Gustong magsisi ni Daniel kung bakit umalis pa siya at iniwan ang anak sa ganoong kondisyon. Naisip niyang bumalik para maalagaan si Baby, ngunit mas matimbang ang pagtanggap niya sa katotohanang wala siyang maitutulong pagdating doon. Tinext na lamang niya si Mommy Nimfa. Pinakiusapan niya rin si Donald na dalawin ang pamangkin. Nakahinga siya nang maluwag, nang hindi ito tumanggi. Kahit paano ay hindi na nakakahiya sa kanyang mga biyenan, lalo na't nagbigay ang kanilang ina ng tatlong libong piso.
Tinawagan niya si Lorenzana. "Kumusta na si Baby?"
"Nakatatlong poo-poo na siya ngayong umaga at nakadalawang suka."
Ramdam na ramdam ni Daniel ang pagod, awa, at takot sa boses ng asawa. Pero, higit pa roon ang nararamdaman niya. "Kapag may time, umidlip ka. Tutal andiyan naman si Donald." Gusto niyang malakas ito para hindi apektado ang mood nito.
"Sana... ikaw ang nandito, Daniel."
Kusang tumulo ang mga luha niya. Kung alam lang ni Lorenzana ang kanyang nararamdaman...
Maghapon siyang balisa. Hindi halos siya makakakain nang maayos. Nagkape lang siya sa umaga at hindi niya nga naubos ang kanin at sinabawang isda sa tanghali. Ang isiping nakasuwero si Baby ay hindi niya matanggap. At, hindi pa rin niya maamin sa kanyang sarili na ang kanyang anak ang nagbabayad sa kanyang mga kasalanan. Ang bilis ng karma, aniya.
Natagpuan ni Daniel ang sarili sa may dalampasigan. Umupo siya sa buhanginan, na nasa ilalim ng mababang puno ng niyog. Kung gaano guminhawa ang kanyang baga dahil sa simoy ng hangin mula sa dagat ay kabaligtaran naman ang paninikip ng kanyang puso at isip.
Nang maramdaman ni Daniel ang tumatagos sa balat na sikat ng araw, umuwi na siya. Sa bahay ng kanyang tiyo at tiya ay kailangan niyang gumawa ng mga gawaing-bahay. Hindi siya kailangang magpahalata na napupuspos siya sa dalamhati. Naroon siya upang magpalakas, hindi upang panghinaan ng loob. Ayaw niyang makatikim na naman ng pagalit mula sa kanyang tiyo. Malamang mamaliitin na naman nito si Lorenzana. Kahit paano ay nasasaktan siya kapag ganoon.
Pagkatapos mananghalian at makapaghugas ng mga plato, nagdesisyon siyang pumunta sa bahay ni Pamela. Nais niyang masorpresa ang matalik na kaibigan, kaya hindi na siya nag-text. Isa pa, nais niya lang sanang magbisikleta kung saan upang mabawasan ang bigat ng kanyang kalooban. Inaasahan niya na makakatulong ang kaibigan na tumibok muli ang puso niya. Kung ipagkanulo man siya ng puso niya, mas gugustuhin niya iyon dahil mas mahal niya ito kaysa kay Lorenzana.
Ipinarada ni Daniel ang bike sa tapat ng gate ng bahay ni Pamela, saka siya nagtao po.
"Hi, Bes!" masayang bati ni Pamela, paglabas pa lamang niya sa pinto. "Bakit hindi ka nag-text man lang. Anyways, halika... pasok ka. Ipapakilala kita sa bisita ko."
"Hindi na. Napadaan lang ako. Nagbibisikleta ako." Itinuro pa niya ang nakaparadang bike.
"Okay, wait... wait." Tumalikod siya't pumasok sa bahay. Paglabas niya, hila-hila niya ang nahihiyang lalaki. Kaedad niya ito. "Say hi to my fiance', Daniel."
Hindi agad nakabati si Daniel. Para siyang mainit na kape na biglang nilagyan ng sankatirbang ice cubes. "Hi! Kumusta?"
"Ayos lang!"
"Siya si Rick," pakilala ni Pamela.
Tumango-tango lang si Daniel, pagkatapos ay umangkas na siya sa kanyang bisikleta. "O, pa'no 'yan? Iwanan ko na kayo. Nakaistorbo yata ako sa inyo." Pilit pa siyang tumawa upang pagtakpan ang sakit na kanyang nararamdaman.
"Hindi, a. You can join us, if you want," ani Pamela.
"No. Hindi na. Next time siguro. Bye!" Agad na pinaharururot ni Daniel ang kanyang bike upang takasan ang kabiguan. "Ang sakit-sakit," aniya sa likod ng kanyang isipan. "Kung kailan binuksan ko ang puso ko para sa kanya, saka naman siya nakahanap ng iba."
Muntik na siyang sumemplang dahil sa mabilis niyang pagpedal, bago niya narating ang tahimik na bahagi ng simbahan. Doon siya madalas pumunta sa tuwing nais niyang mapag-isa at makapag-isip-isip.
Sa kanyang pag-iisa at pagdidili-dili, napagtanto niyang hindi naman siya binigo ni Pamela. Mali naman talaga, na mahalin nila ang isa't isa. Naipangako niya sa sarili na hindi siyang magiging mapait na kape sa kaibigan. Walang magbabago. Subalit, kailangan niyang itago ang kanyang pagseselos at panghihinayang.
"Hello?!" sagot niya sa tawag ni Lorenzana.
"Hello, Beh? Si Baby, ngumingiti na," masayang pagbabalita ng asawa niya. "Sabi ni Dok, mamaya raw, kapag naubos na ang dextrose, puwede na siyang i-discharge."
"Thanks, God! I-kiss mo ako kay Baby. Pakisabi na rin na 'I love you!' sa kanya," mangiyak-ngiyak na sagot ni Daniel. Naisip niya, ito ang good karma.
"Hmm. Ako ba, walang kiss at I love you?"
"Bye. Ingat kayo. Pakisabi kay Donald, salamat!"
"Tse!"
Napangiti na lang si Daniel pagkatapos niyang tapusin ang phone call.
No comments:
Post a Comment