Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 15

 


Pinayapa ni Daniel ang kanyang sarili. Ayaw niyang maapektuhan si Baby dahil sa kanyang emosyon. Inaliw niya ang anak, habang tinatanggap niya ang mga salita ng kanyang pinsan at tiyo. Sanay na rin naman siya.

"Daniel, ipakilala mo naman ako sa asawa mo," minsang sabi ni Rodney nang makita sina Daniel at Lorenzana na nag-aabang ng masasakyan.

"A, Lorenzana... si Rodney. Pinsan ko, " pakilala ni Daniel.

"Lorenzana pala." Tiningnan ni Rodney ang asawang buntis ni Daniel, mula mukha hanggang paa. "Sigurado ka na ba dito kay 'insan?" Inakbayan naman niya si Daniel. Matulis 'to."

Ngumiti lang si Lorenzana. Ayaw niyang ipahalata na naiinis siya sa asta ng pinsan ng asawa.

Hindi naman kumibo si Daniel.

"Kapag sinaktan ka nito, sabihin mo lang sa'kin, ha?"

Tumango na lang si Lorenzana. Si Daniel naman, nagtimpi lang.

Gaya ng pagtitimpi niya noon, nagtitimpi pa rin siya ngayon. Ang galit niya kay Rodney ay para isang mainit na kape--- mainit sa una, pero unti-unting lumamig.

Subalit, hindi niya yata mapapatawad ang kanyang tiyo. Sagad sa buto na ang sakit na dulot ng kanyang matalim na dila.

Hindi niya kayang kalimutan ang sandaling ipinahiya siya nito sa kanilang mga kapitbahay.

Nasa may tabi ng tindahan ang tiyo niya, nakikipag-inuman, nang bumaba siya mula sa pampasaherong dyip. Galing siya noon sa isang school.

Sinisitan ni Uncle Menard si Daniel. Ayaw niya sanang lumingon, kaya lang sinigawan siya nito.

"Bastos kang bata ka! Ganyan ba ang pagpapalaki sa'yo ni Kuya?" Lumapit ka nga rito?"

Takot na takot na lumapit si Daniel. Hindi niya alam kung bakit may phobia siya sa mga lasing. Andami pa naman niyang kainuman, Mayroon ding limang katao sa tindahan na nakikiusyuso sa ingay ng kanyang tiyo.

"Hindi ko po alam na tinatawag niyo ako,"paliwanag ni Daniel.

"Ganyan naman kayo, e. Ang tataas ng tingin niyo sa sarili niyo. Akala niyo siguro, porke't nakapag-aral kayo at ako ay..."

"Lasenggo lang, p're," dugtong ng isang kainuman ni Uncle Menard. Nagtawananan naman ang iba.

"Oo... akala niyo siguro, wala na akong kuwentang tao... Punyeta! Babagsak ka rin sa alak, Daniel!" Tila, demonyo pa itong tumawa. Nakipagsabayan pa ang mga katropa.

"Tagay," alok ng isa kay Daniel. Inaabot na ang alak at tagayan.

Tumanggi si Daniel.

"P're, ayaw, o. Pinahiya ka..."

Agad na tumayo si Uncle Menard at dinaklot ang kanyang kuwelyo. "Pinapahiya mo ako, ha? Uminom ka!" Saka siya padaskol na pinakawalan.

Napilitang uminom ni Daniel, bago siya pinaalis ng kanyang tiyo. Dinig na dinig niya ang malakas na tawanan habang papalayo siya sa umpukan.

Simula noon, naipangako niya sa kanyang sarili na kailanman man ay hindi siya paaalipin sa espiritu ng alak.

Hindi na siya nagsumbong sa kanyang ina at ama. Batid niyang itatanggi lamang ng tiyo niya ang kanyang ginawa.

Nang nakatulog na muli si Baby, sinubukan rin ni Daniel na mahiga at matulog sa tabi ng anak. Pagod na pagod na ang isip niya. Kailangan niya itong ipahinga.

"Lumayas ka na! Hindi na kita kailangan. Hinding-hindi mo makukuha sa akin ang anak ko!" sigaw ni Lorenzana.

Isa-isa namang dinampot ni Daniel ang nagkalat na mga damit at gamit sa labas ng kanilang bahay. Pinagtitinginan ng mga kapitbahay si Daniel. At saka, mabilis niyang isinilid at pinagkasya sa kanyang backpack. Walang lingon-likod siyang umalis. Walang nakakita sa kanyang mga luha.

"Ano ba? Magpapakamatay ka ba?" sigaw ng taxi driver, na muntik na siyang mabundol.

Napakislot ang katawan ni Daniel at kusang bumukas ang kanyang mga mata. Isang ordinaryong panaginip, ngunit, alam niyang, malalim ang kahulugan niyon.

Bumangon siya at nagsalang ng kapeng barako sa coffee maker.

Nang kumulo na, nagsalin siya nito sa maliit na tasa. Nilagyan niya ng kaunting ng asukal. Nais niyang tikman ang pait ng kapeng barako.

Sa unang higop pa lamang niya ay lasang-lasa niya ang pait nito. Gaya kung paano siya sinubok ng buhay, damang-dama niya ito. Barako siya. Alam niyang kakayanin niyang lampasan ang hamon ng Diyos sa kanya. Hindi rin kaila sa kanya na hindi pa ito ang pinakamatinding pagsubok sa kanya.

Sa pangalawang higop, tila nasarapan na siya sa lasa ng kape. Alam niyang masasanay rin siya sa pait at pagdurusa. Pasasaan ba't magagamay niya ang pagharap sa mga problema. Kailangan lang niyang maging matatag. Barako ako, aniya.



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...