Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 31

 Lumulukso ang puso ni Daniel habang nasa biyahe. Hindi siya makatulog sa kakaisip at kakaplano. Buong-buo ang loob niyang mapapabuti na niya ang buhay nilang mag-anak. Hindi man ganoon kabilis, handa siyang magtiyaga upang maihiwalay niya ang kanyang mag-ina sa puder ng kanyang mga biyenan at maitira sa kahit maliit na tirahan. Kaya ko 'to, aniya.

Naglaro ang isip niya sa bagong buhay na pinapangarap niya.

"Baby, what's color is this?" tanong ni Daniel sa anak.

"Yed," tugon ng anak.

"Red. Very good!" Napangiti si Daniel.

"How about this one?"

"Byu!"

"Blue! That's correct! Ang galing ng baby namin!" sabi ni Lorenzana. Hinalik-halikan pa niya ang anak sa pisngi.

Palihim na napangiti si Daniel, habang nakatanaw sa bintana ng bus. Malapit na silang makarating sa bus terminal, kaya naghanda na siya. Nai-text na rin niya si Mommy Nimfa, na nangako namang dadalo sa binyagan bukas.

Pasado alas-dose ng hatinggabi nang makarating si Daniel sa tahanan ng kanyang mga biyenan. Hindi siya nahirapang manggising dahil gising pa ang mga ito. Naghahanda kasi sila ng mga rekados at lulutuin.

Pagkatapos niyang magbigay-galang sa kanyang parents-in-law, pinuntahan naman niya sa kuwarto ang kanyang mag-ina. Tulog na sina Lorenzana at Baby. Gusto sana niyang gisingin ang mag-ina, ngunit mas pinili niyang pagmasdan na lamang ang dalawa.

Lumaki naman kahit paano si Baby, sa paningin niya. Si Lorenzana, medyo pumayat. Naawa siya sa mag-ina. "Hayaan niyo, malapit ko na kayong mabigyan ng magandang buhay," sabi niya sa kanyang isip.

Pagkuwa'y hinagkan niya ang noo ni Baby. Umingit ito. Gumalaw. At nagmulat ng mga mata. Nagising na rin si Lorenzana.

"Beh?" Mahigpit na niyakap ni Lorenzana si Daniel. "Grabe ka! Sinosorpresa mo kami." Itinayo niya si Baby, na noon ay medyo nagtataka kung sino ang kaharap nila. "Si Papa, o. Papa, I miss you!"

"I miss you, too, Baby." Niyakap ni Daniel si Baby. Mahigpit. "Ako, si Papa. Miss na miss ka na ni Papa." Tinitigan lamang siya ni Baby.

"Ayan, hindi ka nakilala ng anak mo. Nangitim ka kasi. Pero, in fairness, beh... hmm... yummy ka ngayon," biro ni Lorenzana.

Napangiti at napasulyap si Daniel sa may double deck kung saan natutulog ang mga kapatid ni Lorenzana. "May pasalubong ako sa'yo... Hulaan mo kung ano."

"Something sweet?"

"No."

"Something long and hard?"

"Puwede. Puwede!"

Nagtawanan ang mag-aasawa. Tila nakalimutan nila ang mga nagdaang pangyayari sa pagitan nila.

"Sleep ka na, Baby. Excited na ako sa pasalubong ni Papa."

Nagkuwentuhan ang mag-asawa nang makatulog uli ang kanilang anak. Gaya ng dati, para silang magbarkada. Hindi maubos-ubos ang kuwento nila sa isa't isa.

"Nakaka-miss ang ganito, 'no, beh?" tanong ni Lorenzana, habang nakahiga at nakaunan siya sa dibdib ni Daniel.

"Oo nga, e. Lately, hindi tayo magkasundo. Madalas, hindi na tayo nagkukuwentuhan..."

"Sana lagi tayong ganito..."

"Sana nga, beh."

"I miss you talaga..."

"I miss you, too."

Naglapat ang kanilang mga labi. Mabilis man, pero damang-dama nila ang pagmamahal sa pagitan niyon.

Kinabukasan, masiglang tumulong si Daniel sa kanyang mga biyenan sa paghahanda ng mga putahe at pagkain, bago sila tumungo sa simbahan.

Sa simbahan na niya naabutan sina Mommy Nimfa, Donald, at Ate Doreena. Mayamaya, nagsidatingan naman ang mga kaibigan, kamag-anak at pamilya ni Lorenzana. Doon na rin niya na-meet ang dalawang pares ng ninong at ninang na kinuha ng asawa niya.

Nairaos nang maayos ang binyagan at handaan. Sumapat naman sa mga bisita at pamilya ang mga pagkain. Kaya naman, walang mapagsidlan ng ligaya sina Daniel at Lorenzana.

"I hope, magiging healthy na si Baby," ani Daniel.

"I hope, too. Pangarap ko ring mapagsarili na tayo," sagot ni Lorenzana.

Hindi nagsalita si Daniel, subalit ipinadama niya sa asawa ang kanyang determinasyon na ibigay iyon sa kanila. Mabilis niyang niyakap si Lorenzana. Binulungan pa niya ito. "In God's time, beh."

Alas-kuwatro na ng hapon nang magpalaam sina Mommy Nimfa.

"Salamat, mare! Sunod nito... kasalan naman," biro ni Mommy Nimfa. Nakatingin siya kina Daniel at Lorenzana, na agad namang ikinapula ng pisngi ng mag-asawa.

"Ay, oo! Dapat na nga silang makasal. Lumalaki na si Baby," tugon naman ng ina ni Loenzana.

"Pagplanuhan natin 'yan, mare... O, paano? Tuloy na kami. Salamat uli."

"Sige, mare. Ingat kayo!"

Nag-kiss muna sina Mommy Nimfa, Ate Doreena at Donald kay Baby, bago tumalikod.

"By the way, Daniel, kailan ka pupunta sa bahay?" tanong ng ina.

"Next week po siguro. Unahin ko po muna ang job hunting."

"Sure ka? Baka chicks hunting ang unahin mo," sarkastikong biro ni Doreena.

Napayuko na lamang si Lorenzana.

"Uy, hindi, a. Malas sa buhay ang ganyan. Dapat family first," depensa ni Daniel. Nakangiti pa rin siya, pero parang nasundot ang ego niya, lalo na nang makita niyang natahimik at napalayo ang tingin ng asawa.

"Tama 'yan, anak. Ang ganda-ganda pa naman ng baby na 'yan, o. Habang lumalaki, nagiging kamukha mo," ani Mommy Nimfa. Lumapit pa siya sa mag-ina. "Si Lorenz, dalaga pa ring tingnan o. Puwede na uling masundan si Baby."

"Naku, mare.. Mahirap ang buhay. Tama na ang isa sa kanila. Saka na nila isipin 'yon," sabad naman ng babeng biyenan ni Daniel.

"Sabagay... O, siya... tuloy na kami. Maraming salamat! God bless everyone. Alagaan niyo si Baby nang maayos. Palakihin niyo siya nang may takot sa Diyos at may respeto sa mga magulang at kapwa..."

Wala nang nagsalita pa, kaya nakaalis na ang nanay at mga kapatid ni Daniel. Tila, pagod na pagod namang pumasok sa kuwarto ang mag-anak. Noon lamang naramdaman ni Daniel ang antok at pakiramdam ng nag-iisa. Gusto niyang umuwi sa kanyang ina, pero marami pa silang pag-uusapan ni Lorenzana. Inunawa na lamang niya ang pananahimik nito.

"Thank you nga pala sa tita mo at sa pamilya mo. Kung hindi dahil sa kanila, hindi natin mapabibinyagan si Baby," aniya nang nasa kuwarto na sila at natutulog na ang anak.

Tumango lang si Lorenzana.

"Bukas, aalis ako. Gusto kong kasunod nito ang pagkamit natin ng magandang kinabukasan..."

"Goodluck, Daniel..." pakli ni Lorenzana. Pagkatapos, lumabas siya upang tumulong sa pagliligpit sa kusina. 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...