Paglabas ni Daniel sa Café Perry-Rina, animo'y bagong tao na siya. Na-appreciate na niya ang kagandahan ng paligid. Ang iba't ibang neon sign na kanyang natatanaw ay nagtila Christmas lights--- kumukuti-kutitap. Ang mga ingay ng mga tao at sasakyan ay naging musika sa kanyang pandinig.
Hindi niya namalayang nasa tapat na siya ng tahanan ng kanyang mga biyenan. Madilim sa labas, ngunit batid niyang gising pa ang lahat. Alas-siyete pa lamang naman ng gabi.
Tatlong mahihinang katok ang ginawa niya sa pintong plywood, pagkatapos niyang palayain ang malalalim na hininga at patigilin ang pagkabog ng kanyang dibdib.
"Papa! Papa!" sigaw ng anak ni Daniel, pagsungaw pa lamang niya sa pinto. Nagmano muna siya sa kanyang mga biyenan, bago kinarga ang nakakunyapit na anak. Pumasok sila sa kuwarto at doon niya hinagkan at niyakap nang mahigpit ang bata. Miss na miss niya ito, na parang isang taon silang hindi nagkita.
Nakatunghay naman sa kanila si Lorenzana. Nais niyang yakapin si Daniel.
"May pasalubong si Papa sa'yo." Masayang hinugot ng ama mula sa kanyang bulsa ang pahabang marshmallow. Hinding-hindi niya makakalimutang magbitbit ng pasalubong para sa anak.
"What will you say?" Umintra si Lorenzana.
"Tey shu!" sagot ng bata.
"Welcome, baby ko!" Muli niyang niyakap ang kanyang anak. Parang naglaho na ang sakit na kanina lang ay nagpahirap sa kanyang pagkatao.
"Lorenz, maghain ka na. Kain na kayo ni Daniel," utos ng ina ni Lorenzana, na agad namang tumalima.
Pinagmasdan ni Daniel ang anak niya, habang nilalantakan nito ang marshmallow. Napuno ng ligaya ang puso niya. Naisip niya kasi na mabuti pa ang bata, madali lang mapasaya. Marunong na ngang magpasalamat, marunong pang makuntento.
"Kain na tayo, Beh!" masuyong yaya ni Lorenzana kay Daniel. Nangingilag pa rin ang tingin nito kay Daniel.
Gaya ng dati, silang mag-asawa ang unang kakain, kaya pigil na pigil si Daniel. Kahit gusto pa niyang humirit ng sabaw ng instant noodles at pumutol pa ng kalahating tuyo, hindi na niya ginawa. Gayunpaman, sige pa rin ang paglagay ng kanin ni Lorenzana sa kanyang plato. Natuwa siya sa asawa dahil biglang nag-iba ang trato nito sa kanya. Dati-rati, kailangan pa nilang magtalo kapag nais pa niyang humingi ng ulam o kaya ay kanin. Minsan pa nga, nagkatampuhan pa sila sa isang pandesal.
"Nakatatlo ka na. Akin naman 'to!" bulyaw ni Lorenzana kay Daniel.
"Bitin, e. Ang liliit naman kasi. Kuha ka na lang uli doon, o."
"Sa kanila na nga 'yun, e. Ang siba mo naman!"
Gustong tabigin ni Daniel ang tasa ng mainit-init pang kape niya. Pakiramdam niya ay umakyat sa ulo niya ang nainom na kape. Subalit, natiim na lamang niya ang kanyang mga bagang sa sobrang galit niya. Hindi na nga siya pinagbigyan, inalimura pa siya. Kung may sarili sana silang bahay, baka nasampal na niya ang asawa.
Natawa na lamang siya sa kanyang naalala. Kahit paano, mayroon silang pagkakamali sa nangyari. Hindi naman magkakaganun si Lorenzana, kung hindi siya nagmalabis. Tama nga ang kasabihang "Ang lahat ng sobra ay masama." Hindi siya nakuntento sa tatlong pirasong pandesal at isang tasa ng kape.
Sa kanilang pamamahinga, nagpakiramdaman silang mag-asawa. Nakita ni Daniel kung gaano pa rin kaalaga sa anak si Lorenzana. Sinirurado niyang malinis at mabango ang kanilang anak, bago niya ito pinatulog.
Napuspos ng ligaya ang puso ni Daniel, bago niya ipikit ang kanyang mga mata. Pumaling siya sa kaliwa upang siya ay makatulog na. Maya-maya, niyakap siya ni Lorenzana. Dinig na dinig niya ang pintig ng puso nito. Nagpatay-malisya siya, ngunit hindi niya maitatago ang pananabik sa kanyang maybahay. Nais niyang maging buo ang pagmamahal niya rito.
Ang hiling niya sa Diyos ay sana maging maayos na ang pamumuhay nila at ang kanyang kalusugan upang hindi madamay ang relasyon nila sa isa't isa. Alam niyang matutuhan niya ring mahalin si Lorenzana.
No comments:
Post a Comment