"May dapat po kayong malaman, Mommy..." turan ni Daniel, nang wala na sa paningin niya ang nang-aasar na kapatid.
Natigilan si Mommy Nimfa.
"Mommy... kailangan ko pong panagutan ang nakasama kong babae nitong mga nakaraang araw." Malinaw niyang sinabi.
Animo'y nawalan ng hangin ang katawan ni Mommy Nimfa. Napaupo siya sa sofa at nasapo ang dibdib. "O, my God... It can't be."
Tinabihan ni Daniel ang ina. Niyakap niya ito. "Mommy, sorry po...Tulungan niyo na lang po ako."
Lumaya na ang mga luha sa mata ni Mommy Nimfa.
Natanaw naman ni Daniel ang bababa sana niyang kapatid. Tumakbo ito pabalik sa kuwarto ng ate nila.
"Alam mo ba ang pinasok mo, anak? Responsibilidad. Malaking responsibilidad. Kaya mo na ba?"
Hindi niya sigurado, pero umoo siya. Gusto niya lamang ipakita sa kanyang ina na malakas siya at hindi niya pinagsisisihan ang ginawa niya.
"Kung ganu'n... panindigan mo siya. Bumalik ka du'n." Nagpahid ng luha ang ina.
Nang bumaba si Doreena, ang ate ni Daniel, kalmado na si Mommy Nimfa. Ilang segundo na rin silang natahimik.
"Anong nangyayari dito?" ani Doreena, habang pababa ito ng hagdan. "Donald, bakit? Ano bang problema mo?"
"Sa garden lang ako, Doreena. Ikaw na ang bahala," paalam ng ina.
"Sige po Mommy." Pinandilatan ni Doreena si Daniel at nang nasa labas na ang kanilang ina, pinasunod niya sa dining area ang kapatid.
Doon ay hinarap ni Daniel ang malamig na kapeng inihanda ng kanyang ina. Humigop siya. Gustong-gusto niya ang lasa niyon. Magkahalong pait at tamis, parang ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Nasa bingit siya ng problema, pero alam niyang nariyan ang kanyang pamilya para alalayan siya.
Kumuha ng maliit na tasa si Doreena. Nilagyan niya ng imported na kape at kaunting asukal na puti, saka niya pinatuluan ng tubig mula sa airpot. Pagkatapos, humarap siya sa kapatid.
"Mataas ang pangarap sa atin nina Mommy at Daddy. Alam mo 'yan. Mataas din ang pangarap ko sa buhay. Sana ganun ka rin," litanya ni Doreena, habang naghahalo ng kanyang kape. "Pero, sa ginawa mo, mukhang ikakahiya ka ng angkan." Humigop siya ng kape. "Tama ba ang narinig ni Donald?"
Inalog-alog ni Daniel ang kanyang tasa, bago nagsalita. "Oo, 'te."
Bahagyang kinurot ng ate si Daniel. "Paano na, Daniel? Nag-iisip ka ba? Huwag mong sabihing iaasa mo kina Mommy at Daddy? Diyos ko naman, ako ngang may asawa na, hindi pa ako maibahay... ikaw pa kaya. Pare-pareho na tayong palamunin dito."
"Ate, 'di ko naman siya dito ititira, e."
"Saan? Sa kalye? Sa mga biyenan mo?" mabilis na tanong ni Doreena.
Humigop ng malamig na kape si Daniel. Hindi niya kasi alam ang sagot sa tanong ng ate niya. Saan nga ba?
"Anong klaseng babae siya? Anong klase ng pamilya ang meron siya?"
"Hindi mahalaga ang katayuan sa buhay, ate..."
"Hindi?" Tumawa si Doreena. "Ang kapeng ito ay imported. Iba ang lasa nito kumpara sa lasa ng pipitsuging kape. Ngayon, sabihin mong hindi mahalaga ang katayuan sa buhay..."
Nasa tamang pag-iisip pa si Daniel, kaya alam niya ang ibig ipakahulugan ng ate. Nayabangan lamang siya sa kapatid. Hindi niya alam na may pagkamatapobre ito.
"Hindi naman sila mahirap. Hindi rin mayaman," paliwanag ni Daniel. Napadalas ang paglagok niya ng malamig na kape. Pinag-ingay niya pa ang mga yelo sa loob ng tasa, para mabawasan ang nginig niya sa katawan.
"Tama na 'yun sa'yo? Hindi ka man lang nangarap ng babaeng mas angat sa buhay natin."
"Para saan, 'te? Hindi naman yaman ang basehan ng kaligayahan, e."
Lalong natawa si Doreena. "Wow! Humuhugot ka pa. Lakas ng loob mo... Sana, one day, maalala mo ang mga sinabi mong 'yan."
Tinungga ni Daniel ang kape at saka tumayo para ilagay sa lababo ang tasa.
"Aalis na ako," naiinis siyang sabi.
"Hindi naman kita pinapalayas. Gusto ko lang malaman mong maling-mali ang ginawa mo. Sana nag-isip ka bago ka tumikim. Ngayon, sige... panindigan mo 'yan. Ang pag-aasawa ay parang kape. Ingat ka!"
Kahit paano ay naibsan ang pagkainis niya nang marinig niya ang huling pangungusap ng kanyang ate. Alam niyang concern ang kapatid niya sa kanya. Kahit anong mangyari, may pamilya siyang uuwian. Kaya, handa na siyang harapin ang panibagong buhay, na hindi man niya pinaghandaan, ay willing siyang harapin at ipaglaban.
No comments:
Post a Comment