Followers

Saturday, May 11, 2024

Ang Aking Journal -- Oktubre 2022

 Oktubre 1, 2022

Naglaba na lang ako kasi postponed ang lunch out naming magkakaTupa sa Tramway. May lagnat si Ms. Krizzy. Siya pa naman ang magpapakain.

Napagod ako sa paglalaba kaya umakyat ako pagkatapos at nagpahinga maghapon sa kuwarto. Worth it naman ang rest day ko.

Gabi, after dinner, since dumating na si Emily, nagsimula akong gumawa ng PPT ng lesson ko sa Filipino. Nakatapos ako ang isang learning objective.

Oktubre 2, 2022

Sa kabila ng sakit ng likod ko, kahit paano, nakatulog ako hanggang 8 am. Bad trip lang paggising ko kasi nagpakatamad na naman si Emily. Sa halip na magluto, bumili lang ng rice-egg meal. Aguuy! Sa halip na makatipid, napamahal pa.

Tumahimik na lang ako maghapon. Gumawa na lang ako ng learning materials. This time, sinubukan kong gumawa ng interactive PPT.

Maghapon, nakagawa ako ng apat. Sapat na ang mga ito para sa ilang araw na pagtuturo.

Oktubre 3, 2022

Hindi talaga naghanda si Emily ng almusal. Gatas lang ang laman ng sikmura ko nang pumasok ako. Medyo kasalanan ko naman kasi hindi ako nagbigay agad ng perang pambili. Pero nauna akong nagising. Matagal pa nga akong nakahiga after kong mamalantsa. Nasa baba lang siya.

Okay lang. Matiisin naman ako. Pagdating sa school, hindi naman ako nakaramdam ng gutom lalo na't busy ako sa pagkausap sa isang parent.

Nagustuhan ng mga estudyante ko ang game-based learning materials ko. Mas nakapokus at mas interesado sila.

Para akong naholdap ngayong araw. Sabay-sabay na dumating ang orders kong bangus longganisa kay Ma'am Shiela at bedsheets kay Mamah. Six hundred seventy rin iyon lahat.

Past 8, nakauwi na ako. Gutom na gutom ako. Tahimik uli akong kumain.

After dinner, nanood ako kung paano i-reset ang printer ko kasi end of life na raw ang inkpad. Mabilis ko lang nagawa. Nakapag-print na ako. Ang kaso, kailangang i-cleaning o nozzle check.

Oktubre 4, 2022

Hindi naman gumana ang printer. Offline daw. Nainis lang ako.

Before 11, nasa school na ako. Gusto ko sanang may lumapit na estudyante sa akin para maturuan kong magbasa, ang kaso, wala. Okay lang. Palagi ko na lang dadalhin ang book na inihanda ko.

Maayos naman ang discussion ko sa lahat ng sections. Gaya kahapon, na-enjoy ng mga Set B ang game-based materials ko. Nakapag-storytelling pa ako sa ibang klase.

Oktubre 5, 2022

Maaga akong bumangon para tapusin ang PPT ko, na gagamitin ko as learning material. Natapos ko naman agad kaya nakapagplantsa rin ako bago bumaba.

Past 10:45, nasa school na ako. May dumating na estudyante para magpaturo magbasa. Mabuti, na-enjoy niya ang libro kong dala.

World Teacher's Day ngayon kaya may mga artificial flowers na naman akong natanggap. May dalawang boxes ng cake at ilang piraso ng chocolates. Siyempre, hindi mawawala ang greeting cards. May mga natanggap na naman akong nakatataba ng puso. May isa pang watercolor artwork akong natanggap. Ang ganda niyon!

Oktubre 6, 2022

Kahit tinatamad akong pumasok, pumasok pa rin ako. Parang last day na rin naman ngayon kasi bukas asynchronous ang mga klase. Teachers' Day celebration ng school bukas.

Habang nasa biyahe, nagsulat ako ng tula tungkol sa mga prutas. Nakatapos ako ng dalawa.

Inspired na sana akong magturo kundi lang ako nainis sa Buko. Pinagbasa kong lahat pero isa lang ang nagbabasa. Nakakainis! Ayaw ibuka ang mga bibig. Kahihina ng boses kapag nagbabasa o nag-rerecite, pero kalalakas naman ng boses kapag dumadaldal at nagpapasaway. Sermon tuloy ang inabot nila sa akin.

Natigil ang palitan ng klase kasi nagmeryenda kaming teachers. May spaghetti at cake kaming pinagsaluhan.

Pagkatapos niyon, bumalik ako sa Buko. Hindi ko sila kinibo. Grabe sila. Mga manhid. Ako na lang ang tumahimik hanggang uwian. Ayaw kong ma-stress sa kanila.

Nakauwi ako bandang 8:30. Dala-dala ko pa rin ang kalungkutan. Feeling ko, hindi ko nagawa ang misyon ko ngayong araw.

Oktubre 7, 2022

Hindi naman ako excited sa Teachers' Day celebration pero past 3 am pa lang, gising na ako. Hindi na ako nakatulog hanggang 4:30, na siyang naka-set sa alarm clock ko. Bumangon na ako't nagkape.

Before 5, ready to go na ako. Mabilis lang ang biyahe kaya kahit tumambay pa ako sa PITX, nakarating ako sa school bandang 7:20. Hindi naman ako ang pinakamaagang dumating. Naroon na nga sina Ms. Krizzy at Cinderella. Nakialmusal pa ako ng pandesal bago nagsimula ang Holy Mass.

Maayos naman ang celebration namin. Masaya dahil sa mga palaro at papremyo. Nanalo kami sa bawal tumawa karaoke challenge. Nabunot ko naman ang cups and saucers set sa raffle.

Then, nang matapos ang celebration, nagsiuwian na ang iba. Kaming Grade 4 male teachers, nagpaiwan. Naroon din si Sir Archie. Nag-inuman sila at nagkantahan. Nakikanta lang ako.

Then, bandang 4, naka-join namin ang HRPTA president ni Sir Hermie na si Mr. Maglines. Nakikanta rin siya sa amin. Inabot kami sa school ng alas-7. Nakipagkuwentuhan pa kasi sa amin.

Nakauwi ako sa bahay bandang 9:40. Nauna lang nang kaunting minuto ang mag-ina ko.

Oktubre 8, 2022

Seven o' clock ako nagising. Kahit paano,.mahaba-haba ang tulog ko. Andami ko pang naging panaginip.

Past 9 na ako nakaalis sa bahay, kaya nasa pila na sina Ms. Krizzy, Cinderella, at Papang nang dumating ako sa Tramway. Si Ma'am Mel ang huling dumating.

Masaya at masarap ang kainan at kuwentuhan namin kaya umabot kami hanggang before 2. Then, nagkayayaang mag-SB. Treat ko raw sila since hindi ko sila na-treat noong birthday ko. Mabuti, may Teachers' Day bonus na P1k, na hindi ko na na-wiwithdraw. Iyon ang ginamit kong panlibre.

Masaya kaming naguwentuhan sa SB, kaso para kaming inantok kaya nag-decide na kaming umalis bandang past 4.

Tumambay muna ako sa PITX. Nagsulat ako roon.

Oktubre 9, 2022

Kulang ako sa tulog kasi bandang alas-2 ng madaling araw, nagising ako sa sobrang sakit ng likod ko. Hindi agad ako nakatulog uli.

Past 7, nang bumangon na ako para maglaba. Aalis naman ang mag-ina ko. At bago sila nakaalis, tapos na akong maglaba. Nakasampay na ako.

Nang nasolo ko ang bahay, naghanda ako ng visual aids at learning materials hanggang Biyernes. Hindi ko naman tinapos agad. Umidlip din ako pagkatapos maligo. Alas-8 na ako natapos. Okay lang naman dahil sa mga susunod na araw, wala na akong proproblemahin pa. Ma-late man ako ng gising, ready naman ang aking mga kagamitan.

Mga past 11 na dumating ang mag-ina ako. Nakatulog na nga ako sa kahihintay.

Oktubre 10, 2022

Kahit puyat at masakit ang tuhod at likod bumangon pa rin ako para sa aking pamilya. Gustuhin ko mang um-absent, hindi maaari.

Past 10:30, nasa school na ako. Naaral ko pa ang kuwentong gagamitin ko as storyboard sa Filipino 4.

Dahil wala si Ma'am Joan, naiba ang schedule namin. Nagkaroon ako ng vacant sa second period. Hiniwa-hiwalay kasi ang IV-Avocado Set A. Okay lang naman dahil nawala naman ang vacant period ko after recess.

Sa oras kung kailan malapit na ang uwian, nagsermon pa ako sa IV-Buko. Wala na sila sa wisyo. Nawala na naman ang disiplina. Hayun, nakatikim sila ang maaanghang na salita at pangaral. Sana pumasok sa mga isipan at puso nila.

Past 8:30, nasa bahay na ako. Agad akong naghapunan. Tira-tirang pagkain ang kinain ko kasi wala pa si Emiily. Hindi naman bumili si Ion. Okay lang dahil kailangan ko na ring matulog nang maaga.

Umakyat agad ako pagkatapos magsipilyo.

Oktubre 11, 2022

Nagkasipon ako. Paggising ko, barado na ang nostrils ko. Okay lang naman dahil epekto ito ng pag-inom ko ng FVP Dalandan. Binakbak nito ang mga sipon at plema ko.

Pagdating sa school iba ang ang pakiramdam ko. Mabigat. Masakit ang ulo ko. Nasusuka ako. Wala nga akong ganang kumain at makipag-usap.

Pinilit kong magturo sa kabila ng nararamdaman ko. Nakiusap na lang ako sa mga estudyante a makinig nang mabuti kasi malat na ang boses ko. Okay naman at successful.

And as usual, nagpasaway ang Buko sa huling period. Dahil wala ako sa mood, tiningnan ko lang silla at ipinaramdam ang aking pagkainis. Hindi ko pa rin sila kinikibo. Sila ang worse set. Nagsama-sama ang mga pasaway at poor readers. Kaluoy lang.

Nakauwi ako nang maaga. Mabigat pa rin ang katawan at ulo ko. Bad trip din ako sa ulam--- sunog na pork barbeque. Umiwas si Emily nang sinabi kong "Ano ba 'yan?! Bawal na ulam." Ginaya ko pa ang huni ng butiki.

Oktubre 12, 2022

Masama pa rin ang pakiramdam ko kaya nag-decide na akong um-absent. Nagsabi na ako sa HRPTA President upang siya na ang magsabi sa GC nila.

Maghapon lang akong nakahiga sa sofa habang nanonood ng YT videos. Kahit paano, gumanda-ganda ang pakiramdam ko. Nabawasan ang bigat ng ulo ko ay lumuwag ang paghinga ko.Kaya lang, kulang ako sa pagkain. Hindi kasi ako nagpa-deliver. Mabuti, nakabili ako ng pandesal kaninang umaga. Siyempre, kampante naman akong hindi ako magugutom dahil may First Vita Plus products ako.

Oktubre 13, 2022

Hindi pa rin ako pumasok ngayon. Gusto ko lsng talagang magpahinga. May ubo ako. Madikit pa ito, kaya kailangang i-cure muna.

Nag-stay ako sa kuwarto maghapon. Nanood lang ako ng YT videos. Umidlip. Nag-isip-isip. Marami akong napagtanto. Marami ring signs na ipinadala ang Diyos para matulungan akong mag-decide.

Bukas, papasok na ako, may ubo man ako o wala na.

Oktubre 14, 2022

Napilitan akong bumangon kahit gusto kong maunang umalis ang mag-ina ko. Kaso, naramdaman kong matagal pa sila. Kailangan ko pa namang magdilig ng mga halaman.

Mabigat pa ang loob kong pumasok, pero hindi na puwedeng lumiban pa. Kapag nakatatlong araw na absent, hinahanapan na ng medical certificate. Hindi ko mai-proprovide iyon kasi hindi naman ako nagpadoktor.

Okay na ang two-day absent. Naipahinga ko rin naman ang mental health ko. Kahit hindi naman umayos ang likod ko, okay pa rin.

Wala na namang palitan ng klase ngayon kaya bad trip na bad trip ako sa Buko. Nagiging masama ako. Natuto akong magmura dahil sa kanila. Bukod sa mahina, halos wala pang disiplina ang karamihan. Ang sakitbsa dibdib!

Gusto akong samahan ni Sir Hermie sa family doctor nila para masuri daw ang kalagayan ko. Tumanggi ako. Ayaw ko siyang maabala.

Sa PITX, nag-dinner muna ako at tumambay. Ang haba kasi ng pila sa bus. Nagsulat na lang ako roon.

Past 10 na ako nakauwi. Pagod na pagod at antok na antok na ako.

Oktubre 15, 2022

Dahil sobrang sakit pa rin talaga ng likod ko, naghanap na ako sa FB groups ng hilot. Kinontak ko ang taga-Amaya. Nainis lang ako kasi past 11 na siya dumating.

Maayos naman siya manghilot pero parang hindi nadurog ang mga lamig-lamig ko. Nanghinayang lang ako sa binayad ko. Maghapon pa rin akong nakahiga.

Past 6, dumating na ang aking mag-ina. Sa wakas, makakakain na ako ng kanin. Tinapay lang kasi ang almusal at panghalian ko, plus First Vita Plus.

Bukas na ako maghahanda ng DLL at learning materials, saka maglalaba. I hope mawala na ang lamig sa likod ko.

Oktubre 16, 2022

Nakalambing ako kay Emily. Siya ang naglaba ng mga damit ko. Siguro, naawa na lang siya sa kalagayan ko. Nakita naman niyang halos nakayuko na ako kung maglakad dahil sa sakit ng likod.

Habang naglalaba siya, naghanda naman ako ng DLL. Then, sinulatan kp ang ID cards ng mga estudyante. Hapon, naghanda ako ng PPT ng lesson ko sa susunod na araw. May gagamitin pa akong materials para bukas.

Gabi, nanood ako ng balita. Nakapanood din pala ako ngayong araw ng 'Doll House,' ang pinag-uusapang Netflix movie ni Baron. Gaya nila, napaiyak niya rin ako

Oktubre 17, 2022

Masakit at nakaarko pa rin ang likod ko, pero bumangon ako para maghanda sa pagpasok. Namalantsa ako. Mabuti, gumising si Emily nang maaga. Siya na ang nagsaing.

Past 10:30, nasa school na ako. Wala man sa mood, kailangang makiayon sa mga kasama at kaibigan.

Good thing, hindi ngayon masyadong pasaway ang IV-Buko. Medyo mabait naman talaga ang Set A.

Maayos din ang palitan ng klase. Naituro ko naman nang maayos ang mga learning objectives ko.

Before 9 ako nakauwi. Ma-traffic kasi sa Pasay gayundin sa Tejero. Gutom na gutom na ako pagdating ko kaya nilantakan ko talaga ang kanin at tinola, kahit malamig na ang sabaw.

Oktubre 18, 2022

Paggising ko, tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi na ako okay. Nakakurba na ako paharap. Hindi na rinpantay ang hips ko. Grabe! Hindi lang gout sa tuhod ang nagpapahirap sa akin ngayon, kundi likod. Apektado na nga ang pagkilos ko, unti-unti pa akong na-dedeform. Hindi na ako makisig gaya noong naka-work from home pa ako. Idagdag pa ang stress sa biyahe araw-araw ang stress sa mga estudyante. Lalo akong pumapayat.

Gaya noong mga nakaraang araw, pinipilit ko lang pumasok. Para ito sa pamilya ko. Hindi na ako masaya sa ginagawa ko, pero sikisikap kong gawin nang maayos ang trabaho ko. Gusto ko pa ring bumalik ako sa dati. Marahil, dahil sa mga sakit na nararamdaman ko kaya ako pinanghihinaan ngayon ng motibasyon.

Naisakatuparan ko naman ang mga layunin ko ngayong araw. Napatuto ko ang karamihan ng mga mag-aaral. Hindi pa masyadong nagpasaway ngayon ang Buko. Palibhasa, dose lang ang pumasok.

Past 8:30, nakauwi na ako. Nagustuhan ko ang ulam na niluto ni Emily--- sinabawang isda. Nagbigay kasi ako ng P1,000 kaninang umaga.

Oktubre 19, 2022

Seven-twenty-one na ako nagising. Himala! Ngayon lang ako nakatulog nang ganito kahaba. Siguro dahil hindi masyadong masakit ang likod ko. Nabawasan ang paggising-gising ko sa madaling araw.

Kahit past 9 na ako nakaalis sa bahay, maaga pa rin akong nakarating sa school. Nakapagbasa-basa pa ako tungkol sa pagsulat ng lathalain. Paano ba naman kasi? E, sinabihan ako ni Madam na 100% daw ang tiwala niya sa akin sa journalism. Mag-train na raw ako ng mga bata. Hindi naman ako na-stress. Excited nga ako. Gusto ko naman ang gawaing ito.

Hapon, finorward sa akin ni Ate Jing ang memo tungkol sa workshop na dadaluhan ko. Isinali na naman ako ni Ma'am Mina sa paggawa ng instructional materials ng ALS-- English at Math in a comic style. Bago ito sa akin kaya interesado ako kahit hindi ko feel na mataas ang expectation sa akin ni Ma'am Mina. Kakayanin!

Hindi masyadong pasaway ngayon ang Set A. Marami sila ngayon kasi sa akin pumasok ang karamihan ng Mangga.

Past 8:30, nakauwi na ako. Hindi na ako stress sa Goodhands Water kahit pinutulan kami kanina. Naayos naman ni Emily kahit nagkagastos pa sa pamasahe. Buwisit lang kasi kami pa ang nagmukhang may kasalanan gayong on time naman akong nagbayad through GCash. Gago talaga sila! Pataas na nang pataas ang bill namin, namumutol pa basta-basta. Huwag na lang nilang uulitin or else. Gigiyerahin ko ang FB page nila.

Oktubre 20, 2022

Parang mabigat ang loob kong pumasok. Hindi talaga ako motivated ngayong school year. Hindi ang mga estudyante ko ang dahilan ng pagpasok ko, kaya tamad na tamad ako.

Gayunpaman, pumasok pa rin ako. Nagturo din ako. Ibinigay ko ang best ko sa bawat section. pagbalik ko sa advisory class ko, mabigat na naman ang loob ko lalo na't Set B ang mga pumasok. Hindi talaga sila mabubuti. Mga tamad. In fact, ako na lang ang naglinis sa room

Ipinakita ko sa kanila ang tamang paraan sa paglilinis. Hindi iyong inaabot-abot lang ng walis tambo ang kalat sa ilalom ng armchair.

Kahit sa uwian, kumukulo ang dugo ko sa kanila. Mahihirapan talaga akong mahalin sila. Pag-uwi ko nadala ko pa ang inis.

Oktubre 21, 2022

Dahil walang palitan ng klase, nahirapan na naman ako sa IV-Buko. Ang iikli ng atention span nila. Walang disiplina. Hindi marunonh makinig at magtanda. Walang respeto. Walang pakiramdam. Sila ang klase na hindi kaibig-ibig. Sila ang dahilan ng madalas kong stress at pagkapagod. Sila rin yata ang dahilan ang pag-iisip ko ng maagang retirement.

Nakahinga ako nang maluwag nang mag-uwian na. Tinanggal ko ang stress ko sa pagkain. Trineat ko ang sarili ko ng dinner sa isang Chinese food chain. Then, habang nagpapatila ng mahabang pila, nagsulat ako para sa Wattpad.

Pag-uwi ko, agad na akong nagkulong sa kuwarto. Nagsulat muna ako at nag-post saka ako natulog.

Oktubre 22, 2022

Nakaalis na si Emily nang bumangon ako. Tamad na tamad pa nga ako. Kung hindi lang ako gagawa ng test questions, baka natulog ako hanggang 9 am.

Pagkatapos mag-almusal, hinarap ko na ang test construction. Inabot ako hanggang 3 pm. Okay lang dahil quality naman. Alam kong masasagutan ng mga estudyante ko dahil naituro ko.

Hindi ako nakaidlip sa hapon. Nanood kasi ako ng short films sa YT. Nagsulat din ako para sa Wattpad. Ang sarap sa pakiramdam! Worth it! Bawi na ang isang linggong pagod ko.

Oktubre 23, 2022

Past 8 na ako nakapag-almusal. Pinagbigyan ko muna ang sarili ko sa higaan kahit maglalaba pa ako.

Past 10:30, tapos na akong maglaba. Napagod ako kaya umakyat ako para magpahinga. Hindi ko nga lang nagawa kasi kinailangan kong maghanda ng learning material para bukas. Ginawan ko ng PPT ang ginawa kong periodic test kahapon. Bukas mag-rereview kami.

Past 3 ko na natapos ang PPT. Hindi na naman ako nakaidlip. Okay lang dahil naipahinga ko naman ang puso ko. Wala akong stress dahil sa pagsaway. Bukas, simula na naman. Haist!

Oktubre 24, 2022

Kulang ako sa tulog. Nahirapan akong humimbing after kong magising bandang 2:30 am. Medyo sumakit na naman kasi ang likod ko.

Naghanda ako sa pagpasok sa eskuwela. Hindi man ako inspired, pero hindi naman ako tinatamad. Okay lang. Ready naman ako sa pagharap sa mga estudyante.

Nag-review kami sa Filipino 4. Ginamit ko ang PPT na inihanda ko kahapon. I found it nice. Kapaki-pakinabang. Natuto ang karamihan. Naging participative sila.

Hindi ako na-stress sa mga ugali ng IV-Buko. Mababait sila ngayon. Mababait ang nasa Set A.

Almost 9 pm na ako nakauwi. Grabe. Gutom na gutom ako.

After dinner, nanood ako sa Titktok. Nawala ang pagod ko. Thanks, God!

Oktubre 25, 2022

Naghimala kanina. Maagang bumangon si Emily. Naghanda siya ang almusal. Busog much tuloy ako.

Dahil dito, masaya ako maghapon. Nag-reflect iyon sa pagtuturo ko. Napansin nga ng IV-Buko na masaya ako. Nasabi tuloy ng iba, na pogi ko raw. Nakakapogi talaga kapag hindi ka stress sa kanila. Hindi sila masyadong nagpasaway. Siguro naisip nilang magbago. Nasasaktan na rin siguro sila sa mga sermon ko.

Maghapong umulan hanggang sa uwian. Nahirapan nga akong sumakay. Tapos, basang-basa na ang sapatos at medyas ko. Kakainis! Wala akong gagamitin bukas. May workshop pa naman kami.

Oktubre 26, 2022

Alas-kuwatro ng umaga, ginising na ako ng alarm. Antok na antok pa ako kaya halos ayaw ko pang bumangon. Humiling ako sa Diyos na sana suspended ang klase gaya sa ibang bayan. Kaso, walang anunsiyo sa Pasay. It means, tuloy ang workshop.

Bumangon ako after 20 minutes. Then, past 5, bumiyahe na ako. Seven-thirty, nasa PZES Library na ako. Ako ang pinaunang dumating sa mg participants, maliban kina Ma'am Mina at Ma'am Jack. Medyo nahiya ako.

Past 9 na nakapagsimula ang workshop. Late na rin ang almusal. Okay lang naman kasi meron pa rin. Nakatipid ako at nakaraos.

Nakaka-inspire gumawa ng komiks. Ang kaso, salimpusa lang ako. Isinali lang ako ni Doc Mina para magamit niya ang time na iyon para sa pagpili ng entries sa National Storybook Writing Contest. Bukas nga, ako lang ang pinapunta, habang work from home ang mga totoong participants. Pupunta rin ang Filipino supervisor.

Ibinida ni Sir Edivin ang digital illustrations ko ng 'Hindi Ako Mahal ni Mama." Nagandahan sila sa kuwento at drawings ko.

Wala pang 4pm, adjourned na ang workshop. Kaya, past 6, nasa bahay na ako. Pagkapahinga, nag-open ako ng laptop. Nag-post ako ng comic strips na nagawa ko kanina. Then, nag-sign up ako sa Pixton. Nagandahan ako sa app na ito. Sana puwedeng i-save o i-download ang output ko.

Oktubre 27, 2022

Five, gising na ako. Wala akong balak pumunta sa PZES nang napakaaga, gaya kahapon. Pero, past 6, umalis na ako. Paalis din kasi si Emily. Si Ion naman, papasok sa eskuwela para mag-test.

Walang nilutong almusal ang wife ko, kaya sa Chowking na lang ako kumain. At dahil nag-chat si Ma'am Mina na 9 am na ako pumunta, tumambay muna ako sa PITX.

Past nine, nagdatingan na ang mga supervisors na kasama ko bilang hurado sa mga manuscript na isasali sa regional storywriting contest. Kasama ko sina Ma'am Rowela, Ma'am Martino, Sir Errol, at Sir Noel. Mga bigatin. Nakaka-out-of-place. Pero, siyempre, hindi ako magpakabog.

May tatlo akong entries. Ayaw ko sanang isali pero gusto nila. Huwag na lang daw akong mag-rate sa sarili ko.

Matagal naming binasa ang mga entries. Sinabay na namin ang editing. Madugo.

Past 2:30, tapos na kami. Ako ang nahuling umuwi kasi nakipagkuwentuhan pa sa akin si Ma'am Mina.

Past 5:30, nasa bahay na ako. Antok mam pero hindi ako nakatulog. Gumawa pa nga ako ng comics sa Pixton. Pinaghandaan ko na ang unang lesson sa Quarter 2.

Oktubre 28, 2022

Naistorbo ang tulog ko dahil kay Herming. Kumakatok siya sa pintuan ng kuwarto nina Zillion. Rinig na rinig ko ang pagkiskis niya ng kamay sa pinto. Tapps, maaga pang bumangon ang mag-ina. Second day ng test ni Ion. Si Emily naman, may lakad. Since 9:30 pa dapat ako nasa PZES kaya kahit past 7 na ako makaalis.

Natulog uli ako. Nakaidlip na ako nang ginising ako ni Emily para humingi ng pamasahe ni Ion. Bumangon na rin ako para maghanda na sa pag-alis.

Past 9:30, nasa venue na ako. Naroon na ang mga kasamahan ko, pero hindi pa sila nagsisimula.

Matagal akong walang ginawa roon. Naghintay lang ako na mag-present sila ng mga outputs. After lunch na iyon nangyari. Nagsulat na lang ako. Ipinagpatuloy ko ang kuwento ni Herming. Then, habang nagla-lunch, nakakuwentuhan ko ang dalawa sa mga kasama ko. Nagpaturo rin ang iba sa pag-illustrate, gamit ang publisher. Humahanga sila sa akin. Hindi sila makapaniwala na kaya palang makagawa ng mga artworks sa Publisher.

May isang writer naman na humingi ng copies ng stories with digital illustrations. Gagamitin daw niya para sa mga ALS students niya. My pleasure na ipagamit sa kanila ang mga materials ko.

Nasuspende ang mga klase bago mag-alas-tres ngayong araw dahil sa tropical cyclone na si Paeng. Signal No. 1 na sa Metro Manila. Past 3, tapos na rin ang workshop.

Sa PITX, habang nakapila ako, nakita ko sina Emily at Ma'am Jenny. Sabay-sabay na kaming umuwi.

Sobrang traffic sa Tejero kaya natagalan kami. Past 7:30 na kami nakauwi.

After dinner, ipinakita ni Ion ang water bill. Nainis na naman ako kasi hindi nag-reflect ang binayad namin last month. I thought, naayos na nila, pero hindi pala. Kaya pala umabot na ng P1, 100 plus. Mabuti na lang, P350 plus na lang ang bill ngayong buwan. Mas malapit ito sa original naming konsumo dati. Bukas, ipapareklamo ko na naman ito kay Emily.

Oktubre 29, 2022

Puyat ako dahil sa bagyo. Hindi ko.magawang matulog nang mahimbing.

Pag-alis nina Emily at Zillion para dumalo sa kiddie birthday party, gumawa ako ng PPT. Comics-style uli.

Dumating din sila agad. Pero, tapos na ako. Ang digital illustrations naman ng bago kuwento ko ang ginagawa ko..

Maghapon hanggang gabi ako nag-digital illustrate. Tumigil lang ako para maghanda ng dinner. Natakot akong mawalan ng kuryente, kaya nagluto ako nang maaga. Good thing, hindi nawala ang kuryente at wifi kahit malakas ang ulan at hangin.

Naka-5 slides ako ng kuwentong 'Hermiiiiing!.' Sana bukas matapos ko na. Excited na ako sa output.

Oktubre 30, 2022

Halos magdamag umulan kaya kulang na kulang ako sa tulog. Bukod sa kailangang maging alerto, sumakit pa ang tuhod at likod ko. Rayuma attack! Hindi rin ako nakatulog up to sawa. Oksy lang! Ang mahalaga, safe kami sa bagyong Paeng.

Pagkatapos kung maglinis nang kaunti sa kusina, humarap na ako sa laptop. Nag-digital illustrate na ako. Sa kuwarto na rin ako nag-almusal.

Maghapon akong nag-illustrate kaya medyo marami skong natapod ngayon. Naisingit ko rin ang pagbabasa ng komiks sa Penlab, paggawa ng lesson materials sa PPT at Canva.

Past 9 pm, tumigil na ako. Nag-off na ako ng laptop. Nagsulat naman ako para sa Wattpad.

Oktubre 31, 2022

Kahit paano,.nagkaroon ako ng maayos na tulog. Salamat sa Diyos!

Before 7, gising na ako, pero hindi muna ako bumangon. Nag-cell phone muna ako hanggang past 7:30.

Pagkatapos mag-almusal, naglinis ako sa labas at sa garden. Winalis ko ang mga dahong nalaglag noong bagyo. Nag-brush ako ng semento dahil makapal na ang lumot.

Nagpahinga muna ako, then nagtabas ako ng sanga ng puno. Nahirapan akong chop-chop-in para magkasya sa sako ang mga dahon at sanga.

After makapagpahinga, naligo na ako at nag-digital illustrate. Plano kong tapusin ngayon ang 'Hermiiiiing.'

Hindi naman ako nabigo, past 6, tapos ko na ang illustrations. Sinunod ko na ang audio recording. Kaya, bandang 7, nakapag-upload na ako sa YT.

Nakakabilib na ang kakayahan ko. Kung mas marami nga lang akong time, mas gagandahan ko pa.

Ayaw kong sayangin ang long weekend, kaya nagsimula ako ngayong gabi ng isa pang project. Gumawa naman ako ng vlog para kay Emily. Tungkol sa colon detoxification naman ang topic ko. Kaya lang, medyo pagod na ang kamay at mata ko, kaya ihininto ko muna. Nanood na lang muna ako ng balita.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...