Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 19

 


"Magbabakasyon po ako sa Batangas,"pagbubukas ni Daniel ng usapan sa ina nang naghahapunan na sila.

Saglit na natigilan si Mommy Nimfa. "Nag-usap na ba kayo ni Lorenz?"

Sumubo muna si Daniel at nginuya niya iyon upang pag-isipan ang isasagot sa ina. Naguguluhan siya, pero alam niyang makakabuti para sa kanya ang kanyang desisyon. "Nahihiya na po ako sa mga biyenan ko. Gusto ko rin po sanang makalanghap ng sariwang hangin at tubig-dagat. Makakabuti po kung mag-stay ako doon kahit isang buwan, hanggang sa mabawi ko ang dati kong lakas at katawan."

"Pagkatapos ba noon, maaayos mo na ang buhay at relasyon mo sa kanya?"

Muling natigilan si Daniel. "Siguro po."

"Anak, hindi puwede ang ganyan. Isipin mo na lang si Baby. Hindi sa hinahadlangan ko ang gusto mo, pero sana... sana maayos mo ang lahat. May pagkukulang ka rin talaga sa iyong mag-ina. Oo, may kakayahan akong buhayin ka dahil sa pension na tinatanggap ko mula sa iyong ama, pero hindi iyon ang tama..."

"Mommy, pinilit kong maging responsableng ama..."

"Daniel, tulungan mo si Lorenzana na tulungan ka. Sabihin mong malaki ang posibilidad na makaalis agad siya."

"Ayaw niya po, Mommy! Ayaw niyang iwan si Baby sa pangangalaga ko." Gusto na niyang umiyak sa harap ng ina. Pinigilan niya lang.

"Naunawaan ko siya... Hindi natin siya maaaring piliting magtrabaho. Ikaw nga ang dapat na kumilos."

Pagkatapos nito, natahimik ang mag-ina. Nagpatuloy sila sa paghahapunan.

Lalo yatang bumigat ang pakiramdam ni Daniel. Sa palagay niya, hindi nakatulong ang ina. Handang-handa na ang mga gamit niya para sa kanyang pag-uwi sa Batangas.

"Mommy, kumusta po pala ang lakad niyo? May bibili na po ba ng lupa natin?" tanong ni Daniel sa ina, habang naghuhugas ito ng mga pinagkainan.

"Namahalan siya, anak, sa presyo ko."

Nadismaya si Daniel. Akala niya ay makakapagsimula siya ng kahit isang maliit na negosyo.

"Okay lang naman 'yon. Hindi natin puwedeng ipakita sa buyer na kailangang-kailangan natin ang pera. Tatagain niya tayo sa presyo."

"Opo. Hindi po promo ang lupa natin,"sang-ayon ni Daniel. Kahit paano ay nabawi niya ang kabiguan. "Naisip ko ngang itira na lang doon ang mag-ina ko. Sayang po kasi ang lupa natin."

"Iyan ang pinakamagandang bagay na maaari mong gawin, Daniel. May lupa tayo na maaari niyong pagsimulan."

Lihim na natuwa si Daniel. "Galing po ako kanina kina Lorenzana. Alam niyang bukas ay papunta ako sa Batangas."

Tiningnan ni Mommy Nimfa ang anak. "Alam ko ang pinagdadaanan mong pait. Ito na lang siguro ang maitutulong ko sa'yo... Sige, lumagi ka muna roon. Ako na ang bahala sa mag-ina mo."

"Salamat po!" Gustong lumandag ng puso niya dahil sa tuwa.

"Tandaan mo lang, ang pamilya ay pamilya. Anumang pait ng buhay, pamilya pa rin ang makakaagapay mo. Ingatan mo ang iyong mag-ina."

"Opo. Siyempre po! Mahal na mahal ko si Baby. Siya ang nagbibigay ng tamis sa aking kape."

Marami nang napag-usapan ang mag-ina nang dumating si Donald. Agad na ipinabasa nito ang text messages ni Lorenzana para Daniel.

"beh, my pera k p b? anjn n b si mami? my lagnat c baby. nid kong ipacheckup," sabi ni Lorenzana sa text. Alas-sais pa ng hapon iyon na-sent sa number ni Donald.

Biglang naglaho ang excitement ni Daniel dahil sa nabasa. Pakiwari niya'y hinahadlangan ang pag-alis niya ng mga problema.

Kinabukasan, umuwi siya kina Lorenzana. Agad niyang niyakap si Baby. May sinat nga ito. Awang-awa siya sa katamlayan ng anak.

"Baka may pilay siya," ani Daniel. Gusto niyang sisihin si Lorenzana. Naisip niyang baka napabayaan niya ang anak, dahil sa dami ng gawaing-bahay. O baka nasaktan o napilayan dahil sa mga pinsang kalaro.

"Alagang-alaga ko si Baby, Daniel. Alam mo 'yan."

"Bakit ganito? Noong isang linggo lang, may ubo't sipon na siya. Halos napunta na nga sa doktor at antibiotic ang suweldo ko."

"Sinasabi mo bang pabaya akong ina? My God, Daniel, tingnan mo nga ako. Halos lusyang na ako sa bahay na ito at sa anak mo. Minsan ba ay narinig mo akong magreklamo?"

Hinipo-hipo uli ni Daniel ang leeg at noo ni Baby. "Iuuwi ko muna siya kay Mommy. Bihisan mo siya?"

"Bakit?" maang ni Lorenzana.

"Para makapagpahinga ka. Para gumaling siya. Nai-stress ang bata dahil andami nating nakatira sa bahay na ito."

Tiningnan at pinakinggan nga ni Lorenzana ang paligid. Maingay at magulo nga dahil sa kanyang mga pamangkin. "Dito ba, hindi gagaling si Baby?"

"Basta! Bihisan mo siya!" Napalakas ang boses ni Daniel.

"Ayaw ko! Dito lang siya. Kung ayaw mong magbigay ng pampa-checkup, e, 'di 'wag!" Binulyawan an rin siya ni Lorenzana, bago tinalikuran.

Kumuha naman ng damit si Daniel at binihisan ang anak. Nang matapos, saka namang pagpasok muli ni Lorenzana sa kuwarto.

"Akin na si Baby. Hindi mo siya puwedeng dalhin!" ani Lorenzana. Matigas na ang boses niya.

Inilayo ni Daniel si Baby sa ina, habang karga ito. Nang ayaw niyang ibigay kay Lorenzana, isang malakas na sampal ang nagpahinto sa kanilang dalawa.

Pareho silang nagitla. At, tila natauhan si Daniel.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...