Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 3

 


"Iho, saan ka ba patungo?" tanong ng ale kay Daniel, na siguro ay senior citizen na. Pinapaypayan siya.

Inikot ni Daniel ang paningin niya. Nasa harapan niya ang mga customer Nasa tabi siya ng karinderya, nakaupo sa monobloc.

"Nawalan ka ng malay kanina diyan sa tapat," ang hula ni Daniel siya ang may-ari ng carinderia dahil naka-apron ito na may bulsa sa harapan-- lagayan ng pera.

"Salamat po sa inyong lahat!" Kinapa-kapa niya ang kanyang ulo, batok, at balikat. Hindi naman masakit.

"Mukhang hindi ka pa nananghalian. Tama ba ako?" tanong naman ng mama na may hawak na baso ng tubig.

"Opo," pakli ni Daniel. Ramdam na ramdam na nga niya ang pagkulo ng sikmura niya.

"O, tubig. Uminom ka muna."

Sige po.... Pero, gusto sana ng kape. Wala lang akong pera... "

"Naku, iho, huwag na huwag kang magkakape kapag gutom ka," sabi ng lola. Paypay pa rin ito nang paypay.

"Bakit po?" maang ni Daniel.

"Acid ang kape, 'di ba?"

Tumango na lamang si Daniel, kahit hindi siya kumbinsido. Mas gusto niyang uminom ng kape. Para bang ito ang makakapagpalakas at makakapagdala sa kanya tungo sa paglimot.

Marami pang maging tanong sa kanya ang mga tumulong para magkamalay siya. Naipagtapat tuloy niya ang nangyari. Binigyan pa siya ng may-ari ng isandaang piso para makauwi na agad siya, pagkatapos niyang tanggihan ang alok nitong kumain muna siya. Para sa kanya, sapat na ang pamasaheng iniabot sa kanya. Gusto na niyang makausap ang ina. Gusto na niyang magsumbong. Sigurado siyang mapapasarap na naman ang kuwentuhan nila, habang nagkakape.

Masayang nagpaalam si Daniel sa lahat ng naroon sa carinderia, bago siya pumara ng dyip. At habang nasa biyahe, napagtanto niyang marami pa ring kapwa ang may mabubuti ang kalooban.

Kung gaano katagal siyang naglakad kanina sa kalsada, ganoon naman kabilis ang pagdating niya sa tapat ng pulang gate sa tahanang kanyang kinalakhan.

Mula sa labas ng gate, tanaw na tanaw ni Daniel ang kanyang ina, na nasa balkonahe—nakatanaw sa kanyang hardin.

Gustong umurong ng mga paa niya. Kumabog bigla ang puso niya. Handa na ba siyang aminin sa kanyang ina ang totoong kalagayan niya?

Saglit siyang luminga-linga, nag-isip, at saka humugot ng lakas ng loob.

Umingit ang gate.

"Daniel?" tanong na bati ni Mommy Nimfa.

Nagtagpo sila sa hardin. Nagyakap.

"Daniel, anak, anong nangyari sa'yo?" mangiyak-ngiyak na tanong ng ina, habang hawak-hawak ang kamay ng anak.

"Nag-resign na po ako sa trabaho?" nakayukong sagot ni Daniel. Ayaw niyang ipakita ang kanyang nangingilid na luha.

Hinipo ni Mommy Nimfa ang pisngi at ang mga braso ng anak. "O, my God, Daniel! Anong klaseng trabaho ba ang napasok mo? Come... Pasok tayo."

Ramdam ni Daniel na awang-awa ang kanyang ina sa pisikal na kondisyon niya.

Naging aligaga si Mommy Nimfa sa paghanda ng pananghalian ng anak, habang tahimik na nakamasid ang anak. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang kanyang pagtatapat.

"Mabuti naman ay nag-resign ka na. Hindi puwede ang ganyang trabaho sa'yo. Hindi ba't mahina nga ang baga mo?"

"E, Mommy, hindi na po ako nakapili ng trabaho..."

"Nandoon na ako. Pero, sana... nagpalit ka ng ibang department... Sige na, kumain ka na muna," anang ina nang matapos niyang mahainan ang anak. "Si Ate mo pala, humiwalay na. Nakabili ng bahay si Kuya Edwin mo."

"Si Donald po?"

"Nasa galaan. Wala namang pagbabago sa kapatid mo..."

Natahimik ang mag-ina. Sumubo na ng pagkain ang anak. Si Mommy Nimfa naman pinagmamasdan ang kanyang mukha. Noon lamang nagkaroon ng hiya si Daniel.

"Kumain ka nang marami. Malamang hindi naman dito kakain si Donald. Ubusin mo na 'to."Inabot pa ng ina ang adobo.

"Gusto ko pong magkape..." Tila, nabunutan ng tinik ang dibdib niya. Kape lang ang maaaring mag-alis ng kaba at hiya na nararamdaman niya.

Agad na tumayo ang 58-anyos na ina. "Anong gusto mo? Instant o brewed?"

"Instant na lang po. Basta iyong... mainit na mainit po. Salamat!" Gumaan ang pakiramdam ni Daniel. Pakiramdam niya'y malapit na niyang mabuksan sa ina ang puso niya.

"Instant? Ganyan ang pinili mong buhay. Alam ko, panandalian lang ang ligayang naibigay sa'yo ng kapeng pinili mo..."

Natigilan si Daniel. Alam niyang humuhugot na naman ang kanyang ina, ngunit hindi niya pa kayang unawain ang katuturan ng kanyang mga salita.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...