Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 16

 Pinilit iwaglit ni Daniel sa kanyang isipan ang mga alaalang nagpapahina sa kanya. Si Baby ang binigyan niya ng atensiyon at pokus. Sa mga sandaling gising ang kanyang anak, ngiti at tawa nito ang tumulong para pansamatalang makalimutan niya ang masalimuot na mga bahagi ng kanyang buhay.

Gusto niyang ituring ang kanyang anak na biyaya sa kanya ng Diyos. Noong panahong humiling siya ng anak, asawa ang ibinigay sa kanya ng Panginoon. Nang nagdalantao si Lorenzana, akala niya'y matutupad na ang pangarap niya na magkaroon ng lalaking anak, ngunit nabigo siya. Babaeng anak ang ibinigay sa kanya.

Ngayon, maituturin na nga niyang biyaya si Baby. Siya ang katuparan ng kanyang pagiging anak. Dahil sa kanya, patuloy siyang lumalaban sa pait ng buhay. At, patuloy siyang lalaban dahil alam niyang ang buhay ay isang kape—mapait, ngunit maaaring maging isang masarap na inumin, depende sa pagkatimpla. Nararapat lamang na pasarapin ang pagkatimpla upang ligaya ang maihatid nitong epekto.

"Dance nga ang baby ko," utos niya sa anak nang may magandang tugtog mula sa telebisyon.

Kumembot-kembot naman si Baby. Napapalakpak si Daniel sa kabibuhan ng anak. Aniya, "Galing-galing naman ng baby ko, manang-mana kay Papa." Pumalpak din ang bata, na animo'y sumasang-ayon sa ama.

Nag-ring ang telepono.

"Wait lang, Baby, ha?" Nakatingin pa rin siya sa anak, habang tinutungo ang telepono. "Hello! Alvarez residence. Good morning!" Saglit na nag-abang si Daniel sa sasabihin ng kausap. Ang pinsan niya pala na nag-aalok ng trabaho kay Lorenzana, ang tumawag. "Ate, 'musta?" Nakabantay pa rin siya sa anak. "Okay naman, 'te... Oo. Nilakad na niya kahapon. Nasa bahay kami ng anak ko ngayon... Wala si Mommy. Ako ang pinagbantay dito. Wait ko lang ang pagdating niya... Oo. Pag-uwi namin, malalaman ni Lorenzana ang good news na 'to. Salamat, 'te, a. Bye!" Nayakap ni Daniel ang kanyang anak. "Makakaalis na si Mama."

"Ma... ma? Mama?" Tila nalungkot si Baby nang maalala ang ina.

"Opo. Si Mama nasa bahay. Miss mo na si Mama?"

"Mis ma ma! Mis ma ma!"

Muli niyang inaliw ang anak dahil nawala ang sigla nito. Nagsisisi siya kung bakit ipinaalala pa niya rito ang ina. Gayunpaman, nagawa niyang ipanumbalik iyon. Naglakad-lakad sila sa garden. Tinuruan niya ang anak kung ano-ano ang pangalan ng mga halaman at bulaklak na tanim ng kanyang lola. Aliw na aliw naman ang bata.

Nang magsawa si Baby, nagkantahan naman silang mag-ama. Tuwang-tuwa ang bata nang kantahan siya ni Daniel ng 'Itsy Bitsy Spider'. Bahagya rin niyang kinikiliti sa kilikili ang anak.

Napuno ng ligaya ang puso ni Daniel sa maghapong pagsasama nila ni Baby. Natupad niya ang pangako niya kay Lorenzana na aalagaan niya nang mabuti ang kanilang anak. Napakain niya rin ito bago napatulog.

Alas-diyes na nang gabi nang maramdaman ni Daniel ang pagdating ng kapatid niya. Bumangon siya para ipagluto ito kung sakaling hindi pa kumain.

"O, Donalad, 'musta? Kumain ka na ba?" kaswal na tanong ni Daniel, ngunit may halong pag-aalala.

Tumingin muna sa kanya ang kapatid, saka ipinagpatuloy ang pagtatanggal ng sapatos.

"Ipagluluto kita..." sabi ng kuya.

"Huwag na. Kumain na ako," mahinahon ang boses ni Donald.

"A, sige. Ikaw na ang bahala sa mga ilaw diyan. Aakyat na ako. Andiyan kasi si Baby. Kasama ko."

"Andiyan?" Natuwa si Donald. Paborito niya kasi si Baby. Palibhasa, unang pamangkin.

"Oo. Tulog na nga lang. Bukas na lang kayo maglaro. May lakad ka ba bukas?"

"Hindi na muna ako aalis."

"Okay!" Lihim na natuwa si Daniel. Dahil sa kanyang anak, tila napatawad na nila ang isa't isa. "Akyat na ako."

Nasa taas na si Daniel nang tawagin ni Donald ang kapatid. "Kuya, nagtext pala sa akin si Ate Lorenz..."

"Ano raw?"

"Nakakuha na raw siya ng NBI clearance, pero may problema ang birth certificate niya..."

"Ano raw ang problema?"

"Ang Z ng Lopez niya ay S."

"A, sige... Salamat!" Bumigat ang ulo ni Daniel. Hindi agad siya dinalaw ng antok dahil sa panibagong problema. Subalit, naisip niya na hindi iyon masyadong mabigat. Madali lang masolusyunan iyon. Libre na ngayon sa NSO ang pagpapaayos ng pangalan at apelyido.

Kinabukasan, na-enjoy ni Daniel ang kanyang mainit na kape dahil kalaro ni Donald si Baby. Nakapagluto rin siya ng masarap at masagana nilang almusal.

Sabi niya sa sarili, "Sana ay magtuloy-tuloy na ang ganitong samahan. Sana rin ay maayos agad ang papeles ni Lorenzana. Handa na akong mag-alaga kay Baby sakaling matuloy siya."

Naghuhugas ng mga pinagkainan si Daniel nang dumating si Lorenzana. Tuwang-tuwa si Baby nang makita siya, kaya agad na nagpakarga, saka naman umalis si Donald para mag-basketball.

"Kumusta ang lakad mo kahapon," tanong ni Daniel.

"May problema ang apelyido ko," matamlay niyang sagot.

"Tumawag si Ate Nellie. Kailangan daw na kumuha ka nan g passport mo."

Hindi kumibo si Lorenzana. Nagkunwari itong abala sa anak.

"Gusto kong makaalis ka na agad. Hayan na... May tutulong na sa'yo..." Tumaas sa ulo ang dugo ni Daniel nang mapansin na tila hindi interesado ang asawa. "Wala ka man lang bang reaksiyon? Hindi ka masaya?"

"Bakit? Kailangan ba may reaksiyon ako? Hindi pa naman ako makakaalis, a," mataray pa nitong sagot. "Magpa-process pa nga lang ng mga papeles, e."

"Kaya nga, e... Bakit kasi andito ka? Dapat inaasikaso mo na ngayong araw. May problema pala,e ."

"Diyos ko! Kakarampot na pera, ipanlalakad ko pa! Paano na ang gatas nitong anak mo? May ibibigay ka ba?"

"Wala! Wala akong trabaho, 'di ba?" Sumigaw na si Daniel. Ngayon niya lamang siya nakapagtaas ng boses, simula nang magsama sila. "Kaya ka nga tinutulungan ng Mommy ko at pinsan ko."

"Sana ikaw na lang ang tulungan. Huwag ako!" Mataas na rin ang boses ni Lorenzana.

"Puta... Paulit-ulit na lang ba nating pag-aawayan 'to? Mahina ba ang ulo mo o sadyang manhid ka lang?"

"Manhid na ako, Daniel! Manhid na ako sa paghihirap... Ikaw ang lalaki. Ikaw dapat ang nagpapasok ng pera. Hindi ako. Ngayon, kung hindi mo kaya, lalong hindi ko kayang malayo sa anak ko. Hindi ako aalis..."

Naiiyak-iyak na si Baby, kaya tumigil na ang mag-asawa.

Agad na inempake ni Lorenzana ang mga gamit ng anak. Nahulaan naman ni Daniel na iuuwi ng asawa si Baby.

"Ang usapan natin, dito siya hanggang dumating si Mommy..."

"Iuuwi ko na siya, sa ayaw at sa gusto mo."

Harangan man ni Daniel ang asawa, wala rin namang mabuting kahihitna niyon, kaya minabuti na lamang niyang umalis ang mag-ina. Ang nakakasama ang ng loob ay ni hindi sa kanya inilapit si Baby para makapagpaalaman silang mag-ama. Basta na lamang itong umalis. Nakatayo lang naman siya doon. Para siyang isang lumamig na kape.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...