Followers

Wednesday, May 22, 2024

Panalangin sa Literacy and Numeracy Projects -- Culminating Program

 Panginoon, pinupuri namin ang Iyong dakilang pangalan. Sinasamba ka namin at pinasasalamatan sa mga biyaya, kalakasan, at kaalaman na aming natatamo sa araw-araw.

Sa mga sandaling ito, Panginooon, na kami ay nagkakatipon, ay labis kaming nagagalak sa iyong presensiya. Basbasan mo ang gawaing ito na muling maging isang tagumpay. Kumintal nawa sa diwa ng bawat isa ang kahalagahan ng mga programang aming panadaliang ipipinid, kasunod sa pagsasara ng mga klase. Maraming salamat sa iyong gabay at pagpapala! Lubos kaming natutuwa sa mga biyaya ng kaalaman sa Matematika na ipinagkaloob mo sa amin, gayundin sa kakayahang magbasa at umunawa ng binasa. Ngayong nakakabasa na kami, pangako po na ipagpapatuloy namin ito dahil naniniwala kaming ang kakayahang magbasa ang magdadala sa amin patungo sa aming mga pangarap. Pangako po, na magiging mahiligin kami sa libro at iba pang babasahin. Hindi kami hihinto at magsasawang magbasa at magbuklat ng aklat sa kabila ng mga mapaminsalang gadget at teknolohiya. Bukod sa mga salita, natuto rin kami sa mga numero dahil sa Iyong gabay. Hindi lamang kami natuto sa apat na Fundamental Operations, kundi natuto rin kaming gamitin ang mga ito sa reyalidad ng buhay. Natuto kaming dagdagan ang aming kasipagan at deteminasyon sa aming pag-aaral at anomang pagsisikhay. Natuto kaming bawasan ang bagay at gawaing nagdudulot ng kasamaan, sakit, at kahirapan. Natuto kaming paramihin ang aming kaalaman, kakayahan, at talento, gayundin ang aming mga kaibigan at magagandang karanasan. At natuto kaming hatiin ang mga oras para sa edukasyon, sarili, pamilya, at pamayanan. Hinihiling namin na muling magkaroon ng mga ganitong proyekto sa susunod na taong panuruan upang higit pa kaming matuto. Patuloy niyo pong gabayan ang mga taong nasa likod ng mga gawain at adbokasiyang ito. Patawarin Niyo kami sa aming pagkakasala at pagkakamali, at ilayo Mo kami sa anomang sakit at kapahamakan. Ang lahat ng ito ay idinudulog namin sa Iyong matamis na pangalan, Amen.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...