Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 28

 


"Daniel, tagay muna," yaya ng kakilala niyang si Andoy. Nagyaya rin ang mga kainuman nito, na pamilyar ang mukha sa kanya.

"Hindi na. Magpapa-load lang ako." Pinilit itago ni Daniel ang takot na gumapang sa kanyang katawan.

Mabilis na nagsalin si Andoy ng brandy sa shot glass at iniabot kay Daniel. "Isa lang..."

Walang nagawa si Daniel, kundi ang inumin ang alak, bago siya nagpa-load.

"Isa pa," hirit pa ng kainuman ni Andoy, sabay abot sa shot glass na may alak.

"Okay na 'yun, par. Hindi talaga ako umiinom, lalo na kapag may problema ako..."

Nagtawanan ang mga lasenggo, maliban kay Andoy.

"Sige na, par. Naunawaan kita," seryosong sabi ni Andoy. "Ganyan din ako madalas..."

Nakahinga nang maluwag si Daniel. Tumango-tango lang siya. Kahit paano ay tumaas ang tingin niya kay Andoy. Dati-rati, kinatatakutan niya si Andoy kapag lasing na, dahil bukod sa kilala siyang nag-aamok, may napatay na rin daw ito.

"Sige na, Daniel...Kailangan mo na sigurong matawagan ang pamilya mo..."

"Oo," ang sabi niya. Ang totoo, hindi naman siya talaga tatawag. Gusto lang niyang magreserba ng load para anytime bukas sa construction site ay makakatawag siya kay Lorenzana upang kumustahin si Baby. "Sige, mga par. Pasensiya na muna kayo ngayon."

"Ayos lang 'yan..." Narinig niya pang sagot ni Andoy. "Pag may time ka, pasyal ka sa bahay, shot tayo."

Habang pauwi, naisip niyang ang pagbabago ng isang tao, gaano man ito kasama, ay darating at darating sa buhay niya. Si Andoy ay isang buhay na halimbawa nito. May natutuhan siya sa nangyari. Magkaiba man sila ng nakaraan o pinagmulan, pareho silang patungo sa landas ng pagbabago.

Huminga siya nang malalim bago nahiga. Sa kanyang isipan, naisalarawan niya ang magandang buhay nilang mag-anak—siya, si Lorenzana, at si Baby sa isang maliit bahay, ngunit nag-uumapaw sa pagmamahalan.

Napangiti siya. Nais na niyang umuwi. Handa na niyang kalimutan ang mga sakit na idinulot sa kanya ni Lorenzana. Handa na siyang magpatawad at humingi ng tawad... para sa kinabukasan ng kanilang nag-iisang anghel, si Baby. Handa na siyang tanggapin ang malamig na kape ay may mabuti rin namang dulot sa kanya. Sa kabilang banda, iminulat siya nito sa katotohanan.

"Salamat rin kay Andoy," aniya nang manalangin siya sa Diyos. Humingi siya siya ng kapatawaran sa mga pagkukulang at pagkakamali niya.

"I love you, Beh. I love you, Baby!" Ito ang ipinadala niyang mensahe bago siyang tuluyang pumikit upang matulog. Para siyang inihele sa sobrang kaligayahan.

Kinabukasan, masigla niyang binati ang kanyang tiyo at tiya, habang sila ay nagkakape. Nakisabay na siya.

"Kumusta ang trabaho?" tanong ni Tiya Leonora kay Daniel.

Kasing sarap ng kapeng nahigop ni Daniel ang pinakawalan niyang ngiti bago sumagot. "Ayos lang po, Tiya."

"Mukhang nagamay mo na rin ang trabaho, a."

"Siyanga po. Hindi ko akalaing makakaya ko pala." Muling humigop si Daniel ng kape.

"Nagka-maskels ka na uli, Dandan," biro ni Tiyo Vicente. Lumabas pa ang silver tooth nito, na malimit niyang masilayan.

Napatingin naman siya sa kanyang mga braso.

"Kaunting panahon pa, makakapag-asawa ka na uli dito." Mas malakas ang tawa ng kanyang amain.

Kinurot ni Tiya Leonora si Tiyo Vicente. "Itong gurang na 'to. Tuturuan pa ang pamangkin ng kabulastugan niya."

"Ikaw, Leony, masyado kang impractical. Siyempre, kailangang makahanap si Daniel ng mapapangasawa na kahit maganda basta mayaman."

Napatawa na rin si Daniel. Kahit paano ay nawala ang hiya at takot niya sa tiyo. Hindi pala lahat ng oras ay istrikto ito at kontrapelo. Minsan, may point siya. Subalit sa mga sandaling iyon, hindi niya nais sundin ang kagustuhan ng tiyuhin. Desidido na siyang ayusin ang buhay at relasyon niya kay Lorenzana. Naniniwala siyang ang pag-aasawa ay hindi isang mainit na kape, na kapag napaso ay iluluwa.

"Impractical?" ulit ng tiyahin.

"Oo."

"Dapat sa akin mo 'yan sinabi noon. Hindi sana ako nagsisisi ngayon."

Pangiti-ngiti si Daniel. Natuwa siya sa sagutan ng mag-asawa. Parang mga teenagers.

"Sinuko mo kasi agad ang Bataan, e. Ayan! Kaya pagtiyagaan mo na ang kaguwapuhan ko."

Tinalikuran ni Tiya Leonora ang asawa. "Diyan ka na nga, gurang ka. Ambiyoso! Daniel, pasok ka na. Baka mahawa ka pa sa tiyo mo."

"Opo, Tiya! A, Tiyo Vic, pasok na po ako."

Pulang-pula ang pisngi ni Tiyo Vicente. Hindi rin agad nakasagot dahil tawa pa rin ito nang tawa. "Sige na."

"A, tiyo... salamat nga po pala..."

"Saan?"

"Sa patuloy niyong pagtanggap niyo sa akin dito sa tahanan niyo." Inikot-ikot niya ang tirang kape sa kanyang tasa at tiningnan kung paano ito magawa ng munting ipuipo.

"Sanay na ako sa'yo, Dandan. Kapag umuuwi ka dito, kung hindi problema sa mga kapatid, problema sa health ang ipinaparito mo. Ngayon naman, problema sa buhay may-asawa ang dahilan..."

Muling nakadama ng hiya si Daniel sa mata ng tiyuhin. Pakiramdam niya ay maseserrmunan na naman siya nito. "Hindi naman po... Health problem po talaga,"depensa niya. Ayaw niya talagang isipin ng amain na si Lorenzana ang isa sa mga dahilan ng bakasyon niya. "Isang linggo na lang po, babalik na ako bahay."

"Hindi ka na lang kasi dumini. Ala, e... ang hirap ng kalagayan mo doon. Naikuwento sa akin ni Nimfa..."

Natigilan si Daniel. Hindi niya alam na masyado palang nahihirapan ang kanyang ina sa kalagayan niya.

"bakit? Pinapauwi ka na niya?"

"Gusto ko na pong magtrabaho uli."

"Sigurado ka bang makakahanap ka kaagad doon? Kung hindi, pumirmi ka na rito. Ang asawa mo ang nagpapabigat sa buhay mo. Hindi pa naman kayo kasal, kaya okay lang. Be practical, Dan. Maraming babae dito sa Batangas ang makakatagpo mo. At sigurado akong mas lamang kaysa sa kanya."

Tiningnan na lamang ni Daniel ang tiyo. Ayaw na niyang humaba pa ang kanilang usapan. Buo na ang kanyang loob. Si Lorenzana ang huling babaeng mamahalin nya.

"Sige po, tiyo. Tuloy na po ako. Hinihintay na ako ni Celso." At, mabilis na siyang tumalikod sa amain. 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...