Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 24

 Tumingin-tingin si Daniel sa paligid. Nang masiguro niyang walang tao, naghubad siya ng damit at shorts, saka patakbong lumusong sa dagat. Sa una, nakaramdam siya ng parang dampi ng yelo sa kanyang katawan, pero lumipas ang ilang segundo, kusa itong nawala.

Lumangoy siya palayo. Siguro ay naka-kinse na siyang kampay nang mapagod siya. Nang makapagpahinga, nilangoy-aso naman niya ang pabalik. Sa bandang baybayin, nagbabad siya. Humahangos man siya, ngunit kapansin-pansin ang hindi paninikip ng kanyang dibdib. Nagsilabasan din ang kanyang sipon at plema. Sa mga oras na iyon siya naniwala na maganda raw talaga ang dagat para sa baga ng tao.

Bago siya umahon, lumangoy-langoy muna siya at sumisid. Aniya, "Bukas, lalangoy uli ako."

Sa ilang araw niyang pananatili ni Daniel sa bahay ng kanyang toiyo, nanumbalik ang gana niyang kumain, palibhasa kasi sagana sa pagkain doon. Sinisipagan niya lang ang pagluluto, na hindi niya nagagawa sa bahay ng kanyang mga biyenan.

"Umuumbok na ang mga pisngi mo, Dandan," pansin ni Ate Remy sa kanya, habang nagmemeryenda sila.

Muntik pang mailuwa ni Daniel ang nahigop na kape nang marinig iyon. Natawa pa nga ang pinsan niya.

"Oo nga! Tingnan mo sa salamin. Lubog na lubog ang pisngi mo nang dumating ka."

Seryoso ang pagkakasabi niyon ni Ate Remy, kaya gustong makumpirma ni Daniel. Simula nang nakita niya ang kanyang sarili sa salamin ng banyo nila, ito lang ang susunod niyang pananalamin. Ang totoo, nagkaroon siya ng takot sa salamin dahil doon. Ngayon, muli niyang haharap sa salamin.

Hinipo pa niya ang kanyang pisngi habang nakatingin sa repleksiyon ng sarili sa salamin. Tinangnan niya iyon sa mga mata. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan niyon sa kanya.

"Oo nga, 'te!" masayang sambit ni Daniel nang bumalik siya sa mesa.

"Sabi ko sa'yo, e. Alam mo? Dito ka na lang mag-work. Marami rin namang puwedeng apply-an dito. Huwag ka na doon sa Manila... para bumalik na ang dati mong katawan."

Nginitian lang ni Daniel ang pinsan. Hindi niya kasi alam kung ano ang dapat gawin.

Kapansin-pansin ang paglakas ng gana niya sa pagkain. Kung noon ay halos hindi niya maubos ang isang serving, ngayon, nakakadalawa at kalahati siya. Medyo, napapalakas rin ang kanyang pagkape—less sugar nga lang. Nasanay na siya sa kapeng matabang. Parang ang pagkalayo kay Lorenzana, nasayang na rin siya. Kung hindi nga lang kay Baby, baka tuluyan na niyang makalimutan ang asawa. Gayunpaman, nais niyang subukang muli ang mahalin siya. Ang kanyang pagpapalakas ay para sa kanyang mag-ina, higit lalo kay Baby. Nais niyang mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang anak. Pangarap niyang makakuha ng hiwalay na tirahan. Ayaw na niya ang nakikipisan sa kanyang mga biyenan. Kaya, plano niya sa kanyang pag-uwi sa Manila ay maglalaan siya ng oras at tiyaga sa paghahanap ng trabaho na akma sa kanyang pinag-aralan.

"Dandan," tawag-bati ni Celso, ang kababata ni Daniel.

"Uy, Celso! Kumusta?" Nakipag-fist bump pa siya.

"Heto! Hamak na CW lang." Ngumiti si Celso.

Nakakunot-noo naman si Daniel. "CW?"

"Oo. Construction worker!" Marahang sinuntok pa siya ni Celso sa braso. "Ikaw, nakapag-aral ka lang sa Manila, kinalimutan mo na ang mga pangmahirap na trabaho."

"Hindi naman. Naapektuhan lang siguro ako sa ilang araw kong pagkakasakit. Napatigil tuloy ako sa trabaho nang 'di oras. Pang-mahirap na trabaho rin 'yun."

"A, kaya pala, medyo pumayat ka. Ano bang trabaho mo doon? Dito ka na ba uli?"

Kumamot muna ng ulo si Daniel. "Hindi. Nagpapalakas lang ako. Humina kasi ang baga ko."

"Ayos 'yan. Gusto mo bang kumita ng extra? Naghahanap si Boss ng tauhan."

Habang nag-iisip si Daniel, tiningnan niya ang katawan ng kaibigan. Bato-bato ito. Ang layo ng agwat nila. Naisaloob niyang hindi niya kakayanin. Baka lalong manikip ang dibdib niya.

"Ano? Bukas ng umaga?" untag ni Celso.

"Kaya ko ba?"

"Lalaki ang katawan mo doon. May mas payat pa nga sa'yo nang pumasok. Ngayon, maskulado na. Ano, game?" Nag-thumb up pa ang kaibigan ni Daniel.

'Sige, par. Bukas. Daan mo ako dito, ha?"

"Oo, par! Akong bahala!" Nakipag-apir pa si Celso bago siya nagpaalam kay Daniel.

Abot-langit naman ang kaba ni Daniel sa desiyon niya. Ang isip niya ay nagsasabing kaya niya, pero nagdududa siya sa kakayahan ng katawan at baga niya. Napabuntong-hininga na lamang siya. "Para kay Baby, kaya ko 'to!" aniya sa kanyang isip. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...