Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 32

 


"Saan ka ngayon?" tanong ni Lorenzana, habang hinahalo niya ang kapeng tinimpla para kay Daniel.

"Sa engineering office ng city hall. Diyan pala nagtratrabaho ang schoolmate ko sa college. Si Sandy Ocampo." Inabot niya ang tasa ng kape mula sa asawa.

"O? Ayos 'yan, beh."

Nasilayan ni Daniel ang pinakamagandang ngiti mula sa asawa. Matagal-tagal na panahon ding hindi niya iyon nasilip. "Oo. Sana maging okay ang interview ko ngayon." Humigop siya ng kape.

"Sana..."

"Hmm... Ito na ang pinakamasarap na kapeng natikman ko sa buong buhay ko, beh!"

"Wee? Bolero ka..." Nag-blush si Lorenzana, lalo na nang hinapit ni Daniel ang baywang palapit sa kanya.

"Totoo nga. Ibang-iba ngayon ang lasa ng kape. Salamat! Nakaka-inspire tuloy maghanap ng trabaho."

"Siyempre... Masarap kasi ang pasalubong mo sa akin..."

Nagtawanan ang mag-asawa. Mabuti na lamang at walang nakarinig na mga kasamahan nila sa bahay. Si Baby naman ay natutulog pa.

"Goodluck, beh," masuyong paalam ni Lorenzana. "I claim it. Maha-hire ka."

"I agree. Kapag nangyari iyon, magagamit ko na rin kahit paano ang course ko. Hindi na ako CW."

"Anong CW?"

"Construction worker."

Umirap si Lorenzana, samantalang halos mawalan ng hininga si Daniel dahil sa katatawa.

"Hay, naku! Andami mong knows. Sige na. Larga na. Galingan mo doon. Isipin mo si Baby."

"Opo, mahal na reyna. Hindi lang mamahaling gatas ang mabibili ko kapag may magandang trabaho na ako..."

"Ano pa? Bahay?"

"Hindi."

"Ano nga?" maang ni Lorenzana.

"Ibibili kita ng maraming kape."

"Corny! Uwian na. May nanalo na."

"Serious ako. Masarap ang kape mo kanina? Ilang araw mong pinag-aralan iyon?"

"Buwisit ka! Umalis ka na nga. Bye!" Mabilis na hinalikan niya sa mga labi si Daniel, kasunod ang pagtunog ng kanyang hawak na cellphone.

Nakita ni Daniel ang pag-aalangang sagutin ng asawa ang tawag. "Sige na. Kiss mo ako kay Baby paggising niya. Bye! I love you, beh!"

Kumaway na lamang si Lorenzana at agad na pumasok sa bahay.

Sa dyip, hindi maiwasang mapakinggan ni Daniel na usapan ng dalawang babae.

"Ano ka ba, mars? Kung kaya ng mga lalaki, kaya rin natin," sabi ng isang ale, na may kulay ang buhok. "Ipakita mo sa kanya na kaya mo rin ang ginagawa niya."

"Oo, pero mas masakit iyon para sa kanya," ani naman ng isa, na medyo may edad kaysa sa isa.

"Naku! May gender equality na ngayon. Pare-pareho lang ang dulot na sakit ng pagiging unfaithful."

Alam niya ang pinupunto ng dalawa. Bumalik sa kanyang alaala ang kagustuhan niyang iwanan si Lorenzana. Mabuti na lang, hindi niya nagawa.

Pagbaba niya sa dyip at pagharap niya sa gusali ng city hall, tila binati siya ng Diyos sa kanyang tagumpay. Kay ganda ng pakiramdam niya. Kay saya ng paligid.

Humarap siya sa interviewer, pagkatapos nilang mag-usap ni Sandy. Ginalingan niya ang pagsagot sa mga tanong. Sinigurado niyang mai-impress ito.

"Starting tomorrow, you'll be a part of engineering office, Daniel." Kinamayan pa siya ni Engr. Danquero.

"Thank you, Sir!"

"See you tomorrow."

"See you, Sir!"

Maluha-luhang nagpasalamat si Daniel kay Sandy.

"Saka mo na ako ilibre ng kape," biro ni Sandy.

"O, mahilig ka rin pala sa kape?"

"Oo. I can consume 8 cups of coffee a day."

"What? Alam mo bang 1 to 6 cups a day lang ang healthy?"

"Oo. I know. But, it's my life. Kapag itinigil ko ang pagkakape, it can kill me."

Nagtawanan ang dalawa.

"O, siya, I gotta go. Bukas na tayo mag-bonding. Salamat uli."

"Welcome!"

Parang lumilipad si Daniel sa ligaya. Umuwi siyang punong-puno ng pag-asa ang kanyang puso. Pakiramdam niya, tumaas ang tingin sa kanya ng kanyang family-in-law, na actually ay hilaw pa. Hindi pa kasi sila kasal ni Lorenzana. Naramdaman niya rin ang mainit na pagmamahal at pag-aasikaso ng asawa. Inasam niya na magpatuloy na ang kanilang magandang relasyon, gayundin ang kanyang trabaho.

Nang ibalita niya sa kanyang ina, siyempre, higit ang kanyang ligayang nadama. Ani Mommy Nimfa, "Ang taong may pagmamahal sa pamilya ay binibiyaan ng Panginoon. Ipagpatuloy mo lamang ang paggawa ng mabuti..."

Inspired si Daniel sa bawat araw niyang pagpasok, lalo na kapag inihahatid siya ng kanyang mag-ina sa pagsakay sa dyip. Ang mga ngiti lamang nila ay sapat na upang maging determinado siya sa pagtratrabaho. Hindi niya rin ipinapakita kay Lorenzana na nahihirapan pa siya sa kanyang tasks sa opisina. Alam niya kasing hindi pa siya nakakapag-adjust.

May panahon pa siya sa kanyang mag-ina. Nakakapaglaro pa sila ni Baby at natuturuan pa niya ito.

Sa unang sahod ni Daniel, naibili niya ng mamahaling gatas ang anak. Naipamili niya rin ang kanyang mag-ina ng kanilang mga pangangailangan. Sa unang pagkakataon, malayang nakapili si Lorenzana ng mga nais niyang bilhin sa grocery at department store. Nakapagbigay din siya ng budget para sa bahay.

Lumipas ang mga araw at buwan, nag-iba ang buhay nila. Sumagana sila. Nakakatulong na si Daniel sa kanyang mga in-laws, gayundin sa kanyang ina at mga kapatid.

"Kuya, kape muna." Inabot ni Donald ang isang tasa ng mainit na kape.

"Salamat!" Inaamoy niya ang usok niyon, bago humigop. "Sarap! Puwede ka nang mag-asawa."

"Huwag mo muna akong inggitin, Kuya. Aral muna, 'di ba, sabi mo noon."

"Siyempre, nagbibiro lang ako."

Saglit na natahimik ang dalawa.

"Sorry nga pala doon sa mga nasabi ko sa'yo," simula uli ni Donald.

Tiningnan muna ni Daniel ang kapatid. "Okay lang 'yon. Kalimutan na natin ang nangyari. Mahal natin pare-pareho si Daddy. And, aminado akong nagkamli ako. Kaya, heto ako... bumabawi."

"Yes, Kuya... Kaya mo 'yan. Proud na proud ako sa'yo." Nakipag-fist fight pa si Donald kay Daniel.

Alas-onse na ng gabi nang makauwi si Daniel mula sa bahay ni Mommy Nimfa. Akala niya'y tulog na si Lorenzana. Gising pa pala. May ka-text ito.

"Beh, akala ko'y hindi ka na uuwi at doon ka na manggagling bukas sa pagpasok mo sa office?" gulat na bati ni Lorenzana.

"Hindi ko kayang hindi makatabi si Baby, e. Miss na miss na rin siya ni Donald..."

"Asus!" Itinago niya ang cellphone sa ilalim ng unan. "Kumain ka na, I'm sure."

"Oo. Iba ang gusto kong kainin... sana."

Kumurba ang mga ginuhitang kilay ni Lorenzana. "Hay, naku, Daniel, tumigil ka. Pagod ako sa kaaalaga kay Baby. Matulog na tayo." Tumalikod na siya.

Walang nagawa si Daniel, kundi ang matulog.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...