"Ney, my perA kb jan? Iko-confine c Baby." Alas-tres na ng hapon nang nabasa ni Daniel ang text ni Lorenzana. Alas-una pa iyon nai-send.
Hindi mapakali ang ama. Halos hindi niya mai-shoot sa balde ang hinalong semento at buhangin. Nabulyawan na nga siya ng foreman.
"Dan, may problema ba?" Tinapik pa ni Celso ang balikat niya. "Chicks ba?" Tumawa pa ito.
"Pautang, par..." seryosong sagot ni Daniel.
"Pautang ina!" Mas lumakas ang tawa ni Celso. "Ako pa talaga ang inutangan mo. Bakit nga ba?"
"Nasa hospital ang anak ko. Tae-suka, par."
Biglang nawala ang smile line sa mukha ng kaibigan. Pareho na silang malungkot. "Mahirap 'yan, par. Diyan namatay ang panganay ko. Na-dehydrate siya."
Dumagundong ang puso ni Daniel. Nanginig rin ang mga laman niya. Hindi niya kayang tanggapin ang bagay na iyon.
Hindi siya kumibo. Napansin iyon ni Celso.
"Par, pasensiya ka na... Gipit din ako. Pero, pero... masasamahan kita kay boss. Nagpapautang yun, lalo na kapag ganyan..."
Tiningnan lang ni Daniel ang kaibigan. Tapos, umiling-iling siya. "Huwag na, par. Okay lang. Kay Ate Remy na lang ako manghihiram."
"A, oo! Kay Ate Remy nga!"
Akala ni Celso ay guminhawa na ang loob ni Daniel. Hindi pala. Gusto na niyang umuwi para matawagan niya si Lorenzana. Hindi sapat ang makapagpadala siya ng pera. Nais niya sanang makita, mayakap, at maalagaan man lamang ang anak.
Nagmadali siyang umuwi pagkatapos ng trabaho. Agad siyang nagtimpla ng kape. Instant 3-n-1 coffee ang tinimpla niya. Gusto lamang kasi niyang maaliw sa artipisyal na bango nito na parang kung paano niya nais na ikubli sa mga kamag-anak, na kanyang tinutuluyan, ang kanyang pait na nararamdaman.
Mabilis na naibsan ang mabigat niyang nararamdaman, subalit mabilis ding naglaho.
Hinirap niya ang bisikleta ng kanyang pamangkin at pinaharurot ito palayo sa maingay na tahanan ng kanyang tiyuhin. Natagpuan niya ang sarili sa simbahan. Doon ay lumuhod siya at nagdasal sa Panginoon.
"Lord, iligtas mo ang aking anak. Pagalingin mo po siya. Tulungan Niyo po kaming mag-asawa. Tulungan Niyo po ako. Patawad sa mga kasalanan ko..." Yumugyog ang kanyang balikat.
Hindi agad umuwi si Daniel. Sa isang bench sa may gilid ng simbahan siya namalagi. Paulit-ulit niyang binasa ang mga text messages ng asawa. Paulit-ulit rin siyang lumuha.
"O, Diyos ko, kay hirap po nito. Masakit po sa loob ko na wala ako sa tabi ng anak ko. Ni wala akong hawak na pera para umuwi doon... Diyos ko... Diyos ko, bigyan Mo po ako ng pag-asa na malampasan ko, namin ang lahat ng ito..." tahimik niyang dasal.
Alas-siyete y medya na nakauwi si Daniel. Noon niya lang din naisipang mag-load at tawagan si Lorenzana.
"Hello? Kumusta na si Baby?" nag-aalalang tanong ni Daniel sa asawa.
"Kakapalit ko lang ng diaper niya. Pumu-poo na naman. Kanina, sumuka. Heto, nakadalawang dextrose na siya, mula kanina."
Ramdam ni Daniel ang paghihirap ni Baby at Lorenzana sa mga sandaling iyon. Naririnig niya rin ang paimpit na boses nito. Halata niyang itinatago lamang ng asawa ang pag-iyak.
"Sana nandiyan ako para dalawa tayong mag-aalaga ka Baby..."
"Sana nga, Daniel... Sana nga."
"Pasensiya na, Beh, hindi ako makakauwi. Pero, huwag kang mag-alala, humahanap ako ng peara paea ipadala ko sa'yo bukas. Next week pa kasi ang sahod ko..."
"Salamat, Ney! Malaking tulong ang ipapadala mo." Bumuntong-hininga muna si Lorenzana. "Walang-wala kami ngayon. Nakasimangot na naman si Mama. Kulang na lang, sabihin niyang pabigat na nga kami, sakitin pa ang anak natin..."
Lumabo ang paningin ni Daniel dahil sa luha na tumakip sa kanyang balintataw. Tila nabalot ng pagkahabag ang puso niya. Awang-awa siya sa kanyang mag-ina. Nais niya pang sisihin ang sarili dahil sa mga nangyayari.
"Hello, Dan? Hello?"
"Hello..." Gumaralgal ang boses ni Daniel. "Kapit ka lang, Beh. Nandito lang ako. Kapit lang. Kaya natin 'to. Makakaahon tayo. Alam kong hindi tayo habambuhay na ganito..."
"Uwi ka na, Ney. Uwi ka na. Hinahanap ka ni Baby..."
Pinindot na niya ang cellphone. Hindi na niya kayang pigilan ang mga luha niya. Paimpit siyang tumangis. Sumikip ang kanyang dibdib, pero agad ding nawala nang kumalma siya.
"Be strong, Beh. I luv U both!" Pinilit niyang i-send ang text message na ito sa gitna ng kanyang pag-iyak.
No comments:
Post a Comment