawa. Hinangad niya na sana ay magtuloy-tuloy na. Pero, biglang sumagi sa isip niya ang hindi niya makakalimutang sandali—nang ilubog ni Lorenzana ang cellphone niya sa kanyang iniinom na kape. Ayaw na niya itong maulit.
No comments:
Post a Comment