Followers

Thursday, May 9, 2024

Ang Aking Journal -- Npbyembre 2023

 Nobyembre 1, 2023

Wala akong tulog!

Hindi naman ako mastadong excited sa gala namin nina Ma'am Edith at Ma'am Mel. Mas excited ako sa pagsali sa NaNoWriMo o National Novel Writing Month. Simula na ngayon ang contest sa 8Letters. Wala pa rin akong malinaw na entry. Naisip kong tapusin ang mga nasimulan kong novella, pero parang hindi ako satisfied. Hindi ko maisip kung paano dudugtungan. Nagdadalawang-isip tuloy ako kung sasali pa ako o hindi na.

Before 2 am, bumangon na ako para magkape at mag-almusal. Masyado pa ring maaga kung aalis agad ako. Nagbasa-basa na lang ako ng writing prompts, bakasakaling makakuha ng ideya. Pero, wala pa rin talaga.

Before 3:30, nasa bus na ako. At 4:30, lumarga na ang sasakyan patungong Subic, gamit ang sasakyan ng kapatid ni Ma'am Edith. Driver namin ang bayaw niya o stepfather ng estudyante ko.

Hindi naman qko halos nakatulog sa biyahe. Bukod sa nagkuwentuhan kami, maalog pa ang sasakyan kasi maliit lang. Customized lamang iyon. Mabuti na lang, na-enjoy ko ang mga sights sa daan.

Past 7, nasa Alyza's cottage na kami. Hindi masyadong maganda ang cottage. Pangmasa kumbaga pero maganda ang beach.

Ang mga churchmates pala ni Ma'am Edith ang mga kasama namin. May babautismuhan kaya sila naroon. Mayroon ding may birthday bukas. Okey naman sila kasama. Marami pang pagkain. Hindi ako nakaramdam ng negative vibes.

Naligo kami hanggang 11 am. Ang sarap ng tubig-- hindi maligamgam. Malinaw. Bukod doon, pino ang buhangin kaya maganda at safe apakan. Hindi rin masyadong maaraw kaya hindi kami nangitim.

Inantok ako pagkatapos mag-lunch kaya umidlip ako. Kahit gusto ko pang lumublob sa dagat ay hindi ko na nagawa.

At past 1, nagbanlaw na ako. Alas-3 daw kasi ay uuwi na.

Pagkabihis, naglakad-lakad kaming tatlo at nag-picture-picture.

Worth it. Nag-enjoy ako sa mga sandaling iyon.

Past 3, pabalik na kami sa Manila. Andaming kutkuting binili ni Ma'am Edith na hindi nakain sa beach kaya sa biyahe pauwi namin kinain ang iba. Pero, andami pa ring tira. Kaya, gustong-gusto ko talagang sumasama sa kaniya.

Past 8, nasa bahay na ako. Pagod man, pero masaya. Nagkape ako habang nagdi-dinner para makapag-edit pa ako sa Wattpad.

Nag-decide akong hindi na sumali sa NaNoWriMo challenge ng 8Letters kasi kailangan kong i-prioritize ang editing. Andami ko ring diary entries na ita-type-- from notebooks.

Past 10, inantok na ako kaya pinagbigyan ko na ang sarili ko.

Nobyembre 2, 2023

Alas-otso na ako nagising. Ang sarap! Sa wakas, nakabawi na ako ng puyat. Late na rin kami nag-almusal, pero ayos lang.

Past 10 na ako nakaharap sa laptop para gumawa ng activity para bukas sa Google Forms. Naglinis at nagpunas ako ng sahig sa sala, sa kusina, at kuwarto ko.

Maghapon akong nasa sala. Nag-edit ako. Umidlip din ako at nanood ng docu, movie, balita, at teleserye. Siyempre, marami akong na-edit na chapter bago ako umakyat para natulog..

Nobyembre 3, 2023

Past 8 uli ako bumangon. Ang sarap kasing matulog. Sulit ang long weekend. Kahit palapit na nang palapit ang balik-eskuwela, okey lang.

Pagkatapos kong magluto at mag-almusal, naglinis at nagdilig muna ako ng mga halaman. Then, naghugas ng mga pinagkainan, saka ako humarap sa laptop. Nakapag-send na ako ng link ng Google Form para sa asynchronous learning ngayong araw.

Past 10, pagkatapos makapag-edit ng ilang chapters sa Wattpad, namili ako ng pagkain. Salmon head sana ang gusto ko, kaso walang may tinda. Bumili na lang ako ng pork belly. Adobo na lang.

Ngayong araw, nagluto ako simula umaga hanggang gabi. Nag-camoteque ako sa hapon. Nagtokwa't baboy naman sa gabi.

Past 10, umakyat na ako. Tapos ko nang eedit ang Book 2. Bukas ang Book 3 naman ang sisimulan ko. Malamang, bago magpasukan, makakapagsulat na ako ng next chapter.

Nobyembre 4, 2023

Hindi na ako nagluto. Bumili lang ako ng puto at kutsinta. Solb naman kami ni Ion.

Pagkatapos kong magwalis sa garden at mangusina, humarap na ako sa laptop. Sinikap kong ma-edit ko ang mga naisulat kong chapters sa Book 3.

Nagawa ko naman kaya nakapanood pa ako. At ang pinakamaganda ay nakapagsulat ako ng isa pang chapter.

Bukas, maglalaba at maghahanda naman ako ng mga learning materials.

Nobyembre 5, 2023

Maaga akong nagsimulang maglaba. Nagkape nga lang muna ako. Past 8, tapos na ako. Saka lamang ako nag-almusal.

Gumawa ako ng PPT sa Filipino. Then, gumawa ako ng vlog. Ginamit ko ang kuwento ni Mariang Sinukuan. Bago mag-lunch, posted na ang video sa YT.

Umidlip naman ako until past 3. Paggising ko, ang E-Class Record naman ang hinarap ko.

Past 6, habang nagsasaing, nagsulat ako para sa Wattpad. Hindi ko natapos kasi nanood ako ng horror movie.

Nobyembre 6, 2023

Hindi naman ako excited sa pasukan, pero hindi na naman ako nakatulog agad. At nang makatulog ako, ramdam kong gising pa ako. Ang babaw lang ng tulog ko. Andami kong mga realistic na panaginip, kaya parang hindi naman ako natutulog. Haist! Palagi na lang ganito kapag maglulunes.

Gayunpaman, bumangon ako bandang 6:20 para mamalantsa ng mga uniporme namin ni Ion. Nagluto naman ako pagkatapos niyon.

Eight-thirty, umalis na ako sa bahay. Kailangan kong agahan ang pagpasok, una, kasi baka matrapik ako, at pangalawa, magpapadala ako ng allowance nina Hanna.

Past 11 nasa school na ako. Wala nang matambayan. Mabuti, kaunti lang ang pumasok sa remedial class ni Ma'am Edith. Wala ring pumunta sa Math remedial, kaya doon kami nag-lunch.

Wala kaming palitan ng klase kasi nasa Leyte pa ang GL namin. Antagal tuloy ng oras. Pero, okey lang dahil ready naman akong magturo.

Pagdating ko sa bahay, 8:40 na, agad akong nag-dinner. Gutom na gutom na kasi ako. Nagkape lang ako sa school.

Pagkatapos kong manood ng BQ, nagsulat ako. Tinapos ko ang Chapter 16. Before 11, posted na iyon sa WP.

Nobyembre 7, 2023

Past 8:45, nasa bus na ako. Nagawa ko na sa bahay ang mga routines ko. Ready na rin ang ituturo ko. Kaya, nagsulat ako habang nasa biyahe.

Muntikan na akong ma-late. Traffic. Natagalan ako sa PITX kasi walang dyip na gustong bumiyahe. Tapos, nag-diarrhea pa ako kaya matagal din ako sa banyo. Nakakainis pa kapag nagmamadali kasi saka naman magpapagasolina ang driver. Mabuti, malapit na sa school kaya nilakad-takbo ko na lang. Ang problema, hindi ako nakapag-lunch bago ako humarap sa mga estudyante. May pinagawa muna ako sa kanila, saka ako nakabili ng ulam.

Walang palitan ng klase pero nagturo ako. Marami akong pinagawa sa kanila. Nagturo din ako ng mga elemento o bahagi ng kuwento.

Quarter to eight ba ako nakauwi sa bahay. Nine na ako nakakain kasi nagsasaing pa si Ion saka nanood muna ako ng BQ.

Past 10, nagsulat ako sa Wattpad. Ahil sa pagod, antok, at writer's block, hindi ako nakatapos ng isang chapter ngayong araw. Okey lang naman. Nakapag-post naman ako kahapon. Mauunawaaan naman siguro ako ng mga readers ko.

Nobyembre 8, 2023

Nauna pa akong nagising sa alarm ko. Minuto lang naman ang pagitan. Kaya, wala pang 6:30, umalis na ako sa bahay para sa aming orientation sa Project NUMERO. Dapat bago mag-9:30 ay nasa school na ako.

Nakarating naman ako sa school nang maaga. Natulungan ko pa nga si Marekoy sa paghahanda mga gagamitin.

Past 10 na nagsimula. Mabilis din namang natapos. Pinagsalitaan nila ako. Mabuti na lang, nakinig sa akin ang mga magulang. Napapansin kong humuhusay na ako sa public speaking. Impromptu pa. May mga nakakalimutan lang sabihin. Next time, kailangang may outline.

Eleven na natapos. Agad naman kaming dumalo sa LAC session. Past 12 na iyon natapos, kaya late na kami nakapasok sa classroom.

Wala pa ring pormal na klase dahil sa sports, at sa kung ano-anong bagay. Okey lang naman dahil nagtuturo ako sa advisory class ko. Hindi ko sila hinahayaang bakante.

Hindi ako masyadong nakapagsulat sa biyahe pauwi dahil sa antok at pagod. Umidlip ako sa bus. Quarter to nine na ako nakauwi.

Nainis ako kay Ion dahil ang mga ulam na nasa mesa ay walang takip. Kitang-kita ko ang bangaw na nakadapo sa isang mangkok ng ulam. Nasabi ko tuloy na, "Ayaw ko nang kainin 'yan. Ikaw ang kumain niya."

Hindi niya rin kinain. Ipinasok niya sa ref. Mabuti, may tira akong Bicol Express kanina. Iyon ang inulam ko.

Siya ang naghugas ang mga pinagkainan kaninang umaga. Bumawi siya.

Pagkatapos kong manood ng BQ, nagsulat ako. Past 10:30, posted na ang isang chapter sa Wattpad.

Nobyembre 9, 2023

Gumawa ako ng PPT ng Pandiwa. Sinimplehan ko lang para matapos ko kaagad. Hindi na nga muna ako gumawa sa kusina at namalantsa. Nagwalis lang ako sa garden. Okey naman ang kinalabasan. Puwede nang makapagbigay ng kaalaman lalo na't may kuwentong pambata akong babasahin bago ang lesson proper.

Nagsulat ako habang nasa biyahe. Pero, hindi kahabaan ang naisulat ko dahil umidlip ako.

Past 10, nasa school na ako. Hindi rin ako nakasulat kasi nakipagkuwentuhan ako kina Ate Bel at Tiyay, gayundin kay Ma'am Joan.

Nagpalitan kami ng klase bago mag-recess, kaya kahit paano ay mabilis ang oras.

Na-highblood ako sa dalawang Buko dahil nauna nang bumaba habang pinapipila ako ang mga kaklase nila. Inis na inis ako sa masasamang ugali. Natagalan pa naman akong nakauwi, kaya late na rin akong nag-report sa GC ng mga magulang. Sana hindi na maulit.

After dinner, gumawa ako ng worksheets para sa unang Sabado sa NUMERO o enhancement class sa Math. Naipasa ko naman agad sa GC kaya nakapanood pa ako ng BQ, bago ako inantok.

Nobyembre 10, 2023

Wala pang 6, gising na ako. Masarap sanang matulog kasi umulan, pero hindi puwedeng magbabad sa higaan. Kailangan ko pang maghanda ng pagkain, mangusina, at maglinis sa garden.

Before 9, nasa bus na ako. Napakaluwag! Kaya, sinamantala ko iyon para magsulat. Kaya lang agad din akong inantok nang nasa Cavitex na, kaya sinamantala ko rin iyon. Umidlip ako. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakakatulog sa biyahe.

Past 11, nasa old classroom namin ako. Ako lang mag-isa roon kaya nakapagmuni-muni ako. Naihanda ko rin ang activity ko para sa Buko. Kaya lang, ang bilis ng oras. Nagmadali pa akong kumain para maabutan ko ang Buko sa pilahan. Kahapon kasi, na-late ako. Nakaakyat na sila nang dumating ako sa pilahan.

Nasa klase ko ang ibang Avocado girls dahil nasa event si Ma'am Joan. Hindi talaga ako konportable kapag may ibang estudyanteng kasama ang Buko. Mas lalo silang nagpapasaway.

Hindi nga ako nagkamali. Grabe nilang pasaway. Maya-maya ang pagalit ko lalo na sa mga slow learners. Sila na nga ang hindi gumagawa, sila pa ang madaldal, maingay, at magulo. Ang tagal pa naman ng oras kapag walang palitan ng klase.

Mabuti na lang, mabilis akong nakauwi ngayon. Hindi masyadong ma-traffic. At nakaidlip ako habang nagsusulat.

Pagdating sa bahay, agad akong nag-dinner parya makagawa ako ng PPT ng lesson ko bukas sa Project NUMERO. Nanonood ako ng BQ habang gumagawa, kaya natapos ko kaagad at nakapagplantsa pa ako.

Sinikap kong matulog nang maaga. Medyo nahirapan nga ako.

Nobyembre 11, 2023

Walw pang 4, gising na ako. Wala pang 5, nasa bus na ako. Wala pang 6, nasa PITX na ako. Walang pang 7, nasa school na ako. Wala pa ang mga kasamahan kong NUMERO facilitators. Wala pa ring mga estudyante. Okey lang. Mas maganda ang maaga. Nakapag-almusal pa ako ng pansit na binili ko sa Umboy bago ako sumakay sa bus.

Past 8, agad akong nagsimulang magturo kahit wala pang sampu ang dumating. Dapat 15 sila.

Naging maayos naman ang pagtuturo kaya lang nagpasaway ang boys nang uwian na. Naasar ako sa inasal ng ilan nang dumating si Ma'am Martino. Naglakad-lakad at tumakbo-takbo ang iba. Hindi sila aware na mataas ang posisyon. Sinermonan ko sila bago ang dismissal.

Nagkuwentuhan pa kami bago umuwi. Naglinis din muna ako sa classroom. Kadugyot ng Grade 6 participants!

Past 3, nakauwi na ako. Namili pa kasi ako ng pagkain, walis, foot rug, at iba pa.

Hindi na ako umidlip pagdating ko. Nanood lang ako ng Showtime Magpasikat 2023 Grand Champion video. Andami kong iniyak. Ang ganda ng mensahe ng performance nina Jhon, Ion, at Kim. Superb!

Bago gumabi, nagsimula akong gumawa ng worksheet para sa NUMERO class. Then, gumawa ako ng key to correction sa pre-test kanina. Hindi ko natapos dahil ang hirap at ang liliit ng font, lalo na ang fractions.

Nagsulat din ako upang tapusin ang nasimulan kong chapter. Nagawa ko naman agad.

Isinunod ko ang paggawa ng PPT sa Filipino. Hindi ko rin natapos dahil parang gusto kong manood ng movie. In fact, marami akong nasimulan, kaya lang naka-boring ang mga napili ko..

Nobyembre 12, 2023

Maaga pa lang, naghahanda na ako ng almusal at nagsalang ng mga labahin sa washing machine. Wala akong tigil sa paggawa.

Nang matapos ko ang paglalaba, isinunod ko naman ang paglilinis sa sala at kusina. Then, naligo ako pagkatapos maglinis sa banyo para makapamalengke.

Wala ulit akong nabiling salmon head, kaya pork belly na lang ang binili ko. Sinigang ko iyon.

Pagkatapos kumain, humarap na ako sa laptop para gumawa ng Powerpoint.

Umidlip naman ako bandang 1:30 hanggang 3 pm. Ang sarap matulog!

Pagkatapos magmeryenda, grades naman ang ginawa ko. Nang matapos, pagsusulat naman ang isinunod ko. Almost done na ang isang chapter, pero biglang nahinto dahil naubusan ako ng ideya.

Nobyembre 13, 2023

Pamamalantsa, paglilinis at pagdidilig sa garden, at paghahanda ng almusal ang mga ginawa ko bago pumasok. Siyempre, nakapag-dilly dally rin ako habang nagkakape.

Past 9, nasa bus na ako. Napakaluwag pa ng nasakyan ko kaya nakapuwesto ako sa may bintana. lto ang perfect spot para makapagsulat ako. Kaunti nga lang ang nasulat ko kasi inantok ako at tinamad. Sa school ko na itinuloy. Nasolo ako sa dati kong classroom. Kahit paano umusad ang chapter na iyon. Nakapaghanda rin ako ng ituturo ko.

Nagpalitan kami ng klase ngayong araw kaya mabilis ang oras. Ang pinakaayaw ko lang na klase ay Mangga. Andami talaga sa kanila ang walang pagpapahalaga sa edukasyon at pagkatuto. Ang hirap nilang i-motivate.

Nakakapagod ang araw na íto. Mabuti na lang, nalalapit na ang kaperahan.

Hindi ako nakapagsulat sa biyahe pauwi kasi inaantok ako. Umidlip nga ako.

Nang dumating ako sa bahay, nainis lang ako. Tambak ang hugasan sa lababo, gayong naghugas ako bago ako pumasok. Isa pa, hindi masarap ang biniling ulam ni Ion. Sinigang na maraming bula-bula, na parang durog na tokwa. 'Tapos, lamog-lamog na ang mga gulay. Ang pork bbq, makunat pa sa goma. Bukod pa ang amoy nito. Luma na ang karne. Haist! Hindi na lang ako kumibo. Napalo ko tuloy si Herming kasi panay ang meow. Pinainom ko na. Binigyan ng pagkain. Hindi ko malaman kung ano ang gusto. Parang ako. Mapili sa ulam.

Pagkatapos, kong kumain, nanood ako ng BQ. Habang nanonood, nag-record ako ng mga scores ng pupils ko. Then, nagsulat ako para sa Wattpad. Past 10 na ako huminto. Nasa 1300 words na.

Nobyembre 14, 2023

Six-thirty na ako nagising. Ang sarap matulog kasi malamig na. Kaya lang, hindi puwedeng pagbigyan ang mga mata at sarili ko. Trabaho muna at serbisyo. Isa pa, may anak na aasikasuhin ang almusal at uniporme. May tahanan at bakuran pa akong lilinisan.

Before 9, nasa bus na ako. Gusto kong makapagsulat kaya pumuwesto ako sa may bintana. Mahaba-haba abg naisulat ko. Dumaloy nang husto ang ideya sa isip ko. Kahit nang nasa dyip na ako, may mga gusto pa akong isulat. Kaso, maalog ang sasakyan. Masakit sa mata ang pagsusulat habang umaalog.

Wala pang 11, nasa school na ako. Nakipagkuwentuhan ako kay Ma'am Edith habang naghihintay sa mga batang kasali sa RMFO.

Nagpalitan kami ng klase kaya mabilis lumipas ang oras. May cathecism pa, kaya hindi ako nakapaturo sa dalawang klase.

Hindi ako masyadong nagalit ngayon sa Buko. At saka malinis-linis ang classroom namin dahil sa mga suot naming foot rugs. Sana bukas magsuot na rin ang iba.

Maaga sana akong nakauwi--past 8 pa lang iyon, kaya lang nainis ako kay Ion. Paano ba namang hindi? Nang kakain na ako, hindi pala niya naisaksak ang rice cooker. Nakababad lang ang bigas sa tubig. Napaka-iresponsable. Panay lang ang cell phone! Pinagalitan ko nga.

Habang naghihintay na maluto ang kanin, nag-record muna ako ng mga quizzes ng Buko. Nanood na rin ako ng BQ. Mabuti, mabilis nasaing, kundi uminit lalo ang ulo ko.

Nobyembre 15, 2023

Ang bilis ng oras! Gumising ako ng six am, nagplantsa, naglinis sa bakuran, nagluto, at nag-almusal lang, eight o' clock na agad. Tsk-tsk!

Quarter to nine, nakasakay na ako sa bus. Nagsulat muna ako nang kaunti, saka ako umidlip.

Sa dyip, hindi na ako nakasulat, kaya ang iksi pa lang ng isang chapter.

Ngayon na ang simula DST, kaya sinikap kong makarating sa school bago mag-11 upang maka-6 hours ako hanggang 5 pm.

Nagturo ako ng addition at subtraction with regrouping sa mga remedial students. Naging aktibo ang lahat kasi nagbibigay ako ng stars sa mga makakukuha ng tamang sagot.

Wala kaming palitan ng klase kasi may event ang girl scouts-- Escoda Day.

Nagturo na lang ako nang nagturo at nagbigay ng mga activities, kaya medyo mabilis ang oras.

After class, past 5, na-withdraw ko ang bonus. Kasabay ko si Ma'am Mel.

Bandang 6:30, nasa PITX na ako. Tumambay muna ako kasi baka wala pa sa bahay si Zillion. Nagsulat lang ako roon. Mga past 7, sumakay na ako sa bus pauwi.

Wala pang 8:30, nakauwi na ako. Hindi ko na pinagsabihan si Ion. Nagsasaing pa lang siya. Hindi ko alam kung anong oras siya nakakauwi. Siguro, pagod din sa klase.

Umakyat na lang ako at nanood ng BQ sa kuwarto. Bago natapos, bumaba na ako para kumain. Ako na rin ang naghugas ng mga pinagkainan namin.

Pagkatapos ng BQ, nagsulat ako ng Chapter 21. Kahit paano humaba iyon. Almost 1k words na. Bukas, siguradong makakapag-post na uli ako.

Nobyembre 16, 2023

Kahit 6:30 na ako nagising, nagawa ko pa rin ang mga routines ko sa umaga. Hindi na nga pang ako nalantsa kasi naplantsa ko na nang lahat ang polo ni Ion. Ang polo ko naman ay hindi ko na pinalantsa kasi nagdodoble naman ako ng jacket. Gusot-mayaman naman ang pandoble ko.

Nakapagsulat pa ako habang nagluluto at nagkakape.

Quarter to nine, nakasakay na ako sa bus. Nagsulat ako sa biyahe. Mahaba-haba ang naisulat ko, kaya nang nasa school na ako, kaunti na lang ang idinugtong ko. Bago nga, nagsimula ang RFMO namin, posted na ang Chapter 21 sa Wattpad.

Nagpalitan kami ng klase. Tigti-30 minutes lang kami. Ang bilis ng mga pangyayari. Recess na agad.

After recess, nagpa-activity ako sa Music. Then, nagpalinis na kasi may mga dumating nang HRPTA officers para sa kanilang oath-taking.

Mabilis lang natapos ang oath-taking. Mas matagal pa ang planning nila para sa Christmas party. Pagkatapos, hinintay pa namin si Ma'am Joan. Nagsabay-sabay kaming lumabas.

Past 8 lang sana nang dumating ako sa bahay. Kaso, nalungkot ako sa nadatnan ko. Andaming hugasan sa lababo. At uminit pa ang ulo ko. Paano ba namang hindi? E, naulit na naman ang nangyari noong Martes. Ako pa ang nagsaksak ng rice cooker. Halos lumaki na ang bigas sa pagkakababad.

Kahit siguro sinong nagtitimpi, magagalit at magagalit sa kaniya. Dalawang beses na. Parang nananadya.

Nanood na lang ako ng BQ, kahit mahilab na ang tiyan ko.

Pagkatapos manood, nagsulat ako. Hindi pa ako nakaka-one thousand words, inantok na ako.

Nobyembre 17, 2023

Six-thirty na ako nagising. Ang lamig na. Ang sarap nang matulog. Ay, hindi pala. Pagising-gising pala ako kasi masakit ang likod ko. Kapag malamig, sumasakit ang likod ko.

Before 9, nasa bus na ako. Adik na adik na ako sa nobelang sinusulat ko kaya gusto kong isulat agad ang mga nasa isip ko.

Nakipag-bonding ako sa mga ka-Tupa ko. Nakisalo na rin ako sa kanila.

Sa klase, nagpa-activity lang ako. Walang palita ng klase. Maaga ang recess namin kami nag-practice ang mga boy scouts. Naging maayos naman.

After class pumunta kami sa MOA at nag-dinner sa Giligan's. Masarap at masaya ang kainan at kuwentuhan namin doon. Inabot kami ng 9pm, kaya nakauwi ako bandang past 10. Nasa bahay na si Emily.

Nobyembre 18, 2023

Alas-singko, umalis na ako sa bahay para sa ikalawang araw ng NUMERO. Nakapag-almusal naman ako at nakaligo, kahit malamig ang tubig.

Alas-siyete nasa school na ako. Nag-check ako ng pre-test ng mga participants bago sila magsidatingan.

Naging maayos naman ang ikalawang araw ng session. May mgq absent, pero may dalawa namang bagong dating. Bale 14 na sila. May isa pang kulang.

Past 12, nakarating na kami ni Papang sa La Fiesta. Nagtaksi kami, pero namali muna kami ng baba. Akala ko sa Four Seasons. Naglakad pa tuloy kami.

Sobrang busog ko. Hindi talaga ako puwede sa napakaraming choices ng pagkain. Parang umuurong ang appetite ko. Gayunpaman, sulit naman ang P900 kasi nakain ko ang mga pagkaing bihira ko matikman o never ko pang natikman. Past 5 na ako nakauwi.

Nakapag-dinner pa rin ako kasi nagluto si Emily. Maaga na lang akong natulog kasi sobrang antok ko na.

Nobyembre 19, 2023

Si Emily na ang naghanda ng almusal. Naglaba naman ako agad para makapanood ng Ms. Universe. Matagal-tagal akong natapos kasi tumutok talaga ako. Gusto kong ma-witness si Dee. Pero, hindi pala siya nakapasok sa Top 5.

After lunch, umidlip ako hanggang past 3:30. Pagggising ko, itinuloy ko ang paggawa ng vlog. Gabi ko na nai-upload sa YT.

Dahil si Emily ang nagluto ng dinner, nakapagsulat naman ako para sa Wattpad pagkatapos mag-record ng mga scores. Ready na bukas ang PPT ko. Gagamitin ko ang PPT ko last year.

Kahit may transport strike bukas, may pasok sa Pasay. Haist!

Nobyembre 20, 2023

Before 6, gising na ako. Ang hirap nang bumangon. Ang sarap nang matulog na lang. Gayunpaman, ginawa ko ang mga routines ko. Kahit dumating na si Misis, same pa rin ang mga ginagawa ko sa umaga. Ako pa rin ang namamalantsa ng uniform ko. Naghahanda ng almusal at baon ko. Siyempre, ako ang nagdidilig ng mga halaman.

Bago ako naligo, nakapag-post ako ng isa pang chapter sa Wattpad. Dumaloy ang ideya sa utak ko. Sobra-sobra pa sa isang chapter, kaya nang nasa bus na ako ay isinulat ko ang mga iyon.

Naging okupado na naman ako dahil sa RFMO. Okey lang, nai-enjoy naman ng mga bata, e.

May darating daw na Math visor kaya nagkumahog akong mag-print ng DLL. Mabuti na lang, may turo ang Bethany, kaya vacant ako sa unang period. Bago sila natapos magturo, tapos na rin akong mag-print.

Nagpalitan kami ng klase sa ikalawang period nakatatlong sections ako bago mag-recess.

Nainis naman ako sa boys dahil walang disiplina sa pila. Hindi ko na lang sila pinasali sa practice. Ilang minuto ba rin lang kasi ay umuwian na. Pinaglinis ko na lang sila.

Past 7, nasa bahay na ako. Nakapag-check at nakapag-record pa ako ng mga papel, bago ako kumain.

After BQ, nagsulat naman ako for Wattpad. Almost done na ang Chapter 24.

Nobyembre 21, 2023

Nagsulat ako bago pumasok. Isiningit ko iyon sa pagitan ng paghahanda at pag-aalmusal. Past 7:30, posted na ang ika-24 na chapter.

Wala pang quarter to 9, nasa bus na ako. Muli akong nagsulat. Nakaka-inspire kasi ang mga readers ko. Hooked na hooked na sila sa story. Kaya lang, hindi ako masyadong nakapagsulat sa biyahe kasi inantok ako. Isa pa, masyadong maalog ang bus. Nahihilo ako habang nagsusulat, kaya itinigil ko. Sa PITX na ako nagsulat.

Nagbantay lang ako ng Math remedial students kasi may mga affairs ang mga kasama ko. Nakakainis.

Walang palitan ng klase kasi nagpraktis ang mga scouts. Andaming ganap ngayong week. Sa Huwebes na ang investiture ng girl scouts. Sa Friday naman ang boy scouts. Wala nang pormal na klase dahil sa mga extra-curricular activities.

Seven-thirty, nasa bahay na ako. May dala akong kaunting grocery.

Pagkatapos mag-dinner, nanood ako ng BQ. Habang patalastas, nagsusulat na ako para sa Wattpad. Before 10, huminto na ako sa pagsusulat para matulog. Naka-1000 plus words na ako.

Nobyembre 22, 2023

Nakapagsulat ako nang tuloy-tuloy pagkatapos kong mamalantsa, magdilig, at magsaing, at habang nagkakape. Bumangon nang maaga si Emily. Siya na ang naglaga ng itlog at nagprito ng hotdog para sa almusal.

Bago mag-alaw-nuwebe, nasa bus na ako. Hindi ako nakapagsulat nang maayos kasi nasa gitna ako ng tatluhang upuan. Isa pa, inaantok ako. Andami ko sanang ideya.

Kahit sa school, hindi rin ako nakapagsulat dahil sa remedial class. Although, hindi ako nag-facilitate, hindi naman ako makapokus. Ang gaganda ng reactions at feedback ang novel ko. Nakaka-inspire magsulat.

Wala ulit kami palitan ng klase dahil sa mga boy and girl scout practices. Gayunpaman, marami akong pina-activity sa kanila. Marami pa rin silang natutuhan.

Maaga uli akong nakauwi, kaya pagkatapos mag-dinner naabutan ko pa ang balita. Nanood muna ako ng BQ bago nagsulat. Nasa 1500 word counts na ang isang chapter. Bukas, baka makapag-post uli ako.

Nobyembre 23, 2023

Dahil hindi na ako namalantsa at nagdilig, tanging pagsusulat ang hinarap ko, maliban sa paghahanda ng almusal ko. Kaya bago ako naligo, nakapag-post na ako ng isang chapter sa Watty. Before nine naman, nagsusulat uli ako sa bus.

Kahit paano may naisulat ako. Hindi nga lang mahaba. Antok na antok kasi ako.

Paat 11 na ako nakarating sa school. Wala namang Math remedial, kaya okey lang.

Ngayong araw, isinagawa ng GSP investiture. Wala na namang palitan ng klase. Nagturo na lang ako sa Buko, kasama ang apat na girls ng Mangga.

Medyo nainis lang ako sa isang pupil kasi mayabang masyado. Kaya nang gumala bago bumalik mula sa pagbabanyo, pinagalitan ko. Pinasundo ko sa magulang. Kaso, hindi dumating. Umiyak siya, kaya sana maging aral iyon sa kaniya at sa mga kaklase niya.

Past seven ako nakauwi sa bahay. Hindi na ako nakakain ng kanin kasi nagmeryenda ako ng kanin at dalawang suman. May pa-lunch ang GSP. At ang nabili kong ulam ay ang baon kung kanin ay hapon ko na nakain. Nakabili pa ako ng suman bago ako sumakay sa tricycle.

Uminom na lang ako ng First Vita Plus Revitalize, at kumain ng raisin loaves at saging.

Ten, nasa 1400k words na ang naisulat ko. Bukas, siguradong makakapag-post uli ako ng isa pang chapter.

Sinisipagan ko ang pagsusulat para patuloy na ma-hook ang mga readers ko. Nakaka-relate ang iba. Ang iba naman ay para daw nasa roller coaster. Sabi pa ng isa, mabigat sa kalooban niya ang isang chapter dahil sa mga eksena o pangyayari. Panay ang komento nila. Kainaman daw ang mga isinusulat ko. Sabi pa ng isa, mahirap daw hulaan ang ending.

Nakakataba ng puso. Nakaka-inspire.

Nobyembre 24, 2023

Masakit ang ulo ko at mabigat ang katawan nang bumangon ako bandang 6 am. Nawala ang kuryente bandang 1 hanggang 3 am. Sobrang init! Ibang klase ang alinsangan. Hindi ka talaga makakatulog. Parang uulan, pero hindi pa bumagsak. Alas-singko na yata nang umulan.

Nagsulat ako bago naligo. Nai-post ko sa WP ang bagong chapter ng nobela ko.

Before 9, nasa bus na ako. Thanks God, it's Friday. Kailangang mataas pa rin ang drive magtrabaho.

Hindi ako nagsulat sa bus. Umidlip ako. Masakit pa rin kasi ang ulo ko. Para akong tratrangkasuhin. Kahit nang nasa dyip ako, hindi rin ako nagsulat. Pagdating sa school, wala akong kasalo sa lunch, kaya hindi na muna ako kumain. Sa classroom na ako nag-lunch, after kong magpagawa ng activity.

Dahil masama nga ang pakiramdam ko, wala ako sa mood magalit, magturo, at magsaway. Effective naman ang pananahimik ko at pagtingin lang sa mga bata. Mabuti, may mga Youtube video na procedural. Para na rin akong nagtuturo.

Nakaraos din ako sa maghapon ko sa Buko, sa kabila ng nararamdaman. Kaya nang nasa bus ako, sinikap kong umidlip. Hindi muna ako nagsulat.

Before 8, nasa bahay na ako. Wala pa si Emily, kaya wala pang ulam. Nanood muna ako ng BQ.

Kaunti lang ang kinain ko. Kanin din kasi ang meryenda ko kanina. Binigyan ako ng packed lunch mula sa sport teams ng GES.

Nobyembre 25, 2023

Gising na ako bandang 4:30 para maghanda sa pag-alis. Ikatlong Sabado ngayon ng Project NUMERO.

Past 7, nasa school na ako. Nakapag-almusal pa ako at nakapaghanda ng lecture sa board.

Naiinis ako sa Grade 6. Kakaunti sila palagi. Andaming absent. Kanina 11 lang sila. Tapos, umalis pa nang maaga ang dalawa para sa Alive Programe.

Gayunpaman, nagturo ako nang masigla. Dumating ang principal ang PSDS, sa magkaibang oras, sa kalagitnaan ng aming klase.

Past 12:30, umalis na ako sa school. Kumain muna ako ng pares bago bumiyahe pa-PITX. Past 2:30, nasa bahay na ako.

Gabi, nagsulat ako ng talambuhay ni Bonifacio. Gagamitin ko ito sa paggawa ng vlog at pagtuturo. Napapanahon.

After dinner, inasikaso ko ang financial assistance payslip. Walang mga pakialam ang karamihan ng mga parents/guardians. Ayaw mag-comply sa pagpapa-edit ko. Bahala sila kapag nagkaproblema sila.

Nobyembre 26, 2023

Past 7 ako nagising. Nakabawi ako ng ilang araw na puyat at pagod.

Eight-thirty na ako bumangon para magkape at magdilig,

Pagkatapos mag-almusal, umakyat uli ako upang harapin ang report card ng IV-Buko. Binigyan ko talaga ng panahon, lalo na't may magta-transfer out. Kailangan nang makuha ang card sa Martes. Kaya, past 11, tapos ko nang lagyan ng details ang mga cards. Grades na lang ang kulang.

After dinner, since nakaligo na ako, umidlip ako. Past 3:30 na ako bumangon. Itinuloy ko ang paggawa ng vlog, gamit ang talambuhay ni Bonifacio. Past 5, posted na iyon sa YT ko.

Gabi, gumawa naman ako ng poster ng Bonifacio Day.

Nobyembre 27, 2023

Past 6:30 nang bumaba ako. Agad kong sinimulan ang paglalaba, kahit hindi pa.ako nagkakape. Kaya naman, natapos ko naman agad. Naisunod ko na ang paggawa ng vlog, gamit ang kuwentong pambata tungkol kay Bonifacio.

Ako ang nagluto ng ulam kasi umalis si Emily. Bago mag-lunch tapos ko na ang isang vlog.

After lunch, umidlip ako. Itinuloy ko uli ang paggawa ng ikalawang vlog. Bago dumilim, tapos ko na iyon. Nakapagdilig pa ako ng mga halaman.

Gabi, pinag-aralan ko ang ambahan. Nag-research ako. Nanood rin ako ng mga vlogs ukol dito.

Nobyembre 28, 2023

Bago ako pumasok sa eskuwela, naghanda ako ng isang worksheet sa NUMERO. Sinimulan ko ring gawin ang grading sheet. Siguradong magbibigayan na kami ng grades mamaya.

Quarter to nine, nasa bus na ako. Gusto kong magsulat dahil ilang araw akong hindi nagsulat, medyo nawala ang drive ko. Kailangan kong ibalik iyon. Kaya lang, hindi ako nakaupo sa may bintana, at ang daming nakatayo. Kaya, umidlip na lang ako.

Sa PITX, nagsulat ako kahit paano hanggang 10 am. Sa school, tinapos ko ang grading sheet na ipi-print sa susunod na araw. Nagsulat din ako. Natigil lang ang pagsulat ko nang dumating na ang mga estudyante sa Math remedial.

Nagpalitan kami ng klase kaya napakabilis ng iras. Sumingit pa ang cathecism kaya mas lalong mabilis. Andami kong vacant period. Kaya lang, highblood ako sa Buko. Dinugyot nila ang classroom. Pinarinig ko talaga sa katekista ang sermon ko. Kako, mas mabuti pa ang mga hayop sa gubat, hindi nagkakalat. Kayo, mga taong naturingan, ang bababoy. Ganyan ba kayo sa mga tahanan ninyo?

Dahil sa katekista, alas-5 na halos kami nakapaglinis. Mabilisang linis ang ginawa namin. Tumulong na ako pagma-mop. Mabuti, nakaya namang bumaba nang maaga.

Pagdating sa bahay, ahad aking naghapunan upang makapanood ng BQ at makapagsulat. Sinikap kong makasulat ng hanggang 1K words bago ako natulog.

Nobyembre 29, 2023

Andami kong panaginip. Animo'y mga totoong pangyayari kaya para akong hindi nakatulog. Isa sa mga panaginip ko ay nasa ilog kami. Umiiwas sa mga tubol. Naiwasan ko naman. Pero gumising ako kasi alam kong, sa totoong buhay, tungkol iyon paglabas ng pera. Proven ang teste ko na na ito. Kapag naman nahawakan, naapakan, o nadikit sa anomang bahagi ng katawan ko ang tae, it means pagpasok ng pera.

Bago nga ako umalis para pumasok, nag-iwan ako ng P500 para sa budget sa bahay. Sinabihan ko pa si Emily na huwag namang ubusin iyon sa isang araw lang. May mga pinamili naman ako kagabi. Ulam lang ang bibilhin.

Sa biyahe, nakapagsulat ako kahit paano, gayundin sa school. Walang Math remedial kaya nasolo ko ang venue, bago dumating sina Ma'am Joan at Ma'am Ivy.

Bad trip ako maghapon. Naiinis ako sa kawalan ng disiplina, pagpapahalaga sa sarili, at kusa ng mga estudyante. Nainis din ako kay Alberto. Hindi ko na lang pinansin.

Apektado talaga ang pakikitungo ko kapag naiinis ako. Kahit pag-uwi ko, hindi na ako nakipagkulitan kay Emily. Pagkatapos kong mag-dinner, umakyat na ako.

Before 9:30, nakapag-post ako ng isang chapter sa WP.

Nobyembre 30, 2023

Naisip kong um-absent pero hindi ko pinayagan ang sarili ko. Sayang! Malapit na rin namang mag-Christmas break. Kaunting tiis na lang. Kaya, wala pang 9, nasa bus na ako. Sinikap kong makapagsulat.

Hindi ako masyadong nakapagsulat sa biyahe. Gayunpaman, may nasimulan na ako para sa next chapter.

Wala pang 11, nasa school na ako. Nanood ako ng awarding at culminating program ng National Reading Month.

Nakisalo ako sa lunch sa aking mga ka-Tupa after ng program.

Nagpalitan uli kami klase kaya ang bilis ng oras. Hindi ako highblood, na tulad kahapon.

After class, umuwi agad ako. Wala pang 8, nagdi-dinner na ako. Kaya, naturuan ko pa ang magturuan ko pa ang pupil kong magpi-perform bukas sa Values Educ program, gamit ang isinulat kong tula.

Nanood muna ako ng BQ bago nagsulat. Nasa 800 words na ako. Need ko pa ng 1200 words.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...