"Pasensiya ka na, Sandy, kung ngayon lang kita nai-treat," ani Daniel sa kaibigan. Nasa mamahaling coffee shop sila. "Alam mo naman... medyo nahirapan akong nagbayad ng mga utang."
"It's okay! No problem."
Saglit na natahimik ang dalawa. In-enjoy muna nila ang kani-kanilang malamig na kape.
"So, naka-adjust ka na ngayon sa financial crisis mo?"
"Medyo. Medyo gumaan na ang buhay namin. It's a big help talaga."
"That's great. I'm sure, ang kasunod niyan... kasalan," biro ni Sandy. Lumabas ang pagka-feminine nito.
Ngumiti nang napakatamis si Daniel. "Oo. Pag-iipunan ko na. Kailangan, bago mag-aral si Baby, kasal na kami."
Umubo kunwari si Sandy. "Best man ako, ha?"
"Siyempre naman. Ikaw pa." Nakipag-fist fight pa si Daniel.
Sobrang saya si Daniel nang umuwi siya sa bahay ng kaniyang mga biyenan, pero napalitan iyon ng labis na kalungkutan at kabiguan. Si Lorenzana ay isa na namang malamig na kape. Ni hindi nga siya hinainan ng hapunan. Hinayaang na lamang siyang kumain mag-isa dahil antok na raw siya.
Nang makakain, nagpahinga lang siya at nag-half bath. Nais niyang humingi ng sorry sa asawa. Alam niyang nagtatampo ito dahil hindi siya nakapagpaalam nang maaga na lalabas sila ni Sandy.
"Beh, ready na ako..." ani Daniel. Tumabi siya kay Lorenzana. Hinaplos niya ang braso nito.
Suminghal si Lorenzana.
"Sorry. Biglaan ang lakad namin. Tumatanaw lang ako ng utang na loob." Pagkatapos niyon, lumayo siya sa asawa.
Hindi naman siya agad na nakatulog. Naisip niyang maliit na bagay lamang ang pagkakamali niya. Kung tututuusin, hindi dapat nagagalit si Lorenzana dahil anumang ginhawa ang natatamasa nila ngayon, si Sandy ang dahilan niyon.
Pinalampas ni Daniel ang panlalamig ni Lorenzana. Gayunpaman, patuloy siyang nagpapakabuting ama at asawa. Iniwasan niya ang mga bagay na ikakagalit o ikatatampo nito. Ngunit, isang gabi, aksidenteng nagising siya sa mahinang tunog mula sa cellphone ng asawa. Kinuha niya ito at binasa ang mensahe. Isang quotation mula sa isang kaibigan ang nabasa niya. Io-off na sana niya ang unit, pero naisipan niyang magbukas pa ng ibang mensahe. Ang isang unnamed contact number ang nakakuha ng atensiyon niya.
"I love you, mahal. Good night," sabi dito. Naisip niyang wrong send ito. Subalit nang mabasa niya ang pangalan niya at nakumpirma niyang matagal na silang nagte-text, naniniwala siyang may kalaguyo si Lorenzana.
Hindi na niya naituloy ang pagbabasa. Ang dalawang mensahe lang ay sapat na upang isuka niya asawa. Hindi na niya kayang malaman kung sino o kung paano o kung bakit...
Isang malakas na sampal ang tila natanggap niya. Pakiramdam niya ay unti-unting nadudurog ang puso niya. Kasunod niyon ay ang pagguho ng mga pangarap niya para sa kanilang tatlo.
Tumutulo ang luha niya nang hagkan niya ang noo ni Baby. "Bukas, hindi mo na ako masisilayan, anak. Patawad... patawarin mo ako. Patawarin mo ang iyong ina. Pagdating ng panahon, mauunawaan mo rin ang lahat. Sana, huwag mo akong kamuhian," sabi niya sa kanyang isip. Kung maririnig at mauunawaan lamang siya ng kanyang anak...
Kinabukasan, maagang naligo si Daniel. Hindi na niya ininom ang kapeng itinimpla ni Lorenzana para sa kanya.
"Nagmamadali ako. Hindi ko maiinom 'yan," malamig niyang paalam sa asawa.
"A, sige. Pero, bakit andami mong dala?" Nakita ni Lorenzana na may malaking backpack si Daniel sa likod at may hawak pang maliit na maleta.
"Biglaan din... May out-of-town ang engineering team." Tumalikod na siya. Hindi na hinintay pa ang sasabihin ni Lorenzana. Mas malamig na kape siya ngayon kaysa sa asawa.
Pagtalikod ni Daniel, narinig niyang umiyak si Baby, kaya agad na pumasok si Lorenzana. Noon lamang tumulo ang mga luha niya. Hindi niya iyon ikinahiya habang naglalakad siya patungo sa sakayan ng dyip.
Hindi pumasok si Daniel sa opisina. Tumuloy siya sa bahay ni Mommy Nimfa. Doon ay naabutan niya rin ang kanyang mga kapatid.
"Diyos ko naman, anak? Bakit mo ginawa iyon?" mangiyak-ngiyak na tanong ng ina nang sabihin niyang ikakasal na siya sa girlfriend niya.
"Paano si Lorenzana? Akala ko naman, for good na ang relasyon ninyo." Hindi malaman kung natutuwa ba o nalulungkot si Doreena.
"Kuya, paano na si Baby? Puwede bang kunin natin siya? Ako ang mag-aalaga," pag-aalala ni Donald.
Tiningnan ni Daniel isa-isa ang tatlo. Lumunok siya ng laway. "Tanggap na niya. Tanggap ko rin na hindi niya ibibigay si Baby. Inalis na niya ang karapatan ko bilang ama. Kasalanan ko..."
Nagulat at nahabag ang tatlo. Tumulo ang mga luha ni Mommy Nimfa. Nagpakatatag naman si Daniel. Hindi pumatak ang mga luha niya. Pakiwari niya, wala na siyang mailuluha.
Pagkatapos ng mahabang paliwanagan, natanggap na ng tatlo ang nangyari. Pinayuhan nila si Daniel at pinangakuang tatanggapin ang kasintahan niya nang buong-buo.
"Kailan mo ipakikilala sa amin," tanong ng ate. Kalmado na noon ang lahat.
"Wait lang. " Kinuha niya ang kanyang cellphone at kunwari ay itinext ang girlfriend. Sa halip, si Lorenzana ang tinext niya.
"My prblma b tyO?" isa sa mga text ni Lorenzana, na nabasa niya. Ang dalawa ay nagtatanong uli kung ano ang problema. Ang pangatlo ay may kasamang, "D nman aq mnghu2la..."
Hindi na nakatiis si Daniel. "Oo. Alam mo 'yan. May mahal ka nang iba."
Noong una'y dineny ni Lorenzana ang paratang ni Daniel,pero nang sabihin niya na nabasa niya ang mga text, umamin na ito. "Oo, mtgal n. Alm nga nla d2. Ayucn ntn 2..."
Hindi na napigilan ni Daniel ang pagpatak ng kanyang mga luha. Agad niya itong pinahid at nag-text. "HnDi na. ikkasal n aq."
Matagal bago nakapag-reply si Lorenzana. Humihingi ito ng tawad, pero hindi na nag-reply si Daniel. Para sa kanya, mas maiging siya ang lumabas na masama kaysa ang asawa niya ang masiraan ng reputasyon. Nais niya ring itama nito ang pagkakamali. Aniya, kung gusto niyang sumama sa lalaki niya, sumama siya. Pero, hinding-hindi na sila maaaring magsama bilang mag-asawa at bilang isang pamilya. Hindi lang basta lumamig ang kape, ang tasa mismo ay basag na. Hindi na maaaring timplahan ng kape—mainit man o malamig. Sira na ang pangarap niyang maging isang masayang pamilya.
"Mgppklyo-lyo kmi. D mo n mkkkta ng ank mo." Iyan ang huling text ni Lorenzana.
Nanlambot ang kanyang mga tuhod, habang paakyat siya sa kuwarto. Hindi na niya nakayanan ang sakit. Humagulhol siya sa restroom ng kuwarto ni Donald, habang malakas ang buhos ng shower.
Hindi alam ni Daniel kung kakayanin niyang hindi makita si Baby. Siya ang lakas niya. Siya ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon. "O, Diyos ko, tulungan Mo ako," nasambit niya.
Kinabukasan, pumasok na si Daniel sa opisina. Walang nakaalam sa nangyari, kahit si Sandy. Ang dinahilan niya sa kanyang absent ay ang pagsakit ng kaniyang tiyan.
Hapon. Hindi namalayan ni Daniel na patungo siya sa way ng bahay ng kanyang mga dating hilaw na biyenan. Natawa siya sa kanyang sarili. Nakalimutan niyang hindi na nga pala siya bahagi ng pamilyang iyon. Binasag na ni Lorenzana ang tasa ng kape niya.
Matagal din bago natanggap ni Daniel ang katotohanan. Kahit paano, unti-unti na niyang nakakaya ang pagka-miss niya kay Baby. Tanging mga larawan lamang nito ang nakakabawas ng kaniyang pagod at kirot. Gayunpaman, hinding-hindi mawawala sa puso niya ang kaniyang nag-iisang anak. Samantala, si Lorenzana ay isa na lamang nakaraan.
Isang araw, dumaan siya sa Café Perry-Rina. Na-miss niya ang coffee shop na iyon. Doon, nag-order siya ng black coffee. Gusto niyang sanayin ang sarili sa maitim at mapait na kape.
Habang iniinom ang mainit na kape, nakikinig siya sa spoken word poet na nagpe-perform sa entablado. Natawa siya nang maalala na minsang bumigkas rin siya ng tula doon.
"Sir, excuse me po," bati ng magandang dalagang crew. "Nais niyo po bang mag-perform? Free na po ang order niyo."
Kumurap-kurap si Daniel nang magtama ang kanilang mga mata. Nabulol pa siya. "M-miss Nathalie... kapag nag-perform ba ako at nagustuhan niyo, maaaari ba kitang i-date, instead ng free coffee?"
"Po?" Luminga-linga pa ang dalaga. "Sir, hindi ko po alam, e... Itata..."
"No. I'm just kidding..."
Isang matamis na ngiti ang ipinasilay ni Nathalie kay Daniel.
"One thing is for sure, mapapadalas ako rito, Nathalie, I mean, Miss Nathalie... Ako nga pala si Daniel. Can I order another cup of coffee?"
"Yes, Daniel, I mean, Sir... Ano po ang preference niyo?"
Napapangiti at nakatingin sa maamong mukha ng dalaga, habang kunwaring nag-iisip si Daniel. "Natikman ko na ang mainit at malamig na kape. Mayroon ba kayong something new to offer?"
Napakurba ang mukha ni Miss Nathalie. "Something new?"
"Oo. Ang kapeng hindi ako masasaktan at iiwan. Kapeng mamahalin ako. Ang kapeng habambuhay kong makakasama. "
"Hugutero ka po, Sir..." Natawa si Nathalie. Tila kinilig pa ito. "Wait lang, isusulat ko. Pagkatapos, iniwan niya kay Daniel ang menu book at ang kapirasong papel.
Napangiti si Daniel nang mabasa niya ang nakasulat doon.
No comments:
Post a Comment