Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 13

 


"Beh, gising!" Niyugyog ni Lorenzana si Daniel, na mahimbing pang natutulog. "And'yan si Mommy."

Kahit pupungas-pungas, agad na tumayo si Daniel. Naabutan niyang kaharap na ng kanyang ina ang mga balae nito. Nagkakape sila.

Bumati siya sa tatlo. Bumeso rin siya sa ina. Tiningnan niya rin ito na tila nagtatanong kung bakit siya napadalaw sa ganoong oras—alas-sais.

"Pupunta ako sa Batangas. Aasikasuhin ko ang lupa. May gusto raw makipagtawaran," simula ni Mommy Nimfa. "Gusto ko sanang ikaw muna ang magtao sa bahay."

Tumingin si Daniel kay Lorenzana, na nakatayo sa may pintuan ng kuwarto. Wala naman siyang nakuhang sagot.

"Ay, siyangapala, Lorenz, niyayaya ka palang mag-abroad ng pamangkin ko. Baka gusto mo," tanong naman ni Mommy Lorenzana sa manugang.

Wala ulit nasabi si Lorenzana. Tumingin lang siya sa kanyang mga magulang.

"Ayaw mo ba? Sayang naman ang opportunity. No placement fee 'yun. Direct hiring. Ano?"

Na-excite si Daniel. Gusto na niyang marinig ang sagot ng asawa.

"Gusto naman po... kaso lang... si Baby," sagot ni Lorenzana.

Nagngitngit ang loob ni Daniel. Idinahilan na naman ang anak, sabi niya sa isip. Kung puwede niya lang itong bulyawan, ginawa na niya.

"Andito naman sina balae, saka ako. Kami ang bahala kay Baby. Ang mahalaga..." Hindi na naituloy ni Mommy Nimfa ang sasabihin.

"Hindi ko pa kayang magtrabaho sa ganitong kondisyon ng katawan ko." Sa wakas, nabigkas niya rin ang saloobin niya sa harap ng kanyang ina, asawa, at mga biyenan. Nais niyang ipaalam sa kanila na hindi siya tamad at hindi siya iresponsableng ama at asawa. Sadya lang talagang mahina siya ngayon. Kailangan muna niyang magpalakas at magpagaling.

"Oo, Lorenzana. Ipapagamot ko si Daniel. Pag gumaling siya... alam mo naman na masipag 'yan." Sa sinabing ito ng kanyang ina, tila nabawasan ang hiya niya. Iyon naman kasi ang totoo.

"Wala pa po akong mga papeles," dahilan na naman ni Lorenzana.

Agad na dumakot ng pera si Mommy Nimfa sa kanyang bag. Nagbigay siya ng dalawanlibo kay Lorenzana, isanlibo kay Daniel, at isanlibo rin sa kanyang balae. "Ipag-pray niyo na maibenta ko ang lupa... Solb lahat ang problema natin."

"Mare, salamat dito. Ibabayad muna namin sa tubig at kuryente," sabi ng ina ni Lorenzana.

"Walang anuman. Basta, Lorenzana, lakarin mo agad ang mga papeles mo, like birth and NBI... Kung may kailangan ka pa, text mo lang ako..."

Tumango-tango lang si Lorenzana. Hindi pa rin siya ngumingiti. Napansin iyon ni Daniel, kaya nainis siya.

"Ikaw, Daniel, pumunta ka na agad sa bahay. Heto ang susi. Si Donald, pinagsabihan ko na. Huwag mo na lang pansinin. Ikaw ang kuya, ikaw na ang umunawa. Isama mo na si Baby. Gusto ko, maabutan ko kayo doon pagdating ko, ha?"

"Opo, Mommy!"

Nang makaalis si Mommy Lorenzana, saka lamang tumungo sa hapag sina Daniel at Lorenzana. Wala silang almusal. Tanging coffee sticks ang naroon sa ibabaw ng mesa. Ni walang asukal.

Mabilis siyang lumabas para bumili ng asukal at creamer. Grabe, aniya. Mabuti na lang dumating si Mommy. Blessing-in-disguise siya.

Kahit paano, naging proud siya sa sarili at sa kanyang ina dahil may naiiabot ito sa kanila. Hindi naman talaga dapat siya nahihirapan sa buhay kung hindi lang siya nagpadalos-dalos.

Sa unang pagkakataon, naging masagana ang almusal ni Daniel. kaya lang, halos maubos ang P400 niya sa mga binili niya sa tindahan. Hindi bale, sabi niya sa isip niya. Kahit paano ay nakabawi ako sa mga kakulangan ko.

Habang kumakain, naitanong ni Daniel sa asawa kung kailan siya lalakad para kumuha ng birth at NBI.

"Sinong mag-aalaga kay Baby?" anito.

"Ako. Dadalhin ko siya sa bahay. Narinig mo naman ang sabi ni Mommy, 'di ba?" Nagsisimula na namang mainis si Daniel sa asawa.

"Kaya mo bang alagaan 'to? Naku, baka mahawa ng ano mo..."

"Wala akong TB, Lorenzana! Umayos ka ng pananalita mo!" Muntik na niyang matabig ang tasa ng kape nang duruin niya ang asawa.

"Sinabi ko ba? Ubo ang dapat kong sasabihin. Anong problema mo?" Galit din si Lorenzana, pero paimpit lang. Ayaw pa rin naman nilang makita o marinig sila ng mga kasama sa bahay. "Dalhin mo siya. Lalakad ako ngayon... para mapagbigyan ang mommy mo."

"Kung napipilitan ka lang, 'wag na, please."

Ibinigay ni Lorenzana kay Daniel ang kanilang anak at padabog na tumalikod.

Hanggang sa umalis sina Daniel at Baby, hindi pa rin kinikibo ni Lorenzana ang asawa. Wala ring kibo na umalis ang mag-ama, bitbit ang isang bag ng mga gamit nila.

Hindi na nagtataka si Daniel sa asal ng asawa. Paulit-ulit na lang. Napupuno nga siya. Kaunti na lang ay aapaw na siya. Hindi niya lang alam kung ano ang kaya niyang sabihin at gawin kay Lorenzana.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...