"D aq m22loy, beh," text ni Daniel kay Lorenzana, isang gabi. Nilagyan pa niya ng crying emoticon.
"BAKIT? Akla q b uuwi k? Bbinygan n si Baby, d b? Wla ka." Iyan naman ang reply ni Lorenzana.
Gusto lang biruin ni Daniel ang asawa. "Wla p kc aq gaano klaking pera."
"SsgutN n nga n Tta Riza ang pnggasTos. S kNya n lhat."
"NkkHiya, beh. AnO n lng ang ssbhin nla skn?"
"Wag mong icpin un. Ang mhlga, mbinyGan n c Bby. Sbi nLa, kya rw mdlas mgkskit dhl wla png bnYag."
"Bhla n..."
"Miz k n nmin n Bby. Sge n, beh. Uwi k n."
Tawang-tawa si Daniel sa reaksiyon ni Lorenzana. Halos kiligin pa siya sa mga huling salitang iniwan sa kanya nito, bago siya natulog. Napabuntong-hininga pa siya at naisaloob, "Kung alam niyo lang kung gaano ako kasabik na mayakap at makasama uli kayo..."
Hindi man niya gusto ang ideyang ililibre lahat ng tiyahin ni Lorenzana ang mga gastusin sa isang binyagan, kailangan niyang lunukin ang kanyang pride. Ngayon pa ba siya mahihiya? Matagal na rin naman silang umaasa sa mga padala ng mga kamag-anak ng asawa niya. Subalit, ipinapangako niyang ito na ang huling pagkakataon na aasa siya sa bigay. Masyado nang malaki ang utang na loob niya sa mga kamag-anak ni Lorenzana. Ayaw naman niyang hindi na siya makaahon dito.
Naisip niyang sa Sabado na lang ng gabi siya bumiyahe upang hindi siya magahol sa oras. Sa Linggo ng umaga kasi ang binyag—ang biglaang binyag. Hindi naman niya puwedeng palampasin ang okasyon para sa kanyang unica hija.
Limang araw niyang isinubsob ang sarili sa trabaho. Naging inspirado siya sa lahat ng mabibigat at mahihirap na trabaho ng isang construction worker. Naging thankful rin siya sa maliit na sahod nito. Aniya, mas maigi na iyon kaysa sa wala. Ipinagpapasalamat nga niya sa Panginoon ang patuloy na pagganda ang kanyang kalusugan. Unti-unti niyang nararamdaman ang ginhawa sa kanyang baga at paghinga. Idagdag pa ang panunumbalik ng kanyang hubog ng katawan.
Para kay Daniel, tila kay bilis lumipas ang mga araw. Sabado na. Natanggap na niya ang huling sahod niya sa construction na pinag-ekstrahan niya. Walang kasing saya ang pakiramdam na ang suweldo mo ay ilalaan mo para sa pamilya mo, kahit hindi gaano kalaki.
"Par, salamat nga pala. Malaking tulong sa akin ang pagpasok mo sa akin sa construction," ani Daniel kay Celso.
"Ayos lang! Basta ikaw," tugon ng kaibigan. "Ano? Inom muna tayo?"
"Bigyan na lang kita ng pang-inom. Kailangan ko nang umuwi."
"Ha? Hindi. Huwag na. Akala ko kasi bukas ka pa uuwi."
"Mamayang alas-nuwebe ako bibiyahe. Gusto kong sorpresahin ang mag-ina ko."
Tumawa si Celso. Sumilay na naman ang mga gilagid niya. "Sorpresahin? Ayos 'yan, par! Kasunod niyon ang pasalubong mong mainit-init." Tumawa uli siya.
Naunawaan ni Daniel ang biro ni Celso. "Oo, par... Mainit-init na sago ang tatanggapin niyang pasalubong sa akin bukas."
"Akala ko, mainit na kape..."
Pagkatapos nilang magtawanan, sumakay na sila ng traysikel pauwi.
"Par, totoo pala ang sabi nila, na kapag nagkalayo at muling nagkapiling, tumitibay ang relasyon," seryosong simula ni Celso.
"Oo. Parang totoo nga. Bakit?"
"Ikaw at ang asawa mo. Miss na miss ninyo ang isa't isa. Ako naman asar na asar sa asawa ko dahil araw-araw akong may kasamang bungangera. Halos araw-araw kaming nag-aaway. Minsan nga, naisip kong humanap ng trabaho sa malayong lugar para lingguhan o buwanan na lang akong uuwi. Nakakarindi, e."
"Par, ganyan talaga ang buhay may asawa. Magiging matatag ka rin naman kung gugustuhin mo, e. Nang nag-stay ako dito, na-realize ko na mali ang ginawa kong pag-give up sa ugali ng asawa ko."
Tumawa si Celso. Ibang klase ka. Ako, nanghihinawa na sa asawa ko. Ikaw naman... Ewan! Hindi ko maintindihan ang buhay." Hinilamos niya ang kanyang mga palad sa kanyang mukha.
Tinapik-tapik ni Daniel ang balikat ng kaibigan. "Huwag kang manghinawa sa kanya. Ang asawa ay asawa. Ang mga babae ay paiba-iba ang timpla. Ang pag-aasawa nga raw kasi ay parang pagtitimpla ng kape. Masanay ka na."
Pumara na sila. Hindi na nakatugon si Celso sa sinabi niya, ngunit naniniwala siyang nauunawaan siya nito.
Papasok pa lamang siya sa gate ng bahay ng Tiyo Vicente niya, napangiti siya. Natatawa at natutuwa siya sa kanyang sarili. Ang husay niyang magpayo kay Celso, samantalang kamakailan lang ay dumanas din siya ng kaparehong dilemma ni Celso.
"Dandan, abot-tainga ang ngiti mo, a. Poging-pogi ka tuloy. Anong balita?" masayang bati ni Ate Remy kay Daniel. Papalabas siya sa bahay.
"Wala lang, ate. Sosorpresahin ko kasi si Lorenzana. Uuwi na ako mamayang gabi."
"Ha? Bakit biglaan? Na-miss mo agad?"
"Na-miss ko si Baby." Ngumiti uli si Daniel.
"Asus! Na-miss si Baby o ang nanay ni Baby?"
Nagtawanan sila, bago nagpaalam si Ate Remy na mamamalengke.
Mabilis na kumilos si Daniel. Nagpaalam siya kina Tiya Loenora at Tiyo Vicente. Nabigla ang dalawa sa kaniyang desisyon, ngunit wala silang nagawa. Hindi naman daw kasi nila saklaw ang pag-iisip ng pamangkin.
"Natutuwa ako desisyon mo, Dandan," ani Tiya Leonora, habang nagkakape si Daniel. "Anumang suliranin sa pagitan ninyong mag-asawa ay katulad ng kapeng hindi mo gusto ang pagkatimpla. Nareremedyuhan ito. Kapag mapait, dagdagan mo ng tubig. Kapag matabang, dagdagan mo ng asukal. Nasa iyong kamay ang ikakatamo niyo ng ligaya. Kaunting tiis at sipag lang. Dagdagan mo na rin ng maraming pang-unawa, gaya ng ginawa ko sa tiyo mo..."
"Salamat po. Sisikapin ko pong maging tama ang timpla ng kape naming mag-asawa. Si Baby po ang pinakamahalagang sangkap ng buhay ko. Siya po ang dahilan ng aking pakikipaglaban sa mga kabiguang ito."
"Nagma-mature ka na talaga, Dandan. Hindi na ikaw ang dating paslit na naliligo lang maghapon sa dagat."
Napangiti si Daniel. Naalala niya kasi ang kanyang kabataan. Minsan, napalo pa nga siya ni Tiya Leonora dahil hindi siya nagpaalam na maliligo sa dagat. "Kaya nga po, e. Pero, teka po, maliligo po muna ako sa dagat, bago mag-empake. Puwede po ba?"
Tumawa si Tiya Leonora. "Aba'y siyempre naman, Dandan. Ngayon pa ba kita rerendahan, e, magulang ka na rin. Pero, sana nakapagpahinga ka na. Masama ang epekto sa katawan ng pasma. Tandaan mong galing ka sa trabaho..."
"Opo. Nakapagpahinga na po ako. Sige po. Thank you!"
No comments:
Post a Comment