Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 18

 


Dumaan muna si Daniel sa pabrikang dati niyang pinagtrabahuan. Laking pasasalamat niya nang makuha na niya ang nakapondong sahod niya. Bale P1049.75 pa ang nakuha niya. Naisip niyang bumili ng mumurahing cellphone upang kahit nasa Batangas na siya ay may komunikasyon pa rin siya kay Baby. Marinig lamang niya ang boses ng anak, maligaya na siya.

Dumaan siya sa palengke upang tumingin ng mumurahing cellphone. Ilang tindahan rin ang kanyang pinuntahan, ngunit tila sumabog lang ang puso niya sa kabiguan. Hindi niya kayang bumili sa ngayon. Hindi siya dapat maubusan ng pera sa bulsa. Ayaw na niyang maulit ang nangyari noong isang araw. Ayaw na niyang maglakad.

Gumaan lang ang loob niya nang maisip niyang makigamit na lamang ng cellphone sa mga pinsan niya sa Batangas.

"Kuya, may pera ka? Pautang naman ng P200," ani Donald. Kararating pa lamang niya sa kanilang bahay.

"Bakit?" mahinahong tanong ni Daniel. Hindi niya na kayang biguin pa ang kanyang kapatid, ngunit kailangan niyang malaman ang dahilan.

Pinaikot-ikot muna ni Donald ang bola sa kanyang mga kamay. "Ipambabayad ko lang sa barkada ko."

Hindi na nag-usisa si Daniel. Alam niyang kukunsintihin niya lang ang kapatid niya. Ang duda niya ay ipampupusta niya ang pera sa basketball. Gayunpaman, binigyan niya agad ito ng dalawandaang piso para kahit sa munting halaga ay mabawasan ang galit nito sa kanya.

"Salamat, Kuya!" Tinapik lang ni Donald ang balikat niya at dagli itong umalis, dala ang basketball.

"Ingat!" sigaw ni Daniel. Sinundan niya ng pagsambit ng "Ingat sa paggasta ng pera."

Alas-singko na. Naghanap na ng kape ang sikmura niya, kaya agad siyang nagpainit ng tubig. Habang hinihintay itong kumulo, naghanda na siya ng tasa. Sa ibabaw ng canister ng kape, nakita niya ang kanyang obra. Sumikip ang dibdib niya sa isiping malalayo siya nang matagal kay Baby.

Matagal niyang tinitigan ang towel paper na iyon, hanggang sa kumulo na ang tubig. Nagpatulo siya nito sa tasa. Hinalo-halo. Humigop...

Natawa si Daniel. Wala palang asukal ang kanyang kape. Tinikman niya uli. Matabang nga. Lasang-lasa niya ang pait ng kape. Naalala niya tuloy ang pag-ibig niya kay Lorenzana. Simula pa lang nang nagsama sila, matabang na ang pakikitungo niya rito. Damang-dama niya ang pait ng buhay simula noon. Palibhasa, hindi niya ito mahal. Gaano mang pagpilit ang ginawa niya na matutuhang mahalin ang asawa, hindi pa rin niya nagawang patamisin ang kanilang relasyon. Kundi nga lamang kay Baby, na siyang naging tubig ng kanilang mapait na kape, hindi magtatagal ang kanilang pagsasama.

Parang nagustuhan na ni Daniel ang kapeng walang asukal. Nakalimang higop na siya, nang magdesisyon siyang sanayin ang sarili sa kapeng walang asukal. Iwas na sa diabetes, matipid pa. Aniya, "Masarap naman ang kape at tubig lang."

Noon pa man, hindi na niya kailangan ang asawa para lumigaya. Sapat na sana si Baby na kasama niya. Kaya nga, pinagtutulakan niya si Lorenzana na mag-abroad. Kapag lumayo ito, baka sakaling mabago ang pagtingin nito sa kanya. Hindi malayong makatagpo siya doon ng lalaking magmamahal sa kanya, gaya ng isang mamahaling kape.

Huminga siya nang maluwag. Kahit paano ay naramdaman niya ang bahagyang pagluwag ng kanyang dibdib, na kanina lamang ay sumasakit. "Kailangan ko na talagang magbakasyon sa Batangas, naisip niya.

Dinaganan niya ng ref magnet ang larawan ni Baby. Isang ngiti ang pinakawalan niya sa anak, bago siya nagsimulang maghanda ng kanilang hapunan. Pakiwari niya'y gumanti ng ngiti ang kanyang anak.

Nanunuod si Daniel ng balita nang dumating si Mommy Nimfa. Gusto niyang luksuhin at yakapin ang ina dahil sa tuwa, ngunit tanging pagmano lang ang nagawa niya. Kailangan niya muna kasing kunin sa kanya ang mga bitbit nitong pasalubong.

"Kape po?" tanong ni Daniel sa ina.

"Sige na, 'nak, para mawala ang pagod ko."

"Anong gusto niyo po? Brewed o instant?"

Makahulugan ang ngiti ni Mommy Nimfa. "Brewed."

"With sugar, less sugar o no sugar?" inosenteng tanong niya.

Napahagalpak sa tawa ang ina. "Anong nangyari sa'yo, Daniel?"

Napilitang ngumiti si Daniel nang makitang tumatawa pa rin ang ina. "Kasi po, kanya-kanya po tayo ng panlasa at standard. Parang sa buhay. Kanya-kanya tayong may pangarap. Magkakaiba..." Tumalikod na siya upang ihanda nag brewed coffee ng ina, ngunit nagsasalita pa rin siya. Dinig naman iyon ng kanyang ina, na nasa sala. "Kanya-kanya tayong kakayahang tanggapin ang pait ng kape... ang pait ng buhay."

Nang matapos ang pagsalang ni Daniel ng tubig at barakong kape, naabutan niyang tumatawa pa rin ang ina. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...