Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 1

 Nakatulalang nakaupo si Daniel sa paanan ng double deck. Iniisip niya kung mali ba na nag-resign siya sa trabaho, gayong nahaharap sa krisis ang kanilang pamilya. Nahihiya siyang lumabas. Ang katahimikan at kabaitan ng kanyang mga biyenan ay hindi niya maarok.

Pare-pareho silang nahihirapan sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ayaw na niyang maging pabigat. Ayaw na niyang pati ang gatas ng kanyang mga anak ay iasa pa sa kaniyang mga biyenan.

Kagabi, hindi siya nakarinig ng kahit ano, mula sa asawa niya. Gaya ng dati, galit ito sa kanya.

Maya-maya, narinig niyang pumalahaw ng iyak ang kanyang dalawang taong gulang na anak. Kagabi pa ito tinitipid ng ina sa gatas dahil paubos na.

"Doon ka sa Papa mo humingi ng gatas!" sabi ng ina. Halos ipagsigawan pa niya iyon.

Tila tinambol ang puso ni Daniel sa narinig. Gusto niyang yakapin na lang ang anak at ipadama ang kanyang pagmamahal, kaya lang ay lalo pa siyang nahiyang lumabas sa kuwarto para magkape.

Kinuha niya ang kanyang coin purse sa bag. Nais niyang mabilhan ng gatas ang anak, kahit ang pinakamaliit na karton. May P97.50 pa siya. Pamasahe niya sana ito para mabalikan ang nakapondong sahod sa kompanyang iniwanan niya. Hindi bale na, aniya. Mas mahalagang makainom ng gatas ang kanyang anak.

"Makakabili na yata ito ng gatas..." Iniabot ni Daniel sa nakasimangot at umiiwas na asawa ang kanyang coin purse.

Tiningnan lamang iyon ni Lorenzana. Ni hindi nito inabot upang bilangin. Wala rin siyang sinabi, ni isang kataga.

Pakiwari ni Daniel, wala siyang kuwentang ama. Pakiramdam niya ay sasabog na ang ulo niya at magbibitak na ang puso niya.

"Tama bang magalit si Lorenzana? Tama bang kamuhian niya ako? E, hindi naman talaga kaya ng kalusugan ko ang kemikal na ginagamit sa kompanya. Unti-unti lang akong igugupo niyon sa sakit, kung hindi ako aalis. Sana maintindihan niya ako," sabi niya sa kanyang sarili. Wala siyang magagawa, nasa puder siya ng kanyang mga biyenan.

Ilang minuto ang lumipas, mahapdi na ang sikmura ni Daniel. Matagal na siyang nakaupo doon, pero hindi pa siya hinahatiran ng kanyang asawa ng almusal o kahit kape man lang, gaya noong may trabaho pa siya.

"Gising na, Beh! Breakfast in bed!" Naalala ni Daniel ang mga sandaling kay sweet pa ni Lorenzana.

Sana... sana ganoon pa rin siya, naisip niya.

Gusto na niyang mahiga at matulog na lang ulit. Binigo siya ng kanyang asawa. Tuluyan na nga itong nagbago.

"Kape mo," blankong bungad ni Lorenzana, habang hawak-hawak ang tasa ng kape.

Napangiti nang kay tamis si Daniel. Hindi pala siya binigo ng asawa. Kay sweet pa rin nito, sa kabila ng kanyang kakulangan.

"Salamat, Beh!" Mas maraming ang boses niya kumpara noong mga nakaraang araw. Gusto niyang ipadama sa asawa niya na hindi siya magbabago kahit naghihirap sila. Natutuwa siya kahit agad na lumabas ang asawa nang walang salita.

Masayang humigop ng kape si Daniel, ngunit nasuklam siya sa asawa. Mas malamig pa sa pakikitungo niya ang tubig na ginamit sa pagtimpla ng kape. Halos mailuwa niya iyon. Subalit, nilunok pa rin niya. Naniniwala siyang ang buhay may asawa ay hindi mainit na kapeng hihigupin at iluluwa kapag napaso. Hindi niya kayang uminom ng malamig na kape, ngunit kailangan niya itong lunukin.

Tinungga niya iyon. Mapait, pero nakayanan niya.

Ilang sandali pa, lumabas si Daniel sa bahay ng kanyang mga biyenan, iniwan niya ang kanyang coin purse at binitbit naman ang pagmamahal sa kanilang anak.

"Patawad, anak... Hindi ko pa alam kung kailan nakita mabibilhan ng gatas," bulong niya, habang nilalakad niya ang kalsada patungo sa bahay ng kanyang ina, na kilo-kilometro ang layo. Gusto niyang umiyak doon at magkape--- mainit na mainit na kape.



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...