Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 2

 Isang oras nang nilalakad ni Daniel ang kalsada pauwi sa bahay ng kanyang ina. Laylay na ang mga balikat at halos matuyot na ang lalamunan niya dahil sa tindi ng sikat ng araw. Nais niyang magsisi kung bakit siya umalis sa tahanan ng kanyang mga biyenan. Ngayon pa ba siya susuko? Gayong hindi lang isang beses na ipinadama sa kanya ni Lorenzana ang panlalamig.

"Tawagin mo na ang Papa mo. Kakain na." Naalala niyang sabi ng asawa noong uuwi siyang kakarampot ang suweldong inuwi niya, dahil ipinambayad niya sa mga utang sa mga katrabaho. Madalas magkasakit ang kanilang anak, kaya halos sa antibiotic lang nauuwi ang suweldo niya.

Mahapdi na ang sikmura ni Daniel. Hindi niya alam kung kakayanin niya pang ihakbang ang kanyang mga paa, pauwi sa bahay, na kanyang iniwan noon upang makisama kay Lorenzana, na siya namang dahilan ngayon upang bumalik siya nang wala sa oras.

"Wala na akong magagawa, 'nak. Panindigan mo siya..." Naalala niya ang mga salita ng kanyang ina, noong nabuntis niya si Lorenzana. "Magsumikap ka na lang para maitayo mo ang pamilya mo. Dapat sana'y napaghandaan mo ang pagpasok mo sa buhay may asawa, ngunit hindi... Ngayong magiging ama ka na, maging responsable ka. Huwag ka nang mamili ng trabaho. Ang mahalaga, mapakain mo ang iyong mag-ina." Hindi maitago ng ina ang mga luha ng pagkaawa.

Hindi na niya mapapanindigan ngayon si Lorenzana. Labis na nadurog ang puso niya. Ginawa naman niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ni halos, isinubsob niya ang kanyang sarili sa trabaho.

"Wala ka nang panahon sa amin ng anak mo," pagtatampo ni Lorenzana, nang dumating siya ng Sabado ng alas-onse ng gabi mula sa overtime at nang ibinalita niyang may pasok sila kinabukasan. "Pati ba naman Linggo ay ipagkakait mo sa amin."

Huminto siya sa paglalakad upang pahupain ang kanyang mabilis na tibok ng puso at amg malakas na paghinga. Nais niya rin sanang mawala ang pagkawala ng kanyang pandinig. Matitiis niya ang hilab ng sikmura at ang uhaw, ngunit hindi ng sakit ng dibdib.

Hinimas-himas niya ang kanyang dibdib upang lumuwag-luwag ito, subalit hindi man lamang naibsan ang paninikip nito. Makakatulong ba ngayon kung sisisihin pa niya ang sarili niya sa pagiging pabaya sa kanyang kalusugan? Noon pa sana niya pinahalagahan ang kanyang mga baga. Huli na ang lahat. Marahil ay masyado nang malala ang pinsala nito, kaya gayon na lamang ang kanyang nararamdaman.

"Mag-vitamins ka, Daniel." Naalala niya ang payo sa kanya ng isa sa mga katrabaho niya. "Sa uri ng trabaho natin, kailangan mo ang resistansiya."

"Saka na, Ate. Kapag nakaluwag-luwag ako. Mas mahalaga para sa akin na may gatas at bitamina ang anak ko," sagot naman niya.

"Naku! Mahalin mo ang sarili mo. Wala namang magmahal na iba sa'yo, kundi ang sarili."

Ngumiti lang noon si Daniel.

"May magmamahal pa diyan kay Daniel," biro ni Felix. "Si Virgie!"

Nagtawanan silang lahat. Namula naman si Daniel.

"Ikaw kasi Virgie, e. Bakit kasi tomboy ang sinamahan mo? Andiyan naman si Daniel. Pareho kayong nangangailangan ng pag-aalaga," tudyo naman ng pinakamatanda sa lahat na si Ate Molly.

Hindi nakasagot si Virgie. Nagkatinginan na lang sila ni Daniel.

Sa kabila ng sakit ng dibdib ni Daniel, nagawa pa rin niyang ngumiti sa mga naalala. Nanghihinayang siya sa kanyang trabaho at sa masayang samahan, kung saan doon siya panandaliang nakakalimot sa mga problema sa pamilya, biyenan, at asawa. Aniya, kung maibabalik lamang niya ang dating hubog ng kanyang katawan at kung hindi sana siya madalas trankasuhin, hindi siya bibitiw sa trabahong nagbibigay naman sa kanila ng magandang sahod. Sayang...

Muli siyang naglakad, kahit pa unti-unti nang nanghihina ang kanyang pandinig, lumalabo ang kanyang paningin, at patuloy na gumuguhit ang sakit sa kanyang kanang dibdib. Kailangan na niyang makarating sa bahay ng kanyang ina, bago pa siya abutin ng hapon.

Kung tutuusin, maaari naman siyang makiusap sa drayber ng dyip para pasakayin siya nang libre, ngunit hindi niya ginawa. Ayaw na ayaw niya kasi ang humihingi ng tulong. Hangga't maaari sosolohin niya ang problema. Sa buong buhay niya, ang kanyang ina lamang niya ang hinihingian niya ng tulong.

"Ano ba? Nagpapakamatay ka ba? Huwag mo kaming idamay!" bulyaw ng jeepney driver na muntik na siyang mabundol dahil sa kanyang biglaang pagtawid.

Tiningnan lamang ni Daniel ang nanggagalaiting drayber. Hindi niya iyon naririnig. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglalakad.

Sa isang carinderia, tumulo ang laway niya sa mga pagkaing nasa istante. At, kinainggitan niya ang lalaking humihigop ng mainit na kape. Ngunit, wala siyang magagawa.

Ilang kilometro na lang ay mararating na rin niya ang bahay ng kanyang ina. Muli siyang humakbang palayo sa aroma ng kape, subalit siya'y nahilo at nagdilim ang paningin.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...